Kabanata 9

63 12 8
                                    

CLARA

Five months later.

Pagkababa ko sa 2nd floor, napansin kong nakatambay si Isaac sa veranda. Agad niya akong napansin. "Uy, saan ka pupunta?"

"Ah, magpapaalam sana ako sa baba," sagot ko.

"Nakahanap ka na ba ng malilipatan?" tanong niya. Naikwento ko kasi sa kanya na naghahanap ako ng mas malapit na malilipatan dahil inutos ni Mama. Isa pa, para hindi na ako mahirapan sa commute. Next year kasi gusto ko rin masubukang sumali sa mga school organizations.

Tumango ako. "Nakapagbayad na rin kami ng downpayment." Ilang sandali pa kaming nagkatinginan. Tila nangangapa pa rin kami kung paano makitungo sa isa't isa. "Ano... Salamat pala sa tulong mong maghanap ng apartment."

Nung unang beses kong naghanap ng apartment, sobrang nag-alala siya kasi ginabi na ako ng uwi. Kaya sabi niya, sasamahan na lang daw niya ako para masigurado niyang ligtas ako. Kaya ang ginawa namin every weekend ay naghanap ng apartment na malapit sa campus ko.

Nung una nga, kinabahan pa ako kasi hindi dapat malaman ni Isaac na naghahanap ako ng bagong titirhan. Mabuti na lang nasabi na pala ni Mama kay Tita Beng.

Tinanong ko pa si Isaac dati, "Hindi ka ba nahihirapan sa commute?"

"Nahihirapan," sagot ni Isaac. "Kung bubukod man ako, wala nang makakasama si Lola sa bahay niya. Lahat sila, may kanya-kanyang pamilya na e."

Yun nga ang napansin ko sa pamilya nila. Malaki at madami man sila, may kanya-kanyang bahay naman silang inuuwian. Nasa taas lang naman sina Ate Dia pero iba pa rin yung may kasama ka mismo sa bahay. Ako nga, miss na miss ko na ang mga magulang ko e.

Alam kong mapagmahal si Isaac kahit na madalas ay tahimik lang siya pero ngayon ko lang siya nakitang ganito magmahal sa pamilya niya.

"Kailan ka lilipat?" tanong ni Isaac.

"Next week na."

"Bago flight mo?"

Tumango ako. Sa Saudi kasi ako magpapasko ngayong taon. Hindi pa kasi ako handang pakawalan ang Saudi. Pakiramdam ko hindi pa ako handang magpaalam noon kaya gusto ko itong balikan. Pitong taon ko rin 'yon naging tahanan. Kaya hindi madali para sa aking iwan ang Saudi.

"Wala ka na ba talagang balak bumalik sa Saudi?" tanong ko kay Isaac habang bumababa sa ground floor.

Umiling siya. "Mahal ang visa at ticket." Tama naman siya. Mas maganda pa nga sigurong gastusin na lang nila dito yung pambili nila ng ticket at pambayad para sa visa niya. "Basta... bumalik ka rito, a?"

Natigilan ako sa paglalakad. Gusto niya akong bumalik dito? E paano 'yon? Aalis na nga ako sa bahay nila?

Pinagpatuloy ko ang paglalakad dahil nasa baba na si Isaac. Inaabangan na niya ako doon. "P-pwede naman kitang bisitahin dito."

"Ang ibig kong sabihin, bumalik ka rito sa Pilipinas," paglilinaw niya. Ahhh, oo nga naman. E kasalanan niya! Hindi malinaw yung pagkakasabi niya. "Pero pwede ka namang bumisita rito kahit kailan."

Tumango ako saka kami pumasok sa bahay ng lola niya. Nadatnan namin itong nakaupo sa rattan niyang upuan.

Nagmano muna kaming dalawa sa kanya. "O, anong meron, hija? May problema ba?" bungad sa akin ni Lola.

Nginitian ko siya saka umiling. "Wala po. Nandito lang po ako para magpaalam sa inyo. Lilipat na po kasi ako next week."

"Ano?!" Nagulat ako kasi ang lakas ng boses ni Tita Mariel. "Bakit ngayon mo lang sinabi? Dapat may two months notice para nakahanap kami ng ibang rerenta!"

Akmang magsasalita na si Isaac para ipagtanggol ako pero inunahan ko na siya. Hindi pwedeng palagi na lang akong nagtatago sa likod ni Isaac. Dapat kaya ko ring ipaglaban ang sarili ko. "Mawalang galang na ho pero for your information lang po. Matagal na pong alam nina Tita Beng na naghahanap ako ng bagong matitirhan. Sila pa nga po ang unang nakaalam. Kasi sa kanila naman po ang bahay, hindi po ba? Kaya kung hindi po nila sinabi sa inyo, hindi ko na po kasalanan 'yon."

Natahimik ito sa sinabi ko. Dapat lang. Napaghahalataan siyang pera lang ang habol niya sa amin. Porket nasa abroad yung magulang ko, limpak-limpak na pera na ang pwede naming ipambayad? Kung nagagawa niya 'yon sa kapatid niya, pwes wala siyang karapatang gawin 'yon sa mga magulang ko!

Nagpaalam akong muli kay Lola. "Maraming salamat po sa pagpapatukoy sa akin dito," sabi ko kay Lola.

Taas-noo akong umalis sa bahay na 'yon dahil alam kong wala akong tinapakang tao at naipagtanggol ko ang sarili ko. Para 'yon sa mga magulang kong pinaghihirapan ang naiipon nilang pera.

Paakyat pa lang ako nang marinig kong tawagin ako ni Isaac, "Clara!"

Nilingon ko siya. Magso-sorry sana ako kaso inunahan niya ako. "Ops. H'wag kang magso-sorry." Tinikom ko ang bibig ko saka bahagyang tumawa. "Proud ako sa ginawa mo."

Sabay kaming napangiti. Alam din niya siguro ang masahol na ugali ng tita niya.

Babalik na sana siya sa loob ng bahay nang tawagin ko siya, "Isaac." Nilingon niya ako. "Pwede mo ba akong tulungan sa paglilipat next week?"

Ngumiti siya saka tumango. "Of course, you, dummy. Kahit hindi mo sabihin."

Commuting for Dummies (Manila Commuters Club, #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon