𝙸. 𝙿𝙴𝙰𝙽𝚄𝚃 𝙱𝚄𝚃𝚃𝙴𝚁 𝙰𝚃 𝙿𝙰𝙽𝙳𝙴𝚂𝙰𝙻
NOONG TAONG 1986, labing-anim na taong gulang pa lang ako nang maranasan at matutuhan ko ang lahat ng klase ng pagmamahal sa mundo.
Siguro, para sa ibang tao, hindi naman iyon ganoon kahirap na alamin. Nasabi nga rin sa akin ng inay ko na kapag naramdaman natin ang pagmamahal, wala nang eksplenasyon na kailangan pang mapakinggan. Kusa iyong ipaiintindi ng puso sa utak, at siyempre, sumang-ayon ako sa inay. Bukod sa pinalaki nila akong busog sa mainit nilang pagmamahal, wala nga namang kung ano pang salita ang kailangan para roon.
Ang pagmamahal ay nararamdaman na natin bago pa man tayo mabuo sa sinapupunan ng ating mga ina. Pagkasilang sa atin, mas mamahalin pa tayo nang higit pa sa inaakala natin. Sa mga magulang natin mararamdaman at matutuhan ang unang klase ng pagmamahal. Sa paglaki, at kung papalaring magkaroon ng mga kapatid, iyon naman ang sunod. Mayroon ding pagmamahal na nakukuha sa mga taong hindi natin kadugo, sa mga taong nagbibigay malasakit at minsan pa ay tinatawag nating kaibigan. Mayroon namang klase ng pagmamahal na nabubuo sa pagkakuryoso at pagdadalaga, na sa huli ay isinasantabi dahil masyado pang bata ang pang-unawa upang akalaing malalim ito noong una: ang pagbuo ng pagmamahal sa salungat na kasarian—hindi kadugo, hindi kaibigan.
Labing-anim na taon pa lang ako noon, natututo, nagkakamali, natutumba, tumatayo, nagmamahal, minamahal, at minahal. Inakala kong lahat ng kailangan kong malaman ay alam ko na; na sa palagay ko ay mas malaki na ako kaysa sa mundo. Pero hindi. Bata pa rin: magkakamali ulit, matutumba ulit, at matututo ulit. Paulit-ulit kahit pa masyadong malupit ang mundo sa mga batang hindi perpekto.
Pero lahat tayo ay hindi perpekto. Kahit nakahain na sa harapan ko ang kahulugan ng pagmamahal, mayroon pa rin akong nabigong intindihin dahil masyado pang bata ang utak ko para unawain. Matututuhan lang nating intindihin ang pinakaimportanteng aral sa buhay kung kailan ang lahat ay magwawakas na.
Noong 1986 ko nasimulang matutuhan na may dalawa pang klase ng pagmamahal—iyong nabubuo nang hindi inaasahan, at nagpapaalam kahit pa piliting huwag lumisan. At ngayong 2023, muli kong naranasan ang pagmamahal na tulad sa barkong lumalayag paalis sa baybay-dagat.
“Condolences sa ˋyo at sa pamilya mo, Ruth.” Tinapik ni Karmen, kapitbahay at kaibigan ko na rin, ang balikat ko. Ngumiti siya sa akin na may bahid ng awa at simpatya sa mukha. “Paniguradong mapayapa na ang kaluluwa ni Alfred sa langit.”
Hindi ako sumagot. Binigyan ko lang siya ng tipid na ngiti at tumango. Pinanood ko siyang umupo sa isang monobloc chair at saka mataimtim na nagdasal. Tinanggal ko sa kanya ang tingin ko at ibinalik iyon sa kabaong ng asawa ko sa harapan ko. Sa loob niyon ay mapayapa siyang nakahiga. Hinawakan ko ang salamin na pumapagitan sa amin, at pinigil ang luha ko sa pagbuhos.
“Masyado pang maaga”—iyan ang laging naririnig ko mula sa bibig ng mga taong pumunta ngayon sa lamay ni Alfred. Tama naman sila; masyado pang maaga para magpaalam siya sa amin . . . sa akin. Limampu’t apat na taong gulang pa lang siya, pero hindi pa gaanong makikita sa mukha niya ang mga linya ng katandaan. Kakaunti pa lang ang uban sa anit, at maging ang kutis niya ay kasing lambot pa rin ng mga kwarenta anyos ngayong panahon. Ang pag-iwan niyang ito sa akin ay biglaan at walang pasabi; gayunpaman, lahat naman ng pamamaalam ay nanggugulat.
Pumatak ang luha ko at nagbilang sa mga daliri. Siya ang ikaapat na taong namaalam sa akin. At tulad ng mga naunang paglisan, sumusuot pa rin ang sakit sa kaibuturan ng puso ko at tinutusok iyon nang paulit-ulit, nang paulit-ulit . . . paulit-ulit. Kahit kailan ay hindi masasanay ang puso ko sa ganitong klase ng pagmamahal.
Naaalala ko tuloy kung kailan nagsimula ang lahat sa amin ni Alfred. Senior ko siya sa kolehiyong pinasukan ko, naging magkaaway muna kami bago naging magkaibigan, at kalaunan ay natutuhang mahalin ang isa’t isa. Naaalala kong wala pa ako noon sa tamang huwisyo nang una kaming ipakilala sa isa’t isa, dahil kung tutuusin ay tila isa akong batang naliligaw sa mundo ng mga matatanda. Bukod pa sa sakit ng pusong natamo ko sa unang taong lumayag papalaot, ilang taon din ang ginugol ko para hanapin ang sarili ko. Si Alfred ang tumulong sa akin noong hindi ko alam kung saan ang destinasyon ko, kaya siguro hindi na rin naman nakakabigla na mahulog ang loob ko sa kanya.
BINABASA MO ANG
Noong 1986
RomanceAng sabi nila, bumabalik daw tayo sa panahon kung kailan tayo pinakamasaya habang hinaharap natin ang panahon kung kailan tayo lugmok sa kalungkutan. Tulad ngayong biglaan akong iniwan ng aking asawa, hindi ko maiwasang magbalik-tanaw sa taong 1986...