𝙸𝚅. 𝙼𝙶𝙰 𝙶𝙰𝙽𝙸𝙳 𝙽𝙰 𝙷𝙸𝙻𝙸𝙽𝙶
TUWID AKONG NAKAUPO sa harap ng hapag habang kumukuha ng plato at mga kubyertos si Aaliyah. Nangangamoy ang lechong manok na dala niya sa buong kusina kasabay ang pambabaeng pabango niyang kanina ko pa nalalanghap. Tahimik lang akong nakayuko, hindi man lang nag-atubiling tingnan ang buong hapag-kainan kahit pa nakukuryoso na ako kung may pagbabago. Ayokong biglang magkatagpo ang mga mata namin ni Aaliyah, gayong gulat pa rin ako sa biglaan naming pagkikita rito.
“Mukhang nagsaing si Sean dito kanina, pero hindi na mainit,” aniya sa likod ko. Sa sobrang tagal na naming hindi nagkakausap, naninibago ako sa tono ng boses niya at sa paraan ng pagbigkas niya sa bawat salita. Kung sasabihin kong parang nag-iba na siya ay mali kung papakinggan. Talagang nagbago na ang lahat sa kanya. “Magsasaing muna ako ng kanin. Mga fifteen to twenty minutes lang ˋto sa rice cooker at maluluto na. Okay lang naman siguro sa ˋyong maghintay?” tanong niya.
Hindi ako sumagot o gumalaw man lang ng ni isang daliri. Dinig ko ang mga yabag ng takong na suot ni Aaliyah, papalapit nang papalapit. Ilang segundo pa ay nasa harapan ko na siya; hinuhugot ang isang silya para maupo sa hapag. Hindi ko siya magawang tingnan sa mga mata. Tuwing nagtatagpo ang mga tingin namin ay naaalala ko lang ang huling araw kung kailan kami nagkita: siguro iyon na ang isa sa pinakamasakit na alaala ko sunod sa pagkamatay ng Inay at Itay. Yumuko ako at ilang minuto rin kaming binalot ng katahimikan. Gusto ko na sanang magpaalam na uuwi, pero kahit ganoon ay hindi ko magawa.
Bakit kaya?
“Ah, it was such a coincidence na nagkita tayo rito, Ruth. How are you?” tanong niya matapos kong magbilang ng limang daan.
Nag-angat ako ng ulo ngunit iniwasan ko ang mga mata niya. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa tanong niya. Kung magiging totoo ako ngayon, sasabihin kong hindi ako ayos. Kakamatay pa lang ng asawa ko, habang narito ako at hinaharap ang sugat sa nakaraan ko. Kung magsisinungaling naman ako’t sasabihin kong ayos lang ako, alam kong malalaman niya rin kaagad ang katotohanan. Nasabi sa kanya ni Sean ang tungkol sa asawa ko. Dapat alam niya na ang sagot sa tanong niya.
“Ayos lang ako.” Gayunpaman, nagsinungaling pa rin ako at tipid na ngumiti. “Ikaw?”
“Ayos lang din . . .” mahina niyang sagot. Dahil doon ay nagkaroon ako ng lakas na tingnan siya sa mukha. Bahagyang pinaglalaruan ni Aaliyah ang pang-ibabang labi niya gamit ang mga daliri. Nasa baba rin ang tingin niya na parang tulad ko lang din. Kung tama rin ang hinala ko ay nagsusumigaw ang mga mata niya ng lungkot. Pero bakit siya malulungkot?
Dahil kaya nagkaharap ulit kami ngayon at . . . at hindi talaga siya komportable sa presensya ko at pinipilit niya lang ang sariling maging mabait sa akin?
Bigla akong tumayo at naging sanhi iyon ng malakas na pag-atras ng kahoy na inuupuan ko. Gulat sa aking napatingin si Aaliyah. Inayos ko ang postura ko habang kinukurot ang braso sa likod. “Mauuna na ˋko. Hinahanap na ˋko panigurado ng mga anak ko.”
Napatayo na rin siya at bakas ang gulat sa kanyang mukha. “A-ah, hindi ka na ba kakain dito? Sayang naman ˋyung kanin na ininit ko . . .” aniya sa medyo nanginginig na boses.
“Hindi na,” mataman kong sagot. “Kailangan na ˋko sa bahay,” dagdag ko pa.
Lumapit siya sa akin kaya bigla akong napaatras. Nakita ko ang paglaki ng mga mata niya dahil sa reaksyon ko, pero agad din naman iyong nawala. Ngumiti siya sa akin at umatras. “Kung gano’n, hindi na kita aabalahin pa,” aniya. Ngumiti ako sa kanya nang tipid at nagsimula nang maglakad palabas sa silid-kainan. Nang malapit na ako sa pinto ay narinig kong tinawag niya ulit ang pangalan ko. Natigilan ako hindi dahil sa mismong pagtawag niya, ngunit dahil sa paraan ng pagtawag niya sa akin. Hinawakan ko ang dibdib ko at pumikit nang mariin. “Nalaman ko ang tungkol sa asawa mo kay Sean.”
![](https://img.wattpad.com/cover/331803833-288-k836457.jpg)
BINABASA MO ANG
Noong 1986
RomanceAng sabi nila, bumabalik daw tayo sa panahon kung kailan tayo pinakamasaya habang hinaharap natin ang panahon kung kailan tayo lugmok sa kalungkutan. Tulad ngayong biglaan akong iniwan ng aking asawa, hindi ko maiwasang magbalik-tanaw sa taong 1986...