Kabanata 6: Walang Katapusang Gulo

110 9 0
                                    

MAAGANG nagsara ang store nina Alex dahil may pupuntahan daw ang kanilang amo. Alas-tres pa lang ng mga sandaling iyon kaya naisipan niyang umuwi na muna para makapaglibot-libot sa kanila.


Nais lang niyang i-explore mag-isa ang kanilang lugar upang lumawak pa ang kaalaman niya tungkol sa kanilang baryo.

Pagkarating niya sa Kontrol, hindi na muna siya sumakay ng bangka. Sa halip ay dumiretso siya kung saan ang daan patungo sa bahay nina Padre Mateo.

Pero wala siyang balak magpunta roon. Ang nais lang niya ay lumibot sa bahaging iyon.

Dumampi sa kanyang balat ang malamig na simoy ng hangin habang naglalakad sa gitna ng malawak na kakahuyan. Nagbabakasakali siyang may makikita siyang ibang daan doon patungo sa iba pang mga lugar na sakop ng kanilang baryo.

Ngunit sa di kalayuan, hindi niya inaasahan ang kanyang makikita. Isa iyong babae na halos kaedad lang ng kanyang ina. Naka-indian seat ito habang nakasandal ang likod sa isang matabang puno.

Nakita niya itong nakapikit at umuusal sa paraang ito lang ang makakarinig. Nagtago siya sa isa pang puno at doon niya ito pinagmasdan.

Nagtataka siya sa kung ano ang ginagawa nito, at kung may kinalaman ba iyon sa Kalam nito.

Laking gulat niya nang bigla na lang itong bumagsak sa lupa at nawalan ng malay. Balak sana niya itong lapitan ngunit bigla na lang humapdi ang mga mata niya. Kasabay niyon ang pagsalakay ng napakalakas na hangin na halos magpataboy sa kanya palayo.

Hindi na siya tumuloy roon. Kumaripas siya nang takbo pabalik sa Kontrol. Nang marating niya ang sakayan ng mga bangka, doon pa lang nawala ang hapdi sa kanyang mga mata.

Kinilabutan tuloy siya sa nangyari. Hindi kaya inatake siya ng Kalam ng babaeng iyon? Ano naman kaya ang ibig sabihin ng malakas na hanging umatake sa kanya?

"MAGKUKUSIM ang nakita mo, Anak," sagot sa kanya ng ina matapos ikuwento rito ang naingkuwentro niya kanina. "Oras na makaramdam ka ng hangin na tumataboy sa 'yo sa isang lugar kung nasaan ang katawan ng Magkukusim, nangangahulugan iyon na itinataboy ka niya dahil hindi ikaw ang target niya."

Nasa lamesa siya at tumutulong sa paghihiwa ng mga gulay. Si Ofelia naman ay nagpapakulo ng karne sa kanyang likuran.

"Ay ganoon po ba 'yun? Ano nga po kasi ulit 'yung kapangyarihan ng Magkukusim, Nay?" tanong niya rito.

"Sila 'yung mga tao na kayang palabasin ang kaluluwa sa katawan nila para mangulam sa malalayong lugar."

"O, talaga?" halata ang pagkamangha sa tinig ni Alex. "Oo nga pala. Pero ano naman ang purpose no'n, Nay? Para saan pa 'yung pagpapalabas nila ng kaluluwa kung puwede naman silang mangulam gamit ang sarili nilang katawan?"

"Alam mo kasi, mas makapangyarihan ang Magkukusim kaysa sa Mangkukulam at Mambabarang. Dahil nga sa nakakalabas ang kanilang kaluluwa sa kanilang katawan, madali nilang natutunton ang kinaroroonan ng kanilang biktima kahit saan pa ito magtago. At oras na makalabas ang kaluluwa nila, mas madali nilang natutuklasan kung sino ang mga taong nagkakasala sa kanila na dapat nilang pagbayaran. At oras na gamitin nila ang kanilang kapangyarihan, hindi sila basta-basta makikita sa visions ng mga manggagamot dahil nga kaluluwa lang sila."

"Ang tindi naman pala ng Magkukusim! Ibig sabihin, puwede nila akong matunton dito at kulamin kahit wala silang mga dalang gamit? Dahil kaluluwa nila ang ginagamit nila sa pangungulam?"

"Parang ganoon na nga," mabilis na sagot ng matanda.

"Aba! E, ano naman po ang pangontra sa kanila? Paano malalabanan ang sumpa ng Magkukusim?"

"Sa pagkakaalam ko, kailangan mo raw hanapin ang patay na katawan ng Magkukusim na kumulam sa 'yo. Bago pa makabalik ang kaluluwa nito, kailangan mo na raw sunugin ang kanyang katawan upang maputol ang mga sumpang ibinigay niya sa mga taong kinulam niya. Pero iyon din ang pinakamahirap na paraan. Dahil nga sa sobrang dami ng Magkukusim dito, paano mo malalaman kung sino sa kanila ang kumulam sa 'yo?"

Mateo Leoron Teodoro 2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon