Kabanata 4

75 2 0
                                    

Kabanata 4


"YOUR daughter is really beautiful, Remus," saad ng isang babaeng may maputing balat, maganda at maamong mukha, mahabang itim at tuwid na buhok, at nakahahalinang mga mata.

Ang kanyang mga mata ay nangungusap habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko. Bagaman hindi ko siya kilala ay sapat na ang kanyang boses upang makuha ang aking loob. Gayon din ang lalaking may matipunong pangangatawan na sa palagay ko ay hindi nalalayo ang edad kay Papa, sa kabila ng matikas nitong imahen ay tila busilak ang kalooban nito na nasasalamin sa kinang ng kanyang mga mata sa tuwing nasusulyapan ang kanyang asawa at nilalaro ang kanilang anak.

Taliwas sa mga katangian ng kanyang mga magulang, ang batang lalaking sa palagay ko ay mas matanda sa akin ng ilang taon. Bagaman makisig rin ito tulad ng kanyang ama, ang kanyang mga mata ay nagtataglay ng malamig na mga titig. Tila wala itong emosyong maipapakita at hindi rin nakahahalinang kausapin tulad ng kanyang ina.

Ilang saglit pang nag-usap ang aking mga magulang at ang kanilang mga panauhin ukol sa mga bagay na hindi ko pa lubusang nauunawaan sapagkat hindi pa bukas ang aking isipan sa mga bagay na iyon. Makalipas ang ilang saglit ay inagaw ni Mama ang aking atensyon kaya't agad akong nag-angat ng tingin sa kanya. Nang sandaling magtama ang aming mga tingin ay bahagya siyang yumukod upang magpantay ang aming lebel.

"Sumama ka muna kay Desmond, anak ko. May pag-uusapan lamang kaming mahalaga ng ating mga panauhin. Ipasyal mo siya sa doon sa paborito mong bahagi ng ating hardin."

Bahagyang napakunot ang aking noo matapos marinig iyon. "Bakit ko siya dadalhin doon, Mama? Hindi po ba't sikreto lang natin nina Papa ang lugar na 'yon?" Nagtatakang tanong ko.

Narinig ko ang mahinang tawa ni Papa at ng mag-asawa bago ko naramdamang hinawakan ni Papa ang aking balikat dahilan upang mapalingon ako sa kanya. "Huwag kang mag-alala, Prinsesa ko. Ligtas ang sikretong iyon kay Desmond. Hindi ba, Desmond?" Tanong ni Papa sabay lingon sa lalaki.

Isang tango lamang ang isinagot nito kaya't kahit nag-aalangan ay hindi ko magawang tumanggi kay Papa. Bahagya ko lamang tiningnan si Desmond bago dumiretso sa paglakad palabas. Bago ko naramdaman ang kanyang presensyang sumusunod sa akin ay narinig ko pang nagsalita ang babaeng panauhin nina Mama. "Sige na, anak. Sumunod ka na kay Amari."

Makalipas ang halos ilang minuto ay nakalabas na kami ng mansion at nagtungo sa likurang bahagi ng bakuran kung saan naroroon ang kahoy na tarangkahan. Kasunod namin roon si Kuya Felan, anak siya ni Sir Faolan na isang delta. Malapit ang loob ko sa mga lobong kasapi ng aming pack lalo iyong mga lobong madalas kong nakikitang kasama ni Papa tulad ni Sir Faolan at ang aming Alpha, si Sir Delmor.

Marahil, kaiba sa ibang pack, ang sistema ng aming pamumuhay ay talagang payapa. Ang tatlo sa may pinakamataas na katungkulan sa aming pack ay mayroong nakatalagang lupain at mansion na siyang aming natutuluyan. Ang mga hunter at sentinnel ay mayroong kanilang lugar panuluyan na katulad ng isang kampo. Habang ang ibang mga lobong may payak na pamumuhay ay naglalagi sa isang village na nasa loob rin ng aming teritoryo.

Dahil si Papa ay isang Beta, isa ang aming pamilya sa mayroong mansyong natutuluyan. Bagaman mansion ang tawag ay hindi ito kasing laki at kasing lawak ng tirahan ng pamilya ng Alpha. Ang mga mansion na iyon ay matagal ng nakatayo, at tila ipinamamana ito sa susunod na henerasyon ng Alpha, Beta at Delta kaya't tanging renobasyon lamang o karagdagan ang nagagawang pagbabago sa mga iyon.

The Luna's Dominance (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon