Nagsimula ang lahat sa lupa. Sa lupa kung saan siya nabuo. Isang mumunting alikabok. Hinampas ng malakas na hangin. Walang nagawa kundi magpaanod sa kung saanman siya dadalhin nito. Walang tiyak na direksyon. Dumikit. Humampas. Nagpaikot-ikot. Bumalik muli sa lupa. Sa lupang malayo na sa kanyang kinagisnan. Sa lupang nilulubog sa putikan. Natapakan. Nasaktan. Nalunod sa ulan. Naghintay sa pagsikat ng araw. Natuyo. Muling gumaan. Nilipad ng hangin. Dumikit. Humampas. Nagpaikot-ikot. Paulit-ulit na pakikipagsapalaran. Nagbalik sa lupa. Sa lupa kung saan siya nagmula. Sa lupa kung saan rin siya naglaho nang tuluyan.