Ikalawang Kabanata

142 10 5
                                    

𝙸𝙸. 𝙿𝙰𝙶𝙱𝙰𝙱𝙰𝙻𝙸𝙺 𝚂𝙰 𝙽𝙰𝙺𝙰𝚁𝙰𝙰𝙽

ISANG STRAP LAMANG ng bag ni Sean Agustin ang nakasuot sa kanyang balikat. Hawak iyon ng kanyang kaliwang kamay habang ang kanan ay nakapaloob sa bulsa ng kanyang itim na pang-ibaba. Nasa tuwid na linya ang aking mga labi nang makita ko ang kanyang gusot-gusot na puting polo. Makikita rin sa ilalim nito ang kanyang kulay kahel na jersey shirt na tuluyan ko nang ikinangiwi.

“A-ano ulit ang sabi mo, Ruth?” tanong niya, nauutal. Umakbay sa kanya ang isa niyang kaibigan na kanina’y hinila papalayo si Liyah. Tinanong din ako niyon ng parehong tanong ni Sean kaya napailing ako.

“Wala pa ho sa isip ko ang pagnonobyo,” ulit ko sa aking naging sagot sa kanya kanina.

Nagsinghapan silang magkakaibigan, samantalang si Liyah sa likod ay napahagikhik na lamang. “Sabi ko na kasi sa ˋyo, unggoy, maba-basted ka lang niyan ni Ruth. Pag-aaral inaatupag muna niyan,” ani Liyah sabay hagalpak sa tawa.

Hindi naman pinansin ng kanyang pinsan ang kanyang pambubuyo. “Kung wala pa sa isip mo ngayon ang pagbo-boyfriend, I—I can wait for you hanggang sa maisipan mo na ˋkong sagutin,” wika ni Sean sa seryosong tono. Dahil doon ay nakaani siya ng hiyawan at mga sipol sa kanyang mga barumbadong kaibigan. Pinigil ko ang sariling mapairap gamit ang pagngiti at tinapik siya sa balikat.

“Sorry! Iba na lang ho ang hintayin mo, ˋwag na ˋko. Mauunahan mo pang pumuti ang uwak niyan kapag pinilit mo,” pabiro kong sabi at nilagpasan na siya. Nakatingin sa akin ang lahat ng kanyang kaibigan habang tumatakbo ako papunta kay Liyah. Kahit pa medyo nakaramdam ako ng awa para sa binata, wala naman akong magagawa kung talagang ayaw ko pa sa ngayon na magnobyo. Isa pa, mas mabuti nang diretso ang sagot ko sa kanya upang hindi na siya makaisip pa na may tsansa siya sa akin.

Nakakasira lang ng buhay ˋyang pagnonobyo,’ pag-ulyaw ng bilin sa akin ni Itay na sinasang-ayunan ko naman.

“Tama lang ˋyung ginawa mo, Ruth. Masisira lang ang buhay mo sa pagbo-boyfriend,” sabi ni Liyah nang makasunod na ako.

“Wow, ha!” Tinulak ko siya. “Nagsalita ang papalit-palit ng nobyo kada buwan,” sabi ko.

“Iba ako, Ruth,” hambog niyang sambit sabay madramang hawi sa kanyang buhok. “Walang lalaki ang kayang sumira sa buhay ko.”

Umiling na lamang ako at nakipagkulitan pa sa kanya. Sa munting pag-uusap naming iyon ni Liyah, tila may kung ano’ng nabubuhay sa aking kaloob-looban. Hindi ko rin alam kung ano ang mayroon sa espesipikong araw na iyon upang maalala ko nang ganito kalinaw. Dahil kaya kahit pa huli na naman akong nagising, hindi ako na-late pumasok dahil hindi rin pumasok si Ma’am Gonzales? Dahil kaya sa pagsabay namin ni Liyah at pag-angkas ko sa bisekleta niya noong umaga? O baka dahil ninamnam namin ang pandesal na pinalamanan ng peanut butter? Kapag kasi kumakain kami niyon ay kailangang patago, tuwing mahuhuli kasi kami ni Ma’am Gonzales, kukunin niya iyon at hindi na ibabalik. Minsan nga ay naiisip ko na lamang na baka inggit lamang ang aming guro kaya ang aming almusal ni Liyah ang kanyang pinupuntirya.

O baka naman kaya masyado kong naalala ang araw na iyon ay dahil sa napakagandang kahel na kalangitan? Kung ganoon naman kasi kaganda ang mga ulap, hinding-hindi rin makakalimot ang utak kahit pa anong pilit. O siguro dahil na rin iyon ang araw kung kailan ikalawang beses akong mapagtapatan ng nararamdaman ng isang lalaki? Hindi kasi ako iyong babaeng nakakabali ng leeg tuwing dumaraan sa kanto, e. Hindi ko kasingganda itong mestiza kong kaibigan. Kahit pa hindi ko naman masabing pangit ako, hindi rin naman sapat ang itsura ko para magustuhan ng mga lalaki.

Ah! Iyon nga siguro ang dahilan.

▪ ▪ ▪

“HOW ARE YOU, Ruth? Naaalala mo pa naman ako, ˋno?” tanong ni Sean nang matapos akong magpunas ng mga luha sa pisngi ko.

Noong 1986Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon