CLARA
"Saan mo gustong pumunta?" tanong sa akin ni Isaac.
Napatingala ako sa kanya dahil sa tangkad niya. "Sa campus ko sana."
Malimit siyang tumango saka nagsimula ulit maglakad. "Pwede mo lakarin mula dito hanggang sa LRT station," sabi niya habang hinahabol ko ang paglalakad niya. Ang hahaba kasi masyado ng biyas niya! Ang hirap niyang habulin.
Nang mapansin niyang hirap akong habulin siya, binagalan niya ang lakad niya. Kaya nagkatinginan kami. Iniwas niya agad ang tingin niya. "Kung nagmamadali ka, pwede kang sumakay ng tricycle. Mahal nga lang."
"Hindi ako marunong mag-tricycle," bulong ko. "Pero pag-aaralan ko na lang sa susunod."
"Mamayang pag-uwi, tuturuan kita."
Tahimik lang kaming naglalakad papunta sa LRT station. Tanging ingay ng mga sasakyan ang pumagitan sa amin. Gustong-gusto ko na siyang itanong kung kumusta na siya. Kaso kulang pa yung lakas ng loob ko para gawin 'yon.
Kilala ko kasi si Isaac. Minsan, mas pipiliin pa niyang tumahimik kaysa magkaroon ng awkward conversations. Tanggap ko namang nasaktan ko siya dati. Alam kong kasalanan ko kaya wala akong karapatang magreklamo.
Pagkarating namin sa LRT station ay sinundan ko lang siya at pinanood sa ginawa niya. Naglabas siya ng asul na card tapos may nakasulat na beep sa upper left side. "Ang tawag dito ay beep card," panimula niya. "Imbes na pumila ka dyan," turo niya sa mahabang pila sa kabila, "kung meron ka nito, pwede ka na dumiretso ng pasok kasi ita-tap mo na lang 'to sa fare gate."
Sinamahan niya akong bumili ng beep card. Dapat 100 lang yung ilo-load ko pero sabi ni Isaac sa cashier, "Gawin mo nang 200, ate." Nagdagdag siya ng isang daan kaya hindi ko na siya napigilan.
"Shukran," mahina kong sabi. Nagkatinginan kami. Ibig sabihin sa Arabic, salamat. Tinanguan lang niya ako.
Pagkatanggap ko ng beep card ko, umalis na kami sa pila. Agad kaming pumunta ni Isaac sa mga fare gates. Nakita ko siyang tinap yung beep card sa bilog kung saan may picture ng beep card din. Kaya ginaya ko rin siya.
Sinalubong niya ako ng maliit na ngiti dahil nagawa ko ito ng maayos. Kahit na maliit lang na ngiti 'yon, pakiramdam ko sasabog ang puso ko. Hindi kasinglaki ng mga ngiti niya dati pero ayos lang. I'll take what I can get.
Nauna ulit siya sa paglalakad. Sinundan ko siya sa may dulo. Dahil tahimik lang siya, pinagmasdan ko na lang yung paligid ko. Unti-unti na ring dumadami yung mga tao. Sa sobrang curious ko, lumagpas ako sa mga dilaw na linya.
"Hey, dummy!" Gulat ako nang hawakan ni Isaac ang kamay ko kaya napatingin din ako sa kanya. "Baka mahulog ka."
Parang bumagal ulit ang ikot ng mundo ko. Mas lalong dinig ko ang dagundong ng puso ko. Para akong nakaramdam ng kuryente nang magdikit ang palad naming dalawa.
"Sorry."
Nang bitawan niya ang kamay ko, nakaramdam ako ng dismaya. Sana tinagalan pa niya.
"H'wag kang lalagpas d'yan sa yellow line. Minsan may sumisita rito," bilin niya. Tanging tango lang ang sinagot ko.
Bakit naman kasi niya hahawakan yung kamay ko ng mas matagal pa, 'di ba? Sino ba naman ako para gawin niya 'yon?
Ilang minuto pa ay dumating na ang bagon. Nang tumapat sa amin 'yon ay dapat papasok na ako pero hinawakan ulit ni Isaac ang kamay ko. "Hintayin mo munang makalabas yung mga pasahero bago ka pumasok."
Naramdaman ko na namang naghuhuramentado ang puso ko. Grabe, palagi na lang bang ganito ang magiging epekto niya sa akin? Mukhang hindi ako makakatagal sa bahay nila ng hindi inaatake sa puso.
Nang wala ng taong lumalabas mula sa bagon, nilipat ni Isaac ang kamay niya sa likod ko saka ako ginabayan sa pagpasok. Nakita kong nag-uunahan ang mga tao sa pag-upo. Tinuro ni Isaac ang bakanteng upuan kaya mabilis akong umupo rito. Kaso siya ang walang upuan ngayon.
"Bawal ang kukupad-kupad dito kung gusto mong maupo." Tumango na lang ako sa kanya.
