PASKONG WALANG SAYA
ILANG ORAS na lang ay Noche Buena na. Kasama ang mga kaibigan ay masayang nakikipaglaro ang labing-tatlong taon gulang na si Irish. Ngunit nang mapag-usapan ang mga regalong posibleng makuha ng mga ito sa kani-kanilang magulang, ninong at ninang. Naisip niya na baka tulad nang nakaraang Pasko, wala na naman siyang makuhang regalo.
Ang inggit ay nagsisimula nang mamayani sa kaniyang puso. Ayaw niya iyong maramdaman dahil sinabi niya na sa kaniyang sarili na ayos lang na wala siyang makuhang regalo basta kasama niya ang pamilya niya para ipagdiwang ang Pasko kahit pa ma’y walang handa.
Bago pa man siya tuluyang kainin ng inggit ay mabilis na siyang nagpaalam sa kaniyang mga kaibigan na uuwi na siya. Nang pumayag na ang mga ito ay kaagad na siyang umalis. Lukot ang mukha at nakanguso siyang naglakad pauwi.
Hindi naman ganoon kalayo ang kanilang bahay sa lugar na nagsisilbing lokasyon nilang magkakaibigan kapag nagkakayayaan silang maglaro. Pagkarating niya sa tapat kanilang bahay ay kaagad na naramdaman niya ang lungkot. Ang dating bahay na puno ng sigla at saya ay napalitan ng isang walang buhay na tila ba’y walang pamilyang nakatira roon.
Mabigat ang dibdib na naglakad siya palapit sa pinto ng kanilang bahay. Nang makalapit ay napansin niya ang dalawang magkapares na tsinelas. Ang isang pares nito ay pag-aari ng kaniyang ama ngunit ang isa pa ay hindi niya kilala. Sigurado siyang hindi iyon sa kaniyang ina.
Ipinilig niya na lamang ang kaniyang ulo. Binuksan niya ang pinto at tuluya nang pumasok. Doon ay nakarinig siya ng ingay na nagmumula sa silid ng kaniyang ina’t ama. Lumapit siya rito para malinaw niya iyong mapangkinggan.
“Ohh... Marvin... Sige pa.” Napangiwi siya sa narinig. Sa murang edad niya ay hindi na lingid sa kaalaman niya kung ano ang ginagawa ng mga ito. Ang boses ng babaeng kasama ng ama niya sa loob ng silid ay alam niyang hindi ang nanay niya.
Lumuluhang lumayo siya sa silid na iyon. Isa lang alam niya, pinagtataksilan ng kaniyang ama ang kaniyang ina.
Lakad-takbong nilisan niya ang kanilang walang buhay na bahay.
Napadpad siya sa lugar kung saan talamak ang manunugal. Nagtataka siya kung bakit hindi iyon pinapasok ng mga kapulisan. Huminto siya roon at sinuyod ng kaniyang mata ang buong lugar. Sa paglilibot ng kaniyang mga mata ay namataan niya ang kaniyang ina sa gilid. May hawak na baraha sa isang kamay at sigarilyo naman ang sa kabila. Sa lamesa katapat nang kinauupuan ng kaniyang ina ay may bote ng alak.
Sa nakita ay lalo lamang sumikip ang kaniyang dibdib.
Tulad nang ginawa niya kanina ay ganoon din niyang nilisan ang lugar.
Alam niya na kung nasaan ang kaniyang ama at ina. Parehas na abala ang mga ito. Ang kanilang haligi ng tahanan ay abala sa pamba babae na dinala pa talaga sa bahay nila. Samantalang ang ilaw naman ng tahanan ay sa bisyo at sugal naman nakatutok.
Nagpatuloy lamang siya sa paglalakad na walang eksaktong lokasyon. Hinayaan niya ang kaniyang mga paa na dalhin siya kung saan nito gusto.
Tiningnan niya ang oras sa kaniyang relong pambisig na galing pa sa kaniyang ama noong mga panahon na ayos pa ang kanilang pamilya. Noong masaya pa nilang ipinagdiriwang ang pasko. Maraming handa at maraming regalo.
“Isang oras na lang Pasko na. Buti pa sila masaya,” walang buhay na sabi ni Irish. Pait at lungkot lamang ang kaniyang nararamdaman.
Sa sementeryo siya dinala ng kaniyang mga paa. Nagpatuloy pa siya paglakad hanggang sa tuluyan na siyang huminto sa puntod ng kaniyang namayapang nakababatang kapatid. Ang dating nagpapasigla sa tahanan nilang mag-anak.
Dalawang taon na ang nakalilipas nang iwanan sila nito. Iyon din ang dahilan kung bakit nagbago ang dating masaya nilang pamilya. Simula nang mawala ito ay nawalan ng sigla ang kanilang bahay. Lahat ay nagbago.
Naging babaero ang iniidolo niyang ama at nagalit sa kaniyang ina. Ito ang sinisisi ng tatay niya kung bakit maagang kinuha sa kanila ang bunso nila. Alam niyang hindi naman iyon ginusto ng kaniyang ina. Hindi nito inaasahan na tatawid at masagasaan ang nakababatang kapatid niya nang rumaragasang sasakyan. Walang may gusto sa nang nangyari. Aksidente lamang iyon.
Palaging pinaparamdam ng kaniyang ama na kasalanan iyon ng kaniyang ina kaya bibabad din nito ang sarili sa pagsusugal at pagbibisyo.
“Bunso, miss na miss ka na ni Ate.” Huminto muna siya dahil ayaw niyang pumiyok siya sa harap ng puntod ng kapatid niya.
Linunok niya muna ang bumabara sa kaniyang lalamon saka nagpatuloy sa pagsasalita.
“Siguro kung hindi ka kinuha sa amin kaagad, masaya tayong nagdidiwang ng pasko. Sabay na bubukas sa mga regalong natanggap natin kila Inay at Itay. S-Siguro kung nandito ka pa, masaya pa t-tayo. H-Hindi sana nagbago ang lahat.” Pinipigilan niya ang luha na bumuhos nang bumuhos ngunit bigo siya. Hindi niya na rin napigilan ang pumiyok.
Sobrang sakit no’n para sa kaniya. May pamilya siya pero hindi niya ito maramdaman. May ama’t ina pa siya pero parang wala. Ang pagmamahal na natatamasa niya mula sa kaniyang magulang ay wala na ngayon.
Mahal na mahal niya pa rin ang mga ito pero naisip niya, ganoon din ba sila sa kaniya? Iniisip pa ba siya ng magulang niya?
Hindi naman siya inabandona pero sa mga ginagawa ng mga ito, ganoon ang nararamdaman niya.
Yakap-yakap ang tuhod, nahiga siya sa damuhan katabi ng puntod ng nakababata niyang kapatid.
Tiningnan niyang muli ang relong pambisig. Nakita niyang ilang minuto na lang ay alas dose na. Ibig sabihin ay Pasko at Noche Buena na. Masayang nagdidiwang ang ibang pamilya, kabaliktaran ng sa kaniya.
Nang ilang segundo na lang ay nagsimula na siyang magbilang.
“Maligayang Pasko, bunso,” walang buhay na usal ni Irish habang yakap ang tuhod niya na katapat ng dibdib niya.
Nanalangin siya na sana sa susunod na Pasko ay magdiwang na sila tulad nang dati.
Umaagos pa rin ang kaniyang luha ‘saka tuluyan nang ipinikit ang kaniyang mga mata.
#
BINABASA MO ANG
One Shot Stories
RandomA ONE SHOT STORIES COMPILATION. You can read all one-shot or short stories I wrote out of boredom. Hope you'll read it. Enjoy reading, guys. There's a one-shot stories that contains strong language, graphic sex scene, and vulgarity. READ AT YOUR OWN...