SAMPUNG minuto ang lumipas bago nila narating ang Sulbang kung saan nakatira sina Ofelia.
Mabilis silang bumaba ng bangka at nilakad ang mamasa-masang lupa. Pagkatapos madaanan ang ilang matatangkad na punong nakapalibot sa paligid, isang lumang bahay ang sumalubong sa kanila.
"Ito ang bahay ko, Anak."
Matagal iyong pinagmasdan ni Alex. "Nay, kung matagal na kayong umalis dito, bakit buo pa rin itong bahay n'yo?"
"Dito kasi nakatira ang pinsan ko. Mula nang umalis ako, dito ko na siya pinatira. Bihira nga lang kami magkausap dahil mahina raw ang signal dito sa kanila."
"Alam po ba niya na nandito na tayo?"
"Hindi nga, eh. Naging biglaan kasi ang pag-alis natin kaya hindi ko na siya nasabihan. Pero alam ko namang nandito lang siya lagi. Wala naman kasi siyang ibang mapupuntahan dahil mahirap lang siya gaya natin."Tumuloy na sila at kumatok sa pinto. Di nagtagal ay nagbukas ang bintanang yari sa kawayan. Isang matabang lalaki na may bigote ang bumungad sa kanila.
Gulat na gulat ito nang makita si Ofelia. "Aru ginu ko! Ot atyu kayu keni?" Nagtatanong ang lalaki kung ano raw ang ginagawa nila roon.
Bahagyang nagulat si Alex sa lakas ng boses nito. Masayang lumabas ang lalaki at sinalubong sila.
Nag-iyakan pa ang dalawa habang mahigpit ang pagkakayakap sa isa't isa. Halatang napakatagal na panahon nilang hindi nagkita.
Awtomatiko naman siyang nagmano rito nang lumingon ito sa kanya.
"Manyawad kung panupaya nung edaka asabinan king pamagdatang mi keni," ani Ofelia, na ang ibig sabihin sa Tagalog ay humihingi ito ng pasensiya sa biglang pagdating nila roon.
"Mekeni, salangi kayu!" pagbati ng lalaki, na ang ibig sabihin ay welcome daw sila sa loob.
Naupo agad si Alex sa isang upuan na tila bagong barnis pa lang. Lahat ng mga gamit doon puro makaluma. Doon pa lang niya nadama ang presensiya ng kanilang probinsiya.
"Ala ku pang alulutu, itung. Mebigla ku kasi king pamagdatang yu. Sali ku pang maski nanu king palengki, ne?" wika sa kanya ng lalaki na ang ibig sabihin ay wala pa raw itong naluluto dahil sa biglang pagdating nila, at bibila lang daw muna ito ng kahit ano sa palengke.
Ngisi lang ang itinugon ni Alex dito. Sa kanya nakatingin ang lalaki pero wala siyang maisagot sa mga sinabi nito.
"Pisuk, tagalugan me pa ing anak ku. E yapa biyasang Kapampangan yan," anang ina niya rito, na ang ibig sabihin ay tagalugin daw muna siya nito dahil hindi pa siya marunong magkapampangan.
"Ah ganoon ba? Sige, sige pasensiya na! Oo nga pala, ngayon ka lang nakapunta rito 'di ba? Gusto mo bang sumama sa 'kin sa palengke? Para mailibot na rin kita."
"Naku! Galing na kami sa palengke ng Masantol kanina. Sasama na pala ako sa inyo. May ipapakita rin kasi ako sa kanya," sabat ni Ofelia.
"Ako nga pala si Pisok. Ikaw, si Alexander ka 'di ba?"
"Ah, opo."
"O, sige. Magpahinga muna kayo. Mayamaya aalis din tayo. Pupunta tayo ng Masantol, doon ako mamamalengke para marami tayong stock ng pagkain dito."
Tatlong tango ang itinugon niya. "Medyo malayo po pala ito, 'no? Kailangan pa ng bangka, tapos pagdating doon matagal din ang biyahe sa motor."
"Ah, oo. Malayo talaga kaya nakakapagod din lalo na kung hindi ka sanay rito."
"Ah, Pisok," biglang singit ni Ofelia. "Dito na pala muna kami titira."
"O talaga? O, sige walang problema! Aayusin ko mamaya 'yung kabilang kuwarto para matulugan n'yo."
BINABASA MO ANG
Mateo Leoron Teodoro 2022
HorrorSa isang baryo sa Pampanga noong sinaunang panahon, lahat ng mga tao ay may kanya-kanyang kakayahan at abilidad na kung tawagin sa kanilang wika ay KALAM. Ang KALAM ay isang malalim na salitang Kapampangan na ang ibig sabihin ay "The Gifted". Sa lab...