𝙸𝙸𝙸. 𝙰𝙽𝙶 𝙰𝚁𝙺𝙾 𝚂𝙰 𝚂𝙰𝙽𝚃𝙰𝙲𝚁𝚄𝚉𝙰𝙽
LAGI KONG NAITATANONG sa sarili noon kung paano nalalaman ng mga tao na nagkakagusto na sila sa mga taong nagpapahayag ng kanilang nararamdaman. May isang linya kasing pumapagitan sa pagmamahal at pagkakagusto sa isang tao. At ang linya ring iyon ang hindi ko lubos na mabatid. Madali lang naman kasing intindihin ang pagmamahal ng mga taong noon pa’y nasa ating tabi na. Tulad sa aking mga magulang. Tulad sa aking mga kapatid. Pati na rin ang aking mga kaibigan. Pero ang magmahal ng taong kapapasok pa lamang sa ating buhay, paano ko mababatid?
Iyan ang isa sa mga misteryo sa aking utak tuwing nakikita ko si Liyah na magkaroon ng panibagong nobyo. Siya kaya iyong tipo ng taong mabilis na magmahal? Paano niya kaya nalalaman na gusto niya na ang isang tao? Ano kaya ang mga bagay na kanyang kinokonsidera? Ito ang mga tanong na gusto kong sambitin, ngunit tuwing sinusubukan ko ay pabarumbado lamang siyang sumasagot.
“Kailangan ko pa bang isipin nang malalim kung gusto ko talaga ang isang tao?” isa sa mga sagot niya nang aking tanungin. At dahil naiirita ako sa pagiging sarkastiko niya, nagtulakan na naman kami hanggang sa maiba ang paksang pinag-uusapan.
Isang linggo kasi matapos ang aming naging pag-uusap sa tulay, nagkaroon na ulit siya ng kasintahan. Hindi ko alam kung saan niya na naman napulot ang lalaking iyon, ngunit nagulat na lamang ako nang ipakilala niya sa akin. Minsan talaga ay hindi ko lubos na maintindihan si Liyah kahit pa ilang taon na rin kaming magkaibigan. Tuwing nagiging misteryo sa akin ang kanyang mga desisyon sa buhay, iniisip ko na lamang na siguro, ganito talaga ang lahat ng klase ng relasyon; hinding-hindi natin makikilala nang lubos ang isang tao kung hindi nila gustong ipakita ang kanilang kabuuan.
Wala naman sana akong pakialam kung may bago siyang nobyo, ngunit naiirita lang ako dahil nang dumating ang Mayo, halos hindi na kami nagkikita. Hindi ko alam kung dahil ba okupado siya sa sinalihang Santacruzan (isinali kasi siya ni Tiya Anna bilang Reyna Elena) o dahil mas gusto niya nang kasama ang pangit niyang nobyo kaysa sa akin. Mas gusto kong isipin na dahil sa nauna kaya ganoon. Dahil bilang isa sa may pinakaimportanteng papel na gagampanan sa pagdiriwang, malamang ay wala na talaga siyang oras upang makipaggaguhan sa akin. Kapag naman kasi naiisip ko na dahil sa pangalawa, nawawalan na ako ng gana sa kung ano mang aking ginagawa.
“Dalagang-dalaga na si Aaliyah, ano, Ruth?” tanong ni Inay nang isang araw ay makita namin ang pamilyang Sarmiento sa bayan na maraming bitbit na bulaklak.
Mukhang iritado si Liyah habang may kung anong sinasabi si Tiya Anna. Nasa tabi niya rin si Sean Agustin at iilan niya pang mga lalaking pinsan na siyang bumibitbit ng kanilang mga pinamili. Napataas ang gilid ng aking labi nang mapansing tila pinapangaralan siya ng kanyang ina. Nakakrus na ang kanyang mga kamay sa dibdib, nakanguso ang mga labi, at kunot ang mga noo. Ganyan lagi ang kanyang mukha tuwing may kung ano siyang nagawa na ayaw ni Tiya Anna.
“Oo nga ho, Nay, e,” sagot ko at nag-iwas ng tingin sa kanila.
Mahinang tumawa si Inay. “Oh, bakit parang hindi ka yata niya isinama sa pamimili ng mga gamit para sa kanyang arko? Hindi ba isinama ka niya noong nakaraang taon nang sumali rin siya sa Sagala?”
Napalabi ako sabay irap sa hangin. “Hindi ko ho alam sa kanya, Nay. Baka masyadong busy upang puntahan ako sa bahay at humingi ng tulong.”
“Kayo ba’y nag-away, anak?” tanong pa ni Inay.
“Hindi ho,” agad kong sagot, ngunit kahit ako ay napatanong din sa sarili kung talaga bang may pinag-awayan kami ni Liyah na nakalimutan ko. Sobrang wala kasi sa karakter niya na ignorahin ako nang ganito. E, parang magkapatid na rin kami ng babaeng iyon. Kahit sa simpleng pagsukat ng bagong biling sapatos sa kanya ni Tiya Anna ay pinapakita niya pa sa akin. Tapos ngayon . . .
![](https://img.wattpad.com/cover/331803833-288-k836457.jpg)
BINABASA MO ANG
Noong 1986
RomanceAng sabi nila, bumabalik daw tayo sa panahon kung kailan tayo pinakamasaya habang hinaharap natin ang panahon kung kailan tayo lugmok sa kalungkutan. Tulad ngayong biglaan akong iniwan ng aking asawa, hindi ko maiwasang magbalik-tanaw sa taong 1986...