Nalampasan
Nakatitig ako sayo mula sa malayo at ganoon ka rin sa akin. Sa kabila ng distansya natin sa isat-isa’y malinaw pa rin sa akin ang napakatamis mong ngiti at nagniningning na mga mata. Nagtatakbo ka pa nga papunta sa kinaroroonan ko at ramdam ko ang pagkasabik mong yakapin ako.Pero—
Nalampasan mo lang ako.
At ang mainit sanang yakap na para sa akin ay napunta sa binatang nasa likuran ko. Wala akong nagawa kundi panoorin lang kayong maligaya sa isa't-isa. Narinig ko pa ang sinabi niya sa’yong ‘Mahal na mahal kita’.
Alam mo bang gusto ko rin 'yong ipagsigawan sa'yo? Alam mo bang sabik rin kitang mayakap? Alam mo bang uhaw na ako sa pagmamahal mo?
Pero wala naman akong magawa.
Hindi mo naman ako naririnig. Hindi mo naman ako nararamdaman. Hindi mo naman ako nakikita.