Chapter XIII: The Traitor

105 5 0
                                    

"Ma, hindi na po ba tayo babalik doon?" tanong ko habang nakaturo sa papaliit na baryong aming unang tinirhan.

"Hindi na, Anak. Mapanganib na para sa atin," aniya at ngumiti sa akin.

Napabaling ako sa aking ina. "Po?" naguguluhan kong tanong.

Nakita kong sinulyapan muna niya ang aking amang nagmamaneho bago ako tinapunan ng tingin. "Maiintindihan mo rin balang araw, Carmen. Sa ngayon, huwag mo munang ipakikita ang batok mo sa kahit na sino. Maliwanag ba?" aniya at tinanggal ang aking tali sa buhok.

Ang aking nakataas na buhok ay bumagsak hanggang sa aking balikat. Tinakpan ng buhok ang aking batok na may hindi pangkaraniwang marka.

Marahan akong tumango sa kaniya kahit na hindi ko maintindihan ang mga nangyayari.

Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata. Isang panaginip ... hindi, isang alaala mula sa nakaraan. Natatandaan ko pa ang araw na 'yon—ang kauna-unahang pagkakataong nilisan namin ang lugar na napamahal na sa amin upang magpakalayo. Sa murang isipan, naging bukas ako sa ideyang walang permanente sa mundo hanggang sa tuluyan ko nang nakasanayan. Gustuhin ko mang takasan ang aking pagkatao, wala akong magawa kundi yakapin ito at tanggapin ang katotohanang hindi ako isang nilalang na pinapangarap ko. Isa akong nilalang na itinadhanang katakutan ng lahat.

Inilibot ko ang aking paningin sa lugar na kinaroroonan ko. Napaliligiran ako ng mga bakal na rehas. Nasa isang malaking hawla ako—nakakulong at pinagkaitan ng liwanag.

Napapikit ako at ginunita ang mga nangyari. Napadilat ako nang biglang rumehistro sa aking isipan ang mga naganap noong gabi ng kaarawan ko. Masaya ... biglang tumahimik at tuluyan akong nilukob ng kadiliman hanggang sa magising ako sa lugar na 'to.

"M-Marco ..."

Where he was? Siya ang huling nakasama ko sa gabing iyon. Kung naririto ako, ano bang nangyari sa kaniya? Ano'ng kaguluhan ang naganap kagabi? Bakit ba ako nakakulong dito?

Upang bigyang kasagutan ang aking mga katanungan, tumayo ako at naglakad subalit nakaiilang hakbang pa lamang, muntikan na akong madapa dahil sa bagay na nasa aking paa. Nang sulyapan ko iyon, may kadenang nakakabit doon at pilit pinipigilan ang aking paggala sa loob ng hawla. Mas masahol pa pala sa isang ibon ang aking kalagayan.

"Mabuti naman at gising ka na."

Napabaling ako sa nagsalita ngunit hindi ko siya maaninag dahil sa kadilimang bumabalot sa lugar. Tila pamilyar ang kaniyang boses. Ngunit, hindi naging sapat ang nakapaligid na mga sulo upang makita ko ang kaniyang mukha.

Sa kaniyang paghakbang palapit sa hawla, saka ko lamang siya nakilala. Napaawang ang aking mga labi nang aming mga mata'y nagtagpo.

"Marco?" Lumapit ako sa unahan at hinawakan ang mga bakal na rehas na nagsisilbing harang sa pagitan naming dalawa. "A-Ayos ka lang ba? Ano ba ang nangyari kagabi?"

"Wala kang maalala?" walang emos'yon niyang tanong.

"Mayroon ngunit hindi lahat dahil ..." Natigilan ako nang biglang may mapagtanto noong gabing 'yon, "nahilo ako at nawalan ng malay tao."

He sighed. "Ganoon ba, Carmen?" Humalukipkip siya at inilihis ang paningin mula sa akin.

Lumandas ang ilang butil ng luha sa aking mga mata dahil sa aking napagtanto sa mga sandaling ito—isang konklusyong hindi ko matanggap. Maaari nga ba? "B-Bakit?" pabulong kong tanong.

Iniangat niya ang kaniyang tingin sa akin. Nakita ko ang pagkabigla sa kaniyang walang ekspres'yong mukha kanina nang magtama ang aming mga mata.

"Nagkagulo sa Lycanthra High noong araw ng kaarawan ko. Nais kong tumulong ngunit sa aking paghakbang, naroon ka—hinintay mo lang ang pagbagsak ko. Ngayon, naririto ka sa harapan ko na parang walang naganap ..." Tuluyan nang nabasag ang boses ko. "May alam ka ba sa mga nangyayari, Marco?!"

Lycanthra High: The ArcanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon