CLARA
Mabilis na lumipas ang dalawang linggo. Alam ko na rin kung paano mag-commute papunta sa campus ko. Salamat na lang kay Isaac dahil kung hindi baka ma-late pa ako sa first day ko.
Gulat ko pagbaba ko, nandun si Isaac sa may gate na para bang may hinihintay. "Hindi ka pa pala umaalis?" tanong ko sa kanya.
Mula sa baba ay napaangat ang tingin niya sa akin. "Sabayan na kita. Baka kung mapaano ka pa. Patay ako sa nanay nating dalawa," dahilan niya.
Paano ko hindi lalagyan ng malisya 'to? Pinigilan ko ang ngiti kong nagbabadyang traydurin ako. "So... hinintay mo ako?"
"Dummy." Iniwas niya ang tingin niya sa akin saka binuksan ang gate. "Halika na. Male-late na ako," sabi niya saka lumabas na.
Trinaydor ako ng ngiti ko. Hindi ko na napigilan. Si Isaac kasi!
Ewan ko ba. Simula nung yakapin niya ako ng mahigpit dun sa LRT station, hindi ko na maiwasang hindi lagyan ng malisya lahat ng mga kilos niya. Kilala ko kasi 'yang si Isaac. Hindi siya magaling sa mga salita. Kaya madalas pinapakita niya na lang sa kilos niya yung tunay niyang nararamdaman. E kaso ang hirap naman mag-assume kung walang assurance, 'di ba?
'Di bale na. Sa susunod ko na lang siguro tatanungin.
Hinabol ko siya sa may terminal ng mga tricycle. Mukhang hindi namin lalakarin yung nilakad namin dati. Buti naman dahil baka mas lalo lang kaming hindi makasakay sa LRT agad.
Pinauna niya ako sa loob ng tricycle. Isiniksik ko ang sarili ko sa gilid dahil matangkad na tao si Isaac. Hindi niya isinagad ang katawan niya paloob kaya medyo maluwang pa rin para sa akin.
Buong biyahe kong tinignan ang mukha niya gamit ang salamin sa tricycle. Kahit hindi siya ngumingiti, ang gwapo niya pa rin. Ang totoo n'yan, mas gumagwapo siya sa paningin ko kapag nakangiti siya. Kaya minsan ang sarap ipagdamot ng ngiti niya e.
Nung nasa Saudi kami, mas madalas siyang ngumiti. Ngayon, sobrang dalang na lang. Dahil kaya 'yon sa breakup namin?
Hay, Clara. Awat na nga. Ang aga-aga, overthinking ang inaatupag ko.
Pagkarating namin sa LRT station ay nagbayad na si Isaac. Binigay ko naman sa kanya yung bayad ko. Akmang tatanggihan niya sana nang sinita ko siya. "Tsk. Kunin mo 'yan."
Napilitan siyang tanggapin yung bayad ko. Tahimik kaming naglakad paakyat sa station. Dahil nga medyo late din kaming nakarating sa LRT, hindi kami nakaupo. Napilitan akong tumayo.
Ganun din si Isaac. Mabilis niyang nilipat sa harap niya ang bag niya saka kumapit sa hawakan malapit sa kanya. Mabuti pa siya, abot niya yung hawakan sa LRT. Ako kasi, hindi ko abot. Hindi ko tuloy alam kung saan kakapit.
"Bag mo," mahina niyang sabi. "Mananakawan ka n'yan."
Ginaya ko ang paglipat niya ng bag sa harap. Ilang minuto pa ay narinig ko ang boses utot sa LRT. Hindi ko rin alam kung paano ko ide-describe ng maayos pero basta, boses utot!
Unti-unti nang nagsasara yung pinto ng LRT pagkatapos ko marinig yung buzzer. "...Sa susunod na tren na lang humabol."
Nagulat ako nang biglang umandar yung LRT kaya napahawak ako sa bag ni Isaac. Mabilis naman ang reflex niya kaya nahawakan niya ako sa braso.
Nagtama ulit ang aming mga mata.
Dahil nga wala akong abot na hawakan, nilagay ni Isaac ang kamay ko sa braso niyang nakahawak sa hawakan. Ramdam na ramdam ko tuloy kung gaano katigas ang braso niya. Pakiramdam ko nag-iinit yung mukha ko kaya iniwas ko ang tingin ko sa kanya.
BINABASA MO ANG
Commuting for Dummies (Manila Commuters Club, #2)
Ficción GeneralManila Commuters Club, #2 Hindi marunong mag-commute ang college freshman na si Clara dahil sa Saudi Arabia siya lumaki. Dahil doon, napilitan ang childhood friend at ex niya na turuan siya kung paano mag-commute. Mahanap kaya nila ang daan pabalik...