Christmas without Merry

27 4 7
                                    

Ano nga ba ang pasko?

Para sa akin, ito ang gabi na lumitaw ang pinakamaningning na bituin sa madilim na langit. Ang gabi kung saan nasilayan ang sinag ng pag-asa sa magulo at maingay na mundo. Ang gabi na ibinigay ng Diyos ang pinakamagandang regalo. Isang sanggol na magliligtas ng sirang mundo. Ito ang tunay na rason, tunay na kahulugan, tunay na pasko.

Dati, ang tingin ko sa pasko ay isa lamang espesyal na araw. Hindi ko alam kung bakit. Basta, masarap ang mga pagkain sa hapag, madaming regalo at nagtitipon kami lahat. Ito ang naging depinisyon ko ng pasko. Ngunit, mali ako. Para akong manunulat na hindi alam ang paksa. Para akong pintor na hindi alam ang pinipinta. Hindi na ako nagtaka, na sa tuwing hindi ako nakuntento sa mga nakuha kong pamasko, pakiramdam ko hindi ito ang pasko. Pakiramdam ko, nanduya ang pasko. Nagbago lahat ng perspektibo sa isipan ko nang kumatok sa puso ko ang Rason ng pasko. Mula sa araw na 'yun at simula noong nakilala ko Siya, ang pasko ko ay naging araw-araw na.

Karamihan sa iba, lalo na ngayon, ang tingin nila ay hindi na naman masaya ang pasko. Siguro dahil masyado silang nakabaling sa pagbibilang ng maraming bituwin kaya nalimutan na nila ang nag-iisang maningning. Siguro dahil sinasalamin nila ang pasko sa lechon, sa regalo o sa mga pamasko ng mga ninong at ninang nila. Siguro ang tingin nila, sila ang depinisyon ng pasko. Siguro ang tingin nila, pasko ngayon, dapat masaya ako. Dapat masaya kami. Dapat nandito sila. Dapat nandito siya. Dapat may jowa ako. Makasama ko lang ang pamilya ko, kuntento na ako. Makita ko lang silang masaya, kuntento na ako. Dahil siguro nga ganun talaga, ang mga bagay na hindi binibigyang pansin ang mga mahahalaga.

Malinaw na ang tunay na kahulugan ng pasko para sa akin. Hindi lang ito nakabase sa handa, sa regalo o sa pamasko. Hindi, mas malalim pa dito. Mas mahalaga pa sa lahat nang ito. Siya ang nagbibigay saya, lakas at pag-asa sa akin. Siya ang bumubulong sa akin. Siya ang yumakap sa karumihan ko. Siya ang hindi sumuko sa akin, siya ang namatay para sa akin. Siya ay nandito sa tabi ko. 'Yun ang magbibigay at magpapasiklab ng walang katumbas na kasiyahan sa puso ko. Walang katumbas. Walang kapareho. Walang katapusan.

Dahil alam ko na noong sinilang siya. Sinilang din ang pag-asa. Sinilang ang pag-ibig. Sinilang ang buhay na walang hanggan na kinakailangan ng isang katulad kong nilalang sa mundo. Simula nang dumating siya, nagkaroon ako ng tapang, kabuluhan at halaga. Hindi na importante pa ang dami ng handa sa hapag, tore ng regalo o ang kapal ng pamasko. Dahil sa tuwing iniisip ko kung paano siya bumaba para yakapin ang maduming katulad ko, naging maningning ang madilim kong langit.

Ang tangi ko na lamang hiling ay pagmasdan nilang muli ang pinakamaningning na bituin. Ipinagdadasal ko na makita nilang muli ang Diyos sa likod ng salitang pasko. Upang sama-sama naming pagmasdan ang hiwaga nito.

Bahagya kong isinara ang maliit na libro na nasa gitna ng aking palad at saglit na pinagmasdan ang madilim na langit. Kasalukuyan akong nakaupo sa bintana ng kuwarto ko habang nakatutok ang aking mga mata sa maningning na bituin sa langit.

Inaamin ko, nahawakan ng mga salita niya ang malamig kong puso. Ang nagugulohan kong puso. Ang naiinis kong puso. Ngayun, unti-unti ng nabubuo ang katotohanan sa aking isipan na kanina lang ay napupuno ng makasariling intensyon.

"Patawarin mo ako," nasira ang boses ko hanggang sa mauwi ito sa mahihinang hikbi.

Nabitawan ko ang libro at bumagsak ito sa sahig. Nabasa ang palad ko ng mga nagsisising luha. Bumalik sa alaala ko kung gaano ko sagutin ang pamilya ko kanina at paano ako magalit sa kanila dahil lamang ang hirap namin. Hindi ko maipaliwanag ang inis sa kanila kanina kaya nauwi ako rito sa loob ng madilim na kuwarto. Purong pagsisisi ang nararamdaman ng puso ko. Inis na inis ako sa sarili ko. Ang hina niya. Ang sama niya.

Napahigpit ang hawak ko sa nakasalikop kong mga tuhod. Tinago ko ang aking luhaan na mukha sa gitna ng aking tuhod. Ilang saglit pa, yinakap ako ng malamig na hangin, dahilan para mapatingala muli ako. Malamig ang gabi ngunit nakaramdam ako ng init. Init ng kapayapaan. Init ng pagmamahal.

"Salamat," sumibol ang maliit na ngiti sa labi ko.

Nagpapasalamat ako sa libro na naibigay Niya. Marami akong natutunan. Marami akong nalaman. At may iisa akong naramdaman. Pakiramdam na walang makakaagaw. Pakiramdam na siya lang makakabigay.

Binuksan ko ang pinto ng kuwarto ko at natagpuan ko ang pamilya kong nag-iintay doon.

Tumungo ako at nagsisising pinagmasdan ang medyo basa naming sahig. "Pasensya na,"

Akala ko ay susumbatan nila ako ngunit naramdaman ko ang kanilang mga balikat sa katawan ko.

"Ayos lang 'yun, anak. Sapat ng nalaman mo ang pagkakamali mo,"

Yumakap ako pabalik. Wala na akong masabi pa sa oras na 'yun kundi "Salamat". Salamat sa pagpunta Mo rito mula sa langit para mahalin ang katulad kong walang halaga. Para sa iba, ang pasko ay ipinagdiriwang patapos na ang taon. Pero hindi nagtatapos ang lahat sa araw na ito. Ito pa lamang ang simula. Ito pa lamang ang simula.

And It's All About YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon