AKMANG isasaksak na nito iyon sa kanyang dibdib ngunit nagawa pa niyang sipain ang lalaki sa mukha.
Napaatras ito at nabitawan ang banduana. Doon siya pumalag sa dalawang tauhan at pinagsusuntok ang mga ito.
Saka siya lumapit sa kinaroroonan ng banduana at pinulot iyon. Bigla naman siyang sinipa ni Mateo hanggang sa matumba siya sa lupa. Pilit nitong inagaw sa kanya ang banduana.
Naramdaman ni Alex ang unti-unting pagbigat ng mga kamao ni Mateo. Hindi na niya iyon kinakaya. Mukhang ginagamit nito ang kapangyarihan ng Manlilingu para daigin siya sa lakas.
Napilitan na siyang itapon ang banduana sa ilog upang hindi ito makuha ng kalaban. Saka niya hinayaan ang lalaki na paulanan siya ng mabibigat na suntok sa mukha na halos ikasuka niya ng dugo.
Sa lakas ng mga atakeng pinakawalan nito, halos hindi na makilala ang kanyang mukha sa tindi ng pagdurugo. Kulang na lang ay durugin ng lalaki ang kanyang ulo.
Ilang beses pa siyang binuhat nito at pinagbabagsak sa lupa na halos ikabali ng kanyang mga buto. Wala na siyang laban sa lakas na taglay nito gamit ang kapangyarihan ng Manlilingu.
Sa muling pagkabagsak niya sa lupa, pumatong sa kanyang harapan ang lalaki at nagpakawala ng mahigpit na sakal sa kanyang leeg. Halos maubusan na siya ng hininga sa bigat ng mga kamay nito.
Hindi na kinakaya ni Alex ang taglay na lakas ni Padre Mateo gamit ang kapangyarihan ng Manlilingu.
Sa nagdidilim niyang paningin, nakita pa niya kung paano siya nilukuban ng mga kapitbahay na nasa ilalim ngayon ng pinakawalang mahika ni Teodoro.
NANG magising siya, nakagapos na ang dalawang kamay niya sa isang malaking krus. Nakita pa niyang pinagmamasdan siya nina Mateo at Teodoro sa harap kasama ang ilan nilang mga tauhan at sakristan.
"Gising na pala ang ispesyal na panauhin natin ngayon dito sa ating simbahan..." ani Teodoro habang nakatitig sa kanya.
"Ano'ng pakiramdam ngayon, Alexander Soriano? Na nag-iisa ka na lang dito at wala ka nang malalapitan? Sa tingin mo ba, may magagawa ka pa para pigilan kami?" nanunuksong wika naman sa kanya ni Mateo.
Saglit na bumaba ng altar ang dalawa at nagtungo sa likod ng simbahan. Naiwan naman doon ang mga tauhan at sakristan para bantayan siya habang nakatali sa krus.
"Kapatid, ano ba ang ginawa mo para hindi magamit ni Alexander ang kanyang Kalam?" tanong ni Mateo rito nang tuluyan silang makalabas.
"Gamit ang Kalam ng Manggagawe, nilagyan ko ng itim na mahika ang mga tali sa kamay at paa ni Alexander sa krus na iyon. Hangga't nakagapos siya roon, hindi niya magagamit ang kanyang Kalam."
Doon ay sabay nang napangiti ang dalawa habang nagpapalitan ng mapanuksong titig.
"Mabuti na lang talaga at naibalik ka na namin, Kapatid kong Teodoro. Hindi na ako mahihirapan pang sakupin ang buong Masantol para mapalawak pa ang relihiyong binuo ng ating ama."
"Huwag kang mag-alala, kapatid kong Mateo. Wala nang kahit sino pa rito ang puwedeng pumantay sa ating dalawang Ukluban. Hindi natin kailangang madaliin ang lahat. Gusto ko munang pahirapan si Alexander dahil malaki ang kasalanan ng kanyang ina sa atin."
Nagbalik-tanaw si Teodoro sa huling giyerang naganap noon kung saan bumuo si Charito ng sarili nitong hukbo upang kalabanin sila. Sa mga panahong iyon ay wala pa siyang sariling katawan at isa lamang siyang usok na gumagabay kay Mateo, ngunit alam din niya ang lahat ng nangyayari.
Alam niya kung paano nagtaksil si Charito nang magboluntaryo itong pumasok sa simbahan nila. Dahil sa katapangang ibinigay nito sa kanila, pinagkalooban nila ito ng iba pang mga Kalam na lingid sa kanilang kaalaman ay gagamitin lang pala ng babae laban sa kanila.
BINABASA MO ANG
Mateo Leoron Teodoro 2022
HorrorSa isang baryo sa Pampanga noong sinaunang panahon, lahat ng mga tao ay may kanya-kanyang kakayahan at abilidad na kung tawagin sa kanilang wika ay KALAM. Ang KALAM ay isang malalim na salitang Kapampangan na ang ibig sabihin ay "The Gifted". Sa lab...