Ang Bato

46 3 0
                                    



Noong unang panahon, mayroong isang bato. Hindi tulad ng ibang bato na malaki at matigas, ang batong ito ay maliit at malambot. Dahil doon, lagi itong kinukutya ng mga ibang bato dahil sa taglay na kaibahan. Isang araw, humiling ito sa diwata na gawin din itong malaki at matigas para hindi na ito kutyain ng mga ibang bato. Ngunit sa halip na gawin ng diwata ang kahilingan nito, binigyan ito ng diwata ng isang pagsubok. Magpakalunod ito sa ulan sa loob ng isandaang araw upang matupad ang ninanais.

Nagduda at nagtaka ang bato sa pagsubok na ibinigay ng diwata. Paano iyon magagawa ng bato? Isa lamang itong maliit at malambot na bato? Tiyak na sa unang araw pa lamang ng ulan ay maaagnas na ito at mamamatay! Paano pa ang isandaang araw?

Pero nagtiwala ang bato sa diwata. Dumating ang tag-ulan. Sinubukan nitong magpakabasa sa ulan gaya ng sinabi ng diwata. Naramdaman nito ang sakit nang tinatamaan ng tubig ang katawan nito. Ngunit tiniis ng bato ang lahat ng paghihirap at sakit na nararamdaman para makuha ang kagustuhan.

Lumipas ang isandaang-araw. Dumating ang tag-init. Naramdaman ng bato ang matinding sikat ng araw. Namangha ito sa sarili sapagkat hindi lamang ito naging malaki at matigas, nagniningning pa ang buong katawan nito habang tinatamaan ng sikat ng araw. Ngumiti ang diwata sa bato at nagsalita:

"Hindi ibig sabihin na kung isa kang maliit at malambot na bato, mananatili ka na lamang na ganoon. Huwag kang paaapekto sa sinasabi ng iba. Sa halip, gawin mo iyong inspirasyon para lumaban sa buhay. Makakamtan mo rin ang iyong pangarap, basta't huwag kang matatakot at susuko."

Immortal Words:Flash FictionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon