Three

1.7K 37 4
                                    

NAPAHIKBI siya sa bahaging iyon ng alaala. Hindi niya mapigil ang mga luhang nag-uunahan sa pagbalong sa kanyang mga mata. 

Oh, Greg! Sana'y pareho na lang tayong nawala! Paano na ako ngayon, Greg?

Pinagtitinginan na siya ng mga nakakasalubong niya. Dumukot siya ng panyo sa kanyang bag at nagpahid ng mga luha.

Nang bigla'y umikot ang paningin ni Julie. Ang maagap niyang paghawak sa street post ang pumigil sa tuluyan niyang pagbagsak. Isinandal niya ang nanginginig na katawan...nakiramdam.

Kumakalam na ang kanyang sikmura. At saka niya na-realize na hindi nga pala siya nag-almusal kanina sa pagmamadali niya. Hindi rin siya nananghalian sa pag-iwas sa mga kaopisina. And now, distress and hunger are taking their toll! Kinapa niya ang kanyang tiyan. Bigla ay inalihan siya ng kakaibang takot...ang baby niya! Madadamay ito!

Luminga-linga siya. Sa di-kalayuan ay may natanaw siyang isang coffee shop. Nagmamadali siyang lumakad patungo roon bago pa siya tuluyang mag-collapse sa pavement.

Binuksan ng security guard ang glass door para sa lalaking lumabas. Halos mabangga na ito ni Julie sa pagmamadali. Napatingin ito sa kanya habang tuluy-tuloy siya sa loob.

Pinakasulok na mesa ang pinili ni Julie. Lumapit ang isang waiter at kinuha ang order niya. Coffee and chicken sandwich. Nang tumalikod ito'y muli niyang sinapo ang kanyang ulo. Hilung-hilo siyang talaga. Dagdag pa ay parang hinahalukay ang sikmura niya.

Ang lalaki namang muntik nang makabangga ni Julie ay tumuloy sa nakaparadang silver gray na Safari. Binuksan ang passenger's seat at may kinuhang folder roon. At muling lumakad pabalik sa coffee shop.

Agad itong pinagbuksan ng security guard. Sa hinuha ay iisiping nakalimutan lang nito ang kinuhang folder. Naupo ito sa mesang may attache case sa ibabaw. Naroon din ang isang basong orange juice na hindi pa nababawasan. Sa wari ay may hinihintay.

Hindi sinasadya ay napako ang paningin nito sa kinaroroonan ni Julie. Kasalukuyang inilalapag ng waiter ang order ng babae.

Bigla ang pagbalatay ng kakaibang gulat sa mukha ng lalaki. Nagsalubong ang mga kilay nito. Binuksan ang attache case at may kinuha roon. Tinitigan nito ang kinuha at muling ibinalik ang tingin kay Julie. Kitang-kita nito ang panginginig ng kamay ng babae habang dinadampot ang tasa ng kape.

Maingat na ibinalik ng lalake ang kinuha sa attache case. Hindi inalis ang tingin kay Julie. Nakita nito ang marahang pagtayo ng huli. Sa wari ay mabubuwal. Agad na tumayo ang lalaki.

Tatlong hakbang lang at naroon na ito sa tabi ni Julie. Sa mga bisig ng lalaki siya tuluyang bumagsak. 

"Ooohhh....." saglit lang na napatingin si Julie sa lalaki bago siya tuluyang tinakasan ng malay.

Maingat na binuhat ng lalaki palabas si Julie. Mabilis namang binuksan ng guwardiya ang pinto.

Ang guwardiya ang nagbukas ng passenger's door at doon ay marahang inilapag ng lalaki ang walang malay na si Julie. Marahang muli itong isinara. Bumalik sa coffee shop at sinamsam ang mga gamit nito at bag ni Julie. Binayaran nito ang inorder maging yaong kay Julie at binigyan ng tip ang security guard.

TUMATAKBO ang Safari sa kahabaan ng EDSA patungong Alabang. Panay ang sulyap ng lalaki sa walang malay nitong pasahero. Nasa mukha nito ang pag-aalala. Ginagap ng kanang kamay nito ang kaliwang kamay ni Julie. Wari ba ay gustong ibahagi nito sa katawan ni Julie ang init mula sa sarili.

Huminto ang Safari sa harap ng isang mansyong yari sa adobe at bricks. Antigo ang dating ng naturang mansyon. Sunud-sunod ang busina ng lalaki. Nagmamadali.

Isang unipormadong katulong ang lumabas at agad na binuksan ang gate. Dumiretso sa maluwang na garahe ang sasakyan. Lumabas ang lalaki at umikot sa dako ni Julie. Binuksan ang pinto at marahang binuhat ang babae.

Dugtungan Mo Ang Isang Magandang Alaala - A Novel By Martha CeciliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon