Uminit ang ulo ko habang naglalakad ako sa kalsada papunta sa trabaho ko bilang isang service crew nang may nakasalubong akong isang batang pulubi.
“Kuya, pahingi naman d’yan ng piso oh! Nagugutom na ako eh!” pangungulit niya sa akin at talagang may lakas pa siya ng loob na harangan ako sa daan. Mga modus talaga ng mga sindikato ngayon! Puwes hindi ako palilinlang sa mga ganyan!
Hindi ko siya pinansin dahil mahuhuli na ako sa trabaho ko pero lalo kong ikinagulat nang talagang lumapat ang madudumi niyang mga kamay sa uniform ko sa pagmamakaawa. Napamura talaga ako dahil puting-puti pa naman ang suot ko.
“Bwisit ka! Umalis ka nga rito kung ayaw mong bugbugin kita!”
“Eh, nanghihingi lang naman ako sa’yo ng piso ah, bakit di mo ako binigyan? Eh di hindi sana mangyayari sa’yo yan!” Siya pa ang may ganang mangonsensya sa akin at ako pa ang may kasalanan. Napakasarap talaga niyang bugbugin.
“Ipapapulis kita! Walanghiya itong batang ito!” pananakot ko sa kanya. Naging epektibo naman iyon at naglakad na siya palayo. Ngunit talagang hindi siya nagpaawat. At ang kahuli-hulihan pa niyang sinabi ang talagang nagpainit sa ulo ko nang sobra.
“Mamamatay ka na ngayong araw na ito!” talagang kinanta-kanta pa niya iyon habang lumalayo na tila nang-aasar at may halong pambabanta. Bwisit! Nakakabuwisit talaga siya! Ako pa ang tinakot niya? Loko-lokong bata talaga 'yon. Sinayang niya lang ang oras ko! Mga walang magawa sa buhay!
Pagtingin ko sa aking orasan…"Pucha, late na ako!"
Patakbo ko nang binagtas ang kahabaan ng kalsada nang biglang--
Tumigil yata ang oras sa paligid ko. Kung kailan mahuhuli na ako saka pa tumigil ang oras? Ang ibang mga naglalakad ay nakuha pa akong panoorin at tilian. Artista ba ako?
Ang ikinagulat ko pa, lumapit sa akin ang batang pulubi kanina at humalakhak pa siya nang malakas. Mumurahin ko pa sana siya pero walang boses na lumalabas sa bibig ko at nanlalabo na ang mata ko. Narinig ko na lang ang sinabi niyang nagpasindak sa akin:
"Ikaw kasi eh! Kung binigyan mo lang sana ako ng piso, hindi sana ito ang naging tadhana mo. Napigilan mo pa sana ang oras. Masyado ka kasing nagmamadali eh. Masyado mo kasing inaalala ang sarili mo, hindi ka man lang maglaan ng kahit konting panahon para sa iba. Kung binigyan mo lang sana ako ng piso, hindi ka sana mahahagip ng truck. Hindi ka sana mamamatay. Ikaw kasi eh, hindi mo ako binigyan ng piso."