At dahil nga wala siyang maupuang malapit sa akin, tumayo na lang siya saka humawak sa gilid para hindi siya tuluyang matumba sa paggalaw ng LRT. Ramdam ko ang bahagyang pagdaplis ng balat niya sa balat ko nang kumapit siya sa hawakan. Napatingin ako sa kamay naming magkalapit pero hindi magkadikit.
Nilipat ko naman ang tingin ko sa kanya. Mukhang sanay na sanay na siya sa mundong ginagalawan namin. Iyong mukha niya, mukha talaga siyang sumasabak sa giyera. Tuluyan nang kumupas ang ngiti niya sa labi. Lalo ring nakakunot ang noo niya.
Hindi ko alam kung dahil 'to sa ginawa ko dati sa kanya o dahil sa stress na makukuha mo sa commute. O baka parehas?
Dahil do'n, inalis ko na lang ang kamay ko sa hawakan. Para naman mabawasan ang inis ni Isaac. Kaso nang tingnan ko siya ulit, nadagdagan ng simangot ang mukha niya.
"Ay's ka lang?" tanong ko sa kanya.
Hindi pa rin nawala ang kunot sa noo niya. Tango lang ang sinagot niya sa akin. Grabe. Kung gaano kainit dito sa Manila, ganun din siya kalamig sa pakikitungo sa akin. Paano ako mag-i-initiate ng small talk nito?
Susubukan ko sana siyang kausapin nang biglang may nagsalita sa LRT. "Paparating na sa Legarda station," sabi nito ng tatlong beses.
"Tayo na 'yan," bulong ni Isaac.
"Tayo na?"
Natigilan siya sa narinig niya. Ano bang sinabi ko—ahh...
Gusto ko sanang bawiin kaso mas nanaig yung kagustuhan kong panindigan yung sinabi ko kahit hindi naman iyon ang ibig kong sabihin nung una. Gusto ko lang din tingnan kung anong isasagot niya sa akin.
Matagal napako ang tingin namin sa isa't isa dahil walang nagpapatinag. Nang unti-unting bumagal ang takbo ng bagon, umiwas na siya ng tingin. "Oo, tayo na."
Napakurap pa ako ng ilang beses. Pakiramdam ko nanghina yung mga tuhod ko kaya hindi ako agad nakasunod kay Isaac papalabas. Mabagal akong lumabas mula sa bagon kasabay ang agos ng mga taong nagsisiksikan.
Dahil doon, hindi ko na makita kung nasaan si Isaac. Hindi ako pwedeng mawala rito! Ang liit ko pa naman. Paano ako mahahanap no'n?
Ayan kasi, Clara! Dapat alert lang. Ikamamatay mo 'yang pagiging marupok mo e.
Kanina ko pa pinipigilan ang pag-iyak kasi hindi na ako dapat umiiyak. Eighteen years old na ako eh! Matanda na ako kaya dapat kaya ko na ang sarili ko. Hindi ako pwedeng magmukhang batang nawawala.
Mas lalo lang umapaw yung pakiramdam kong mag-isa na lang ako sa gitna ng magulong mundong ito. Hindi ko na pwedeng tawagan ang magulang ko para tulungan ako. Paano na ako mabubuhay nito? Makakayanan ko ba ang buhay dito sa Manila?
Ramdam ko nang malapit nang tumulo ang luha ko nang may maaninag akong nakataas ang kamay. Tanging hinliliit lang niya ang hindi nakababa. Parang pinky promise. Napansin ko ring may suot siyang green baller. Familiar 'yon e. May nakasulat na, 'We'll rise again.' School motto namin 'yon sa Saudi.
Unti-unti ko 'yon nilapitan kahit hindi ko nakikita kung sino 'yon. Basta alam kong siya 'yon.
Ilang hakbang pa ay naaaninag ko na ang mukha niya. Bakas dito ang pag-aalala niya sa akin. Nagpalinga-linga ang mata niya sa gitna ng maraming tao pero nang makita na niya ako ay para siyang nabunutan ng tinik.
Sinalubong niya ako ng mahigpit na yakap. Ganun din ang ginawa ko sa kanya. Nilabas ko sa yakap na 'yon lahat ng takot na naramdaman ko. Hinimas-himas niya ang buhok ko at nagdulot ito ng ginhawa. "Akala ko mawawala ka ulit sa akin," bulong niya. Parang ayaw ko nang kumalas sa yakap niya.
BINABASA MO ANG
Commuting for Dummies (Manila Commuters Club, #2)
General FictionManila Commuters Club, #2 Hindi marunong mag-commute ang college freshman na si Clara dahil sa Saudi Arabia siya lumaki. Dahil doon, napilitan ang childhood friend at ex niya na turuan siya kung paano mag-commute. Mahanap kaya nila ang daan pabalik...