KAUNTI nang hindi abutan ni Julie ang elevator at halos sumasara na ito nang isingit niya ang sarili. Humihingal na idiniin niya ang numero ng palapag na patutunguhan -6th floor. Sumandal siya sa dingding ng elevator at muling tiningnan ang suot na relong-pambisig - alas- diyes y medya na! Ito ang ikaapat niyang late sa linggong ito. Hindi pa kabilang ang nakaraang linggong mga lates at tatlong absences sa pagitan ng mga nasabing lates.
At sa loob lamang ng dalawang linggo! Oh how she hates to leave her bed these days!
Okupado ng kanilang opisina, na isang trading com- pany ng light machineries, ang halos buong sixth floor. Executive Secretary siya ni Mr. Bemal, ang assistant Vice- President at General Manager.
Patakbong pumasok ng opisina si Julie at mahinang nanalangin na sana ay wala pa roon si Mr. Bernal. Sa pagkakataong iyon ay batid niyang nakatuon sa kanya ang halos lahat ng mga mata ng mga kaopisina.
"Late again, Julie?" bati ni Ben, ang kanilang accoun tant. Alanganing ngiti ang itinugon ni Julie at tuluy-tuloy na siya sa kanyang mesa.
Sa pagitan niya at ng ibang mga empleyado ay wooden divider na pantay pantay ang taas. Mayroon itong dekorasyong mga halamang plastik sa ibabaw. Isang maliit na kuwarto bago ang silid ni Mr. Bernal na siyang nagbibigay distinction sa katungkulan nito.
Hindi pa halos niya nailalapag ang kanyang bag sa swivel chair nang bumukas ang pinto ng kuwarto ni Mr. Bernal at lumabas si Lyn. May hawak itong mga papel na marahil ay mga typing works. Huminto ito sa tapat ng kanyang mesa. Tiningnan ang relo sa braso at nagtaas ng kilay. Kitang-kita sa mga mata ni Lyn ang hostility sa kanya.
"Ang sabi ni Boss, pagdating mo, pumasok ka sa kuwarto niya." Iyon lang at paismid itong umupo sa type- writer desk upang simulan ang gagawin. Nasa kabila lamang ng divider ang mesa nito.
Marahang tango ang isinagot ni Julie. Sanay na siya kay Lyn. Kahit kelan ay hindi ito naging friendly sa kanya. Sinikap naman niyang maging malapit dito dahil araw lang ang pagitan nila sa kumpanyang iyon. Pero lagi na ay nakadistansiya ito. Hindi kagalit pero hindi rin kaibigan. Iyon ay noong pareho pa lang silang clerk-typist.
Tamang-tamang natapos ang tatlong buwang proba- tionary period ni Julie nang mag-resign ang sekretarya ni Mr. Bernal dahil nag-asawa ito. Julie qualified the post- tion at naiwan si Lyn bilang clerk typist pa rin. Ang masakit pa, under niya ito. Doon nagsimula ang professional jealousy nito.
Maraming kaopisina ang naniniwalang deserving si Julie sa promotion na iyon. Resourceful siya at talagang matalino. Dagdag pa ang kaakit-akit na kagandahang madalas kaiinggitan sa kanya ng kapwa babae.
Katamtaman ang taas niyang 5'5". Balingkinitan ang katawan na kaygandang magdala ng damit. Makinis ang kayumangging kutis. Sa mukha ay bahagya mong maaaninag ang maninipis na balahibong-pusa. At kung ikaw ay lalaki, para bang kikilitiin nito ang iyong palad pag iyong hinaplos. Katamtaman ang tangos ng kanyang ilong. Ang mga mata ay nangungusap...mga matang kung tawagin sa english ay "expressive eyes."
Marahang kumatok si Julie at dahan-dahang itinulak ang pinto. Kinakabahang sumilip. Nag-angat ng mukha ang lalaking naroon. Nasa katanghaliang gulang ito at kagalang-galang lalo na sa suot na barong tagalog.
"Pumasok ka, Julie, at isara mo ang pinto." Pormal na bungad ng kanyang boss na lalong nagpakaba kay Julie. Sinenyasan siya nitong maupo bago dinampot ang interphone at may kinausap sa kabilang linya.
"I-hold mo lahat ang mga incoming calls ko Lyn. Sabihin mong tatawagan ko na lang sila uli mamaya. lyon lang at muli nitong ibinaba ang interphone at tumingin sa kanya.
Pilit na pilit naman ang pagiging kaswal ni Julie. Gusto niyang kalmantehin ang sarili.
"Let us not beat around the bush, Julie. Marahil ay alam mo kung bakit kita ipinatawag," panimula nito.
BINABASA MO ANG
Dugtungan Mo Ang Isang Magandang Alaala - A Novel By Martha Cecilia
Romance"Pag-ibig din ang magdurugtong sa magagandang alaala ng isang lumipas na pag-ibig.." Maligaya si Julie sa piling ng kasintahang si Greg. Subalit tuwina ay wala itong bukambibig kundi ang nakatatandang kapatid na si Ariel. Nang makilala niya ang mist...