Chapter I: The Different

1.1K 31 6
                                    

Napakalakas ng hampas ng hangin. Sumasayaw ang aking buhok sa saliw nito. Nararamdaman ko ang lamig na dulot ng mabining ihip nito sa aking balat na sanhi upang mapayakap ako sa aking sarili.

"Ineng, nandito na tayo," wika ng matanda sa aking tabi.

Napabaling ako sa kaniya. Bumungad sa akin ang kaniyang ngiti na kaagad ko namang sinuklian. "Marami pong salamat."

Kung hindi sa kagandahang loob ng matandang mangangalakal na aksidenteng napadpad sa aming bayan, marahil, naglalakad ako ngayon papunta sa paaralan. Naaliw rin ako kahit papaano sa mga kuwentong paglalakbay niya. Nakalimutan ko panandalian ang mapait na katotohanang muling sasalubong sa akin ngayong araw.

Sa pagbaba ko mula sa kaniyang wagon pagkatapos kong mamaalam, ayaw ko nang ihakbang ang aking mga paa papasok sa tarangkahan ng aming paaralan—ang Alfonso High. Alam ko sa aking sariling hindi na naman magiging maganda ang araw ko ngayon dahil sa mga mag-aaral na naririto.

Huminga ako nang malalim. "Ano bang iniisip mo, Carmen? Masasanay ka rin sa malamig nilang pagtrato sa iyo. Narito ka para mag-aral at hindi para sa kanila, maliwanag?" bulong ko sa aking sarili—kinukumbinsi na magiging maayos ang lahat.

Nagsimula na akong maglakad papasok habang kipkip ang aking mga libro ngunit napatigil ako nang matatalim na mga tingin at bulungan ang isinalubong ng mga mag-aaral na nakatanaw sa akin. Napayuko ako mula sa aking kinatatayuan. Humigpit ang hawak ko sa aking mga libro. Napagdesis'yunan kong magpatuloy sa aking paglalakad. Nilakihan at binilisan ko ang aking bawat hakbang.

"She's here again. Kailan ba siya titigil sa pagpasok?"

"Simula nang mag-aral siya rito, puro na lang kamalasan ang nangyayari sa paaralan natin. Bakit ba kasi tinanggap pa siya sa Alfonso High?"

"Girls, huwag kayong maingay. Baka marinig niya kayo."

"Bakit ba? Dayo lang naman sila ng pamilya niya rito sa atin. Wala siyang pakialam kung ayaw natin sa kaniya."

Kahit na malayo na ako mula sa kanila, naririnig ko pa rin ang kanilang mga bulungan. Tila kaharap ko lamang sila. Napasandal ako sa pader at nagtago mula sa mapanghusga nilang mga tingin. Ipinikit ko ang aking mga mata at tinakpan ang isa kong tainga habang tangan naman ng isa kong kamay ang aking libro.

"Tama na ..." bulong ko sa aking sarili.

Please, I didn't want to hear them. Bakit ayaw makisama ng mga tainga ko? Bakit naririnig ko pa rin sila?

Unfortunately, this was my curse ...

Napatigil ako nang maramdaman kong may tumama sa aking balikat. Napatingin ako sa nakalamukos na papel sa aking paanan. Napaangat ako ng tingin sa may gawa niyon.

"Weirdo." Nakahalukipkip siya habang nakatingin sa akin.

It's Stella. Isa siya sa mga mag-aaral na may matinding pagtutol sa pananatili ko rito.

Kumunot ang aking noo at kinuha ang papel na itinapon niya sa gawi ko. Humakbang ako palapit sa kaniya. Inilahad ko ang papel na aking hawak. "Namali ka yata ng napagtapunan. Hindi roon ang basurahan," kalmado kong sabi.

"Hindi, tama lang. Mukha ka namang basurahan," mataray niyang tugon habang nakataas ang isang kilay.

Kumunot ang aking noo. "Ano? Pakiulit nga ang sinabi mo."

"Bingi ka ba? Narinig mo naman ako, 'di ba? Ang dapat nga sa iyo, pinatatalsik sa paaralang ito. Hindi ka lang basta isang basura, isa kang peste!" asik niya.

"Bawiin mo ang sinabi mo," seryoso kong sambit.

"Bakit ko naman babawiin? Totoo ang lahat ng sinabi ko. Isa kang peste! Hindi lang ikaw kundi pati ang pamilya mo!" aniya at bahagyang itinulak ang aking balikat.

Lycanthra High: The ArcanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon