Episode One

14.8K 188 5
                                    

February 2008

 

"IPAGLALABAN ko ang ating pag-ibig. Maghintay ka lamang, ako'y darating. Pagka't sa isang taong mahal mo nang buong puso, lahat ay gagawin. Makita kang muli."

Namamaos na ang boses ni Danica sa paulit-ulit na pagkanta sa karaoke nila sa bahay. Mabuti na lang at naiintindihan ng mga magulang niya ang pinagdadanan niya ngayon kaya hinahayaan na lamang siya ng mga ito. Isa lang naman ang dahilan kung bakit halos isang linggo na siyang ngumangawa at iisang kanta pa ang paulit-ulit niyang pinapatugtog. Kahit alas diyes na ng gabi ay hindi pa rin siya nagsasawa sa ginagawa. Brokenhearted kasi siya. Sumama sa ibang babae ang walang kwenta niyang boyfriend kaya heto siya ngayon. Sawing-sawi.

"Puso'y nagdurusa, nangungulila. Iniisip ka pag nag-iisa. Inaalala mga sandali. Nang tayo ay magkapiling. Ikaw ang gabay sa akin tuwina. Ang aking ilaw sa gabing mapanglaw, tanging ikaw."

"Oy, Danica Alonzo! Tumahimik ka nga at naririndi na ako sa boses mo. Magpatulog ka naman."

Hindi na niya kailangan pang lumingon upang masino ang nagsasalita. Boses pa lang ay kilala na niya ito. Wala namang ibang nang-aasar sa kanya kahit disoras na ng gabi kundi ang kapitbahay at kababata niyang si Justin Cray Gonzales o Cray. Hindi na siya nagtataka kung bakit bigla na lang itong pumasok sa loob ng sala nila. Nasa tapat lang kasi ang bahay ng mga ito kaya madali lang para dito ang pumaroon sa kanila. Gusot ang suot nitong t-shirt at halatang hindi ito nagsuklay.

Anak ito ng bestfriend ng mommy niya at mula pa noong mga bata pa lang sila ay pinangarap na ng mga magulang nila na sila ang magkakatuluyan. Inaanak rin ito ng nanay niya at ninang din naman niya ang mommy nito. Ngunit daig pa nila ang aso at pusa kung magbangayan sila. Tulad na lang ngayon. Walang kaabug-abog na binawi nito sa kanya ang mikropono at pinatay ang player nila.

"Ano ba, alien? Lumayas ka na nga at sinisira mo ang pagsesenti ko," angal niya at akmang aagawin muli ang mikropono mula rito. Ngunit dahil mas matangkad ito sa kanya kaya hindi niya maabot iyon.

'Alien' ang madalas niyang tawag dito dahil ibang-iba ang hitsura nito sa mga karaniwang Pinoy. Half-Dutch kasi ito kaya iba ang hugis ng mukha nito pati na ang kulay ng mga mata nito. Naasar ito sa kanya kapag tinatawag niya ito ng ganoon kaya naman hindi na niya binago ang palayaw niya rito.

"Hindi ka ba nahihiya sa boses mo? Ang pangit kaya. Ano na lang ang iisipin ng mga kapitbahay natin? Na sinasapian ka na ng kung anong espiritu? Kung gusto mong magwala, tara sa music room namin. At least doon, wala kang mai-istorbong mga tao," sagot nito sa kanya.

Sa pagkakaamlam niya ay mahilig na talaga ito sa musika mula noong elementarya pa lang sila hanggang ngayong second year college na sila. Kaya may sarili itong music room sa bahay ng mga ito. Kumpleto iyon sa kagamitan tulad ng drums, electric guitar, base guitar at keyboard. Nag-iisa lang kasi itong anak kaya naibibigay ng mommy nito ang mga hilig nito. Ang daddy naman nito ay matagal nang hindi nakatira sa bahay ng mga ito. Balita niya ay sumama daw ito sa ibang babae at iniwan ang mag-ina nito.

Ngunit sa halip na tanggapin ang alok nito ay umismid lamang siya dito. Hindi man lang nito pinansin na namumugto na ang mga mata niya sa kakaiyak dahil sa bigo niyang pag-ibig. Wala talaga itong pakialam sa pinagdadaanan niya ngayon. No wonder kahit napakaraming babae ang naghahabol dito ay hindi pa rin niya ito type.

"Eh sa mas gusto kong magwala dito eh. Ano bang pakialam mo? Buhay ko ito at bahay namin ito kaya huwag kang umasta na parang pagmamay-ari mo ang lugar na ito. Pare-pareho lang kayong mga lalaki. Bigla kayong susulpot sa buhay namin at kunwari ay aastang prince charming. Tapos bigla na lang kayong sasama sa iba," naiiyak niyang sambit. Muli na namang nag-unahan ang mga luha sa kanyang pisngi. Mabilis niyang pinahid iyon gamit ang likod ng kanyang palad.

My Perfect Fake Boyfriend [PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon