𝙿𝙰𝙶𝚆𝙰𝚆𝙰𝙺𝙰𝚂
“NAIPAALAM MO NA ba sa mga magulang mo ang paglipat n’yo sa Maynila ng anak ko, Robin?” mahinahon kong tanong sa nobya ng panganay kong anak.
Ramdam kong natigilan siya at napaisip dahil sa tanong ko. Hininaan ko ang apoy ng niluluto ko para lingunin siya. Malalim ang iniisip niya habang nakatingin sa ibaba. “Hindi pa po, Ma, e,” sagot niya nang nag-angat sa akin ng tingin.
Ngumiti ako nang tipid. “Hindi kaya magkaroon pa ng mas malaking away sa pagitan mo at ng mga magulang mo dahil dito?”
“Susubukan ko naman pong hindi madawit si Angie sa away namin,” sagot niya sabay buntonghininga.
“Hindi dahil sa anak ko kaya kita tinatanong nito, Robin.” Hinarap kong muli ang niluluto at nagsimulang haluin iyon. “Concerned lang ako sa ˋyo. Hindi magandang magkaaway kayo ng mga magulang mo. At alam ko ring masakit para sa ˋyo na ganitong . . . tumututol sila sa relasyon n’yo.”
Nang matapos na sa nilulutong kaldereta ay pinatay ko na ang kalan. Tuluyan kong hinarap si Robin para makausap siya nang mas mainam. “Hindi naman kayo tutol sa ˋmin, Ma. ˋYun ang importante. Sapat na ˋyun.”
Mapait akong ngumiti. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na wala nang mas importante pa sa kung ano’ng iisipin ng mga magulang niya. Pero naalala ko na medyo makaluma na ang ganoong isipin. Hindi porket ganoon ang pag-iisip ko noon, dapat ay ganoon din ang kanya. Isa pa, iba ang sitwasyon niya sa pamilya niya sa naging sitwasyon ko noon. Hindi ko siya puwedeng diktahan kung ano ang sa tingin niya’y nararapat o hindi. Alam niya, higit pa sa sinuman, kung ano ang dapat na gawin sa sitwasyon niya.
Kaya ngumiti ako at tinapik siya sa balikat. Yumakap siya sa akin at mainit ko namang niyapos ang mga kamay ko sa kanya. Ilang taon na rin ang itinagal ng relasyon nila ng anak ko. At sa mga panahong lumipas, itinuturing ko na ring anak si Robin; tulad ng kung paano ko itinuturing ding anak ang asawa ni Marlo na si Sarah.
“Kung gano’n, Robin, ipagdarasal ko ang kasiyahan n’yo ni Angie. Kung darating man ang araw na talikuran kayo ng mundo, alalahanin n’yong nandito lang ako’t mananatiling nakaharap sa inyo. Alam kong gano’n din ang Papa Alfred mo. Kaya ˋwag na ˋwag n’yong hahayaang sirain kayo ng masasamang tingin ng iba.”
Nanginginig ang balikat ni Robin na kumalas sa yakap ko. “Ma naman! Tirik pa ang araw, pinapaiyak mo na agad ako, e!” Pinunasan niya ang luhang dumaplis sa pisngi niya at tumawa.
Natawa rin ako at tinapik siya sa ulo. Dahil sa bigla niyang pag-iyak ay biglang sumulpot sa kusina si Angie. Kunot ang noo niya nang magpukol ng tingin sa amin.
“Rob, ano’ng nangyari? Ba’t ka umiiyak?” agad niyang nilapitan si Robin.
“Si Mama kasi tutol sa paglipat natin sa Manila,” sumbong niya sa anak ko. Tatawa-tawa niya akong itinuro kaya hindi ko maiwasang mapangiti.
“Ma! Bakit? Akala ko ba okay ka na sa desisyon namin? Bakit biglang ganito?” nagpapanik na tanong ni Angie habang pinapatahan ang nobya niya.
“Nagbago ang isip ko. Masyado pa kayong mga bata at hindi magandang magsasama na kayo sa iisang bubong na hindi pa kasal.” Sinulyapan ko si Robin at binigyan siya ng tingin na nagsasabing ‘pagtripan natin ang anak ko’ na agad niyang nakuha’t tinanguan.
Dahil doon ay halos isang oras din naming pinagloloko ang kabado nang si Angeline habang kumakain ng pananghalian. Kahit pa pareho na kaming tumatawa ni Robin ay talagang kinumbinsi niya pa rin ako sa plano nilang dalawa. At nang huli’y makita kong pinanlulumuan na siya, nagpasya na akong tumigil sa pagbibiro.

BINABASA MO ANG
Noong 1986
RomansAng sabi nila, bumabalik daw tayo sa panahon kung kailan tayo pinakamasaya habang hinaharap natin ang panahon kung kailan tayo lugmok sa kalungkutan. Tulad ngayong biglaan akong iniwan ng aking asawa, hindi ko maiwasang magbalik-tanaw sa taong 1986...