Chapter IV: The School Itself

260 10 0
                                    

Namalayan ko na lamang na nababasa na pala ang pahayagang aking hawak dahil sa mga butil ng tubig na nagmumula sa mga mata ko.

Naramdaman kong humakbang palapit sa akin si Miss Agatha. "Hindi na natin mababago pa ang nangyari. Ang magagawa na lamang natin sa ngayon, maiwasang maganap muli iyon."

Bumaling ako sa kaniya. "Hindi nga po sabi ako may gawa niyan!" bulalas ko-naguguluhan sa aking nalaman. "W-Wala akong kinalaman. Iyong mga lobong naghahanap sa amin-sila 'yon, hindi ba?"

Mataman niya akong sinulyapan at kinuha mula sa akin ang hawak ko. "Hindi sila, Miss Saturia. Hindi iyon magagawa ng isang pangkaraniwang lobo."

Napaawang ang aking mga labi nang sabihin niya ang mga katagang iyon. Sumagi sa aking isipan ang itsura ng mga taong lobong umatake sa akin kahapon. Katulad sa kanilang kalagayan ang mga taong binalita roon. Isa akong mamamatay tao-isang masamang nilalang.

Nanginig ang aking katawan. Natutop ko ang aking mga labi. Napakasama ko ...

I was a curse.

"G-gusto kong bumalik sa lugar na iyon. Gusto kong humingi ng tawad sa kanila," pakiusap ko.

"Hindi ka namin pahihintulutan, Miss Saturia. Mapanganib para sa iyo. Wala silang alam at mabuti nang manatiling ganoon para na rin sa ikatatahimik ng lahat."

"Sabi ninyo, ako po ang may gawa, 'di ba? Gusto kong akuin ang kasalanan na ako mismo ang gumawa. Ayaw kong tumakbo. Ayaw kong maging katulad ng mga pumatay sa mga magulang ko. Naiintindihan ninyo po ba ako?" malungkot kong pahayag.

Mataman silang nakatingin sa akin-pinakinggan ang mga namutawi sa aking mga labi.

"Nauunawaan ka namin, Miss Saturia, ngunit mas palalakihin mo lamang ang gulo. Mas maraming inosenteng mapahahamak. Mas maraming mababawian ng buhay dahil sa iyong binabalak," ani Miss Agatha.

"Ano po bang ibig ninyong sabihin?" naguguluhan kong tanong.

"Makararating sa kaalaman ni Prinsepe Iñigo ang lahat. Hihintayin niya ang iyong pagbabalik upang kagatin mo ang kaniyang pain. Huwag mong hayaang mas marami pang mawala dahil sa padalos-dalos mong desis'yon. Mag-isip ka nang naaayon sa pagiging isang prinsesa."

Napayuko ako. Tama siya.

Mas lalala lamang ang lahat. Ako ang puno't dulo nito. Bakit ba kasi nabuhay pa ako sa mundong ito kung magiging dahilan din naman ng pagkasawi ng iba? Namumuhi ako sa aking sarili.

Naramdaman kong may nag-angat ng aking baba. Napatingin ako sa mga mata ni Miss Agatha.

"Huwag mong sisihin ang iyong sarili sa mga nangyari. Walang may nais nito. May dahilan ang lahat," mahina niyang sambit at dahan-dahang binitiwan ako. "Magpahinga ka na muna. Kapag maayos na ang iyong pakiramdam, magsisimula na ang aming pagtuturo sa iyo rito sa Lycanthra High. Huwag mo nang alalahanin pa ang mga naiwan ng mga taong hindi inaasahang nasawi. Kami na ang bahala sa kanila. Sisiguraduhin naming nasa maayos sila."

Hindi ko magawang tumugon. Nanatili akong walang kibo habang pinoproseso ang lahat sa aking isipan. Naninikip ang aking dibdib sa mga sandaling ito. Hindi ko pa rin matanggap na nangyayari ito sa akin. Dahil sa aking mga nalaman, halos gumuho ang mundo ko. Hindi ko mapatatawad ang aking nagawa.

Bakit kailangang taglayin ko pa ang kapangyarihang ito? Bakit kailangang ako ang maging dahilan ng kanilang kasawian?

Tuluyan nang lumabas ng aking silid sina Miss Agatha at Ginoong Karlos. Naiwan akong mag-isa sa tahimik na silid habang tulala sa kawalan.

Narinig kong tumunog ang pinto ngunit wala ako sa huwis'yo upang tingnan kung sino 'yon. Para saan pa ba kung nararamdaman ko naman ang bawat paggalaw at nalalanghap ko ang natatanging amoy nito? Ito ang babae kanina sa aking silid. Hindi ako maaaring magkamali.

Lycanthra High: The ArcanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon