Seven

1.5K 30 0
                                    

KAUSAP ni Ariel si Dan nang biglang pumasok si Margie. 

"Totoo ba ang nabalitaan ko, Ariel? Totoo ba?" ang walang kaabog-abog nitong bungad.

Tumayo si Dan at inalok ang upuan sa dalaga. "Sit down, Margie. Para kang ipo-ipong basta na lang umiikot," nakangiti nitong sabi.

"Isa ka pa!" bulyaw ni Margie. 

Nagkibit ng balikat si Dan at nagpaalam kay Ariel. Naiiritang hinarap ng binata si Margie. 

"Nasa gitna kami ng masinsinang pag-uusap tungkol sa project sa Cebu, tapos heto ka from nowhere----"

"Totoo bang mag-aasawa ka na? At...at...ang Julie na iyon ang pakakasalan mo?" tila naghi-histeryang tanong nito.

"Ang bilis ng balita," pormal pa rin ang tinig ni Ariel habang inaayos ang ibabaw ng mesa.

"Yes! At nagmukha akong tanga. Alam mo namang doktor ng Papa si Ed!" ani Margie na ibinagsak ang bag sa kabilang silya. "At sumama pati ang loob ng Papa dahil hindi mo siya pinasabihan man lang."

Hindi iisipin ni Ariel na nagkakalat ng balita si Ed dahil hindi naman niya sinabing confidential ito. Isa pa, lahat halos ng mga kaibigan niya ay ang pag-aasawa niya ang hinihintay at inaabangan.

"Calm down, Margie at maupo ka," marahang utos ni Ariel.

Pabagsak itong umupo na tila bata.

"Hindi ito isang engrandeng kasal, Margie. Simple lang at pribado. Si Ed at ang lola ang tumatayong mga witnesses." Hindi si Ariel ang klase ng tao na nagpapaliwanag sa mga ginagawa niya. Pero sa pagkakataong ito ay matiyaga niyang ipinaliliwanag kay Margie kung bakit hindi nito nalaman kaagad.

"And a long time ago, nangako kami ni Dan sa isa't isa na hindi mawawala ang isa't isa sa araw ng aming kasal. Naturally, kasama roon si Mariz."

May himig hinanakit at galit ang boses ni Margie nang muling magsalita. "Ang...ang akala ko ba ay may unawaan tayong..."

"Unawaang ano, Margie?" agap ni Ariel sa sasabihin ni Margie. "Ni minsan ay hindi ako nagbigay ng pahiwatig na higit pa sa kapatid ang turing ko sa iyo."

Tumalim ang mukha ng dalaga. "Noon ay si Greg! Ngayon, ikaw naman! Ano ba ang mayroon ang babaeng iyan para kabaliwan ninyong magkapatid?" malisyosong tingin ang ipinukol nito kay Ariel.

"Tumigil ka, Margie!"

"But why are you marrying her?" Hindi pa rin ito masawata sa pangungulit.

"May sarili akong dahilan," maiksi ang sagot ni Ariel at muling ibinaling nito ang atensiyon sa mga papeles na nasa mesa.

Alam ni Margie na tinatapos na ni Ariel ang pag-uusap nila. Nasa mukha niya ang hinala nang iabot kay Ariel ang kamay niya. 

"Ano pa ang sasabihin ko kung ganoon....Congratulations!" 

Hindi gusto ni Julie na sumama sa binata ngunit mapilit ito na siya mismo ang dapat pumili ng wedding ring nila.

Nasa loob sila ng isang kilalang tindahan ng alahas sa Makati. Nakahawak sa beywang niya si Ariel habang tumitingin sila sa mga display sa eskaparate. Gusto niyang alisin ang kamay nito subalit naroon ang nakangiting saleslady.

Para sa kanya ay hindi naman kailangan ang ganoong gawi ni Ariel. Magmula noong mag-usap sila sa terrace ay iniiwasan niyang magkasarilinan sila ng binata. Wala siyang tiwala sa sarili niyang katawan. At sa sandaling magre-react siya ay ginagamit iyon ng binata laban sa kanya.

Naglabas ng ilang pares na mapagpipilian nila ang sales lady. Sa paningin ni Julie ay magagandang lahat. 

"Alin sa mga iyan ang pipiliin mo, sweetheart?" masuyong nakatingin sa kanya ang binata.

Kitang-kitang kinikilig ang mga salesladies sa kanila. 

Ariel is doing a fine show, anang isip ni Julie. Ganoon pa man ay di niya kayang salubungin ang tingin nito. 

"H-hindi ba puwedeng ikaw na lang ang pumili?" ani Julie. 

"No!" madiing sagot ni Ariel. "You will be wearing my ring for a very long, long time, at ayokong pagsisihan mo kung ano na lang ang kinuha natin," pabulong iyon subalit naroon ang katatagan ng sinabi na sinamantala nang yumuko ang saleslady upang kumuha pa ng ilang pares.

Muling tinitigan ni Julie ang naroong pares ng mga singsing. Sa totoo lang ay nati-thrilled siyang di-mawari,

Pinaglipat-lipat niya ang mga mata niya sa mga naroong pares ng mga singsing. Sa wakas, ay dinampot niya ang sa palagay niya ay simple lang pero maganda Isang gold band na may apat na diamond stones na diagonally designed.

"I-ito?" tumingin siya kay Ariel at ipinakita ito. Sandaling tiningnan ng binata ang singsing bago tumitig sa kanya. Napansin ni Ariel ang kislap sa mga mata ni Julie.

"Iyan na po ba ang napili ninyo ma'am, sir?" ang saleslady.

Saka pa lang bumalik uli sa singsing ang paningin ni Ariel. "Ito ba ang napili mo? Excellent choice!"

Muntik nang mapabulalas si Julie nang makita ng di sinasadya ang resibo at ibinalik ng saleslady ang card ni Ariel. 

Nasa sasakyan na sila nang magsalita si Julie. "H- hindi ba napakamahal naman nito, Ariel?" Habang sinisipat ang laman ng munting kaheta.

Naaaliw na tiningnan siya ni Ariel. "Ang pagkakaalam ko, ang ibang babae ay mas pinipili ang pinakamahal pagdating sa alahas."

Gustong sumagot ni Julie na hindi siya "ang ibang babae," pero minabuting hindi na kumibo. Muling nagsalita si Ariel.

"Hindi natin pinag-uusapan ang halaga. Iyan ang napili mo at gusto ko rin. Sabi ko nga, mahusay kang pumili, sweetheart." At idiniin nito ang huling salita. 

Nanatiling hindi na kumibo si Julie. Itinuon ang mga mata sa kalsada.

ISANG araw bago ang kasal nila ni Ariel ay dinalaw ni Julie ang libing ni Greg. Nakaramdam siya ng guilt dahil ito ang kauna-unahan niyang pagdalaw sa puntod ng asawa. Malungkot niyang ibinaba ang dalang mga bulaklak.

I'm marrying your brother, Greg, anang isip niya Ganito ba ang gusto mong mangyari? Ang larawan kong pilit mong ipinadala kay Ariel ang nagsilbing tanging tulay upang makilala niya ako.

I survived dahil sa iyo...para ba sa binhing ipinunla mo? Pero hindi mo pa alam iyon noon...o para kay Ariel?! 

Did you really want me to meet you brother, Greg?

Hindi alam ni Julie kung gaano siya katagal na nakatayo doon. Ni hindi niya naramdamang may lumalapit. Nagulat pa siya nang magsalita ang dumating Lumingon siya

"Anong ginagawa mo rito?" si Agnes Valdez.

Hindi sumagot si Julie. Umatras ng kaunti sa gilid upang mailapag ng matandang babae ang dalang mga bulaklak.

"Alam mo ba kung gaano kasakit ang mawalan ng kaisa-isang anak?" matigas ang boses nito ngunit hindi sumisigaw.

Ano ang maaari niyang isagot upang pawiin ang sakit na nararamdaman ni Agnes? Gusto niyang tumalikod at lumakad palayo pero mabigat ang mga paa niya.

"Ang sabi mo noon, nawalan ka ng asawa...totoo! Pero mag-aasawa ka nang muli, hindi ba? Sa napakaiksing panahon, Julie. Sa napakaiksing panahon ay nagpalit ka ng asawa!" galit at hinanakit ang nasa mga mata ng matanda.

Parang hiniwa ng patalim ang dibdib ni Julie. "Walang kapalit si Greg sa akin, Julie...wala...!" dugtong nitong sabay dako ng luhaang mga mata sa puntod ng anak.

"I-I'm sorry..." ang