𝚅𝙸. 𝙿𝙰𝚂𝙰𝙽 𝙺𝙾 𝙰𝙽𝙶 𝙼𝚄𝙽𝙳𝙾
SOBRANG HIRAP NA aminin iyon sa aking sarili. Hindi ko alam kung dapat ba akong mandiri o maging masaya dahil kahit papaano, natanggal ko na rin iyong parang tinik sa aking dibdib.
Dahil sa pag-uusap naming iyon ni Sean ay naging malapit kami. Aniya’y kahit b-in-asted ko siya, gusto niya pa rin kaming maging magkaibigan. At dahil naklaro naman na rin sa aming dalawa lahat ng hindi pagkakaunawaan, hinayaan ko na lamang siyang gawin kung ano ang kanyang gusto. Naging sobrang bait din naman kasi niya sa akin. Dapat lang ay ibalik ko iyon sa kanya kahit pa sa ganito kaliit na paraan.
“Birthday ko bukas. Punta ka sa bahay namin, Ruth. May handa ako at may pa-videoke sina Mom at Dad. You should sing, narinig ko kay Liyah na maganda boses mo,” aya sa akin ni Sean isang hapon na pauwi ako galing sa eskuwelahan.
Ramdam ko ang tinginan sa amin ng aking mga kaklaseng nakasasabay namin sa paglalakad. Paano, hinintay niyang matapos ang aming pasok upang magkasabay kaming umuwi. Masama nga ang tingin sa kanya ni Riley nang salubungin ako sa gate ng paaralan. Madalas kaming ganito nitong mga nakaraang araw, kaya lumalabas na naman tuloy ang tsismis na nangangaliwa ako kay Riley kasama si Sean.
Umiinit na ang aking ulo sa mga lalaki. Kung bakit kasi sa akin nangyayari ito, e, wala naman akong interes sa kanila pareho?
“May pasok bukas,” sagot ko kay Sean.
“Gabi naman, Ruth,” pilit niya sa akin na mabilis ko lamang na inilingan.
“Hindi ba’t malayo ang bahay ninyo sa amin? Hindi ako papayagan ni Inay.”
“Ipagpapaalam kita—”
“Huwag na!”
Gusto ko na lamang sampalin ang aking sarili dahil sa pagkakulit nito ni Sean. Patuloy niya pa akong kinulit, mukhang hindi titigil kung hindi ako papayag. Nagsisisi na tuloy ako na pumayag pa akong maging magkaibigan kami. Hindi ko alam, pakiramdam ko kasi ay sinasamantala niya iyon upang mas maging malapit pa kami. Kumbaga, may nakatagong motibo. E, tinanggihan ko na siya, hindi ba?
Muntik na akong mapamura nang bigla akong hilain ni Sean at pagpalitin ang aming puwesto. Dahil naglalakad na kami sa gilid ng kalsada, muntik na pala akong madawit ng bisekletang mabilis na dumaan. Ngunit nang makita ko kung sino ang naroon ay agad na nag-init ang aking ulo. Tumatawa si Mark sa likod ng bisekleta ni Liyah, habang mabilis na pumapadyak ang huli. Kumaway pa sa akin ang pangit na gago kaya halos mangasim na ang aking buong mukha.
“Hoy, Aaliyah! Are you trying to kill us?!” sigaw ni Sean.
Imbes na sumagot ay tumawa lamang si Liyah sabay kaway ng kamay. Hindi man lamang nga siya lumingon na mas ikinainit pa ng aking ulo. Si Sean naman ay napapabuntonghininga na lamang dahil doon. Tinanong niya ako kung ayos ba ako na agad ko namang tinanguan.
“Ah, right. Bring Liyah with you kung nahihiya kang pumunta sa ˋmin. Kilala ka na rin naman ng ibang kamag-anak ko, kaya please, pumayag ka na,” pangungumbinsi niya pa habang pinagdidikit ang dalawang palad.
Nag-iwas ako ng tingin. Sa nangyari kanina, tingin niya ba maaaya ko pa ang babaeng iyon na samahan ako papunta sa kanilang bahay? Mukhang palagi ngang may date kasama si Mark. Kung ako ang tatanungin, kahit ayain ko pa siya ay halata namang mayroon na siyang plano bukas.
Nag-init pang muli ang aking ulo na umabot sa aking kalamnan. O, edi magsama sila ng Mark niya!
“Nag-away ba kayo? Hindi ko na kayo nakikitang magkasama, ah—”
BINABASA MO ANG
Noong 1986
RomanceAng sabi nila, bumabalik daw tayo sa panahon kung kailan tayo pinakamasaya habang hinaharap natin ang panahon kung kailan tayo lugmok sa kalungkutan. Tulad ngayong biglaan akong iniwan ng aking asawa, hindi ko maiwasang magbalik-tanaw sa taong 1986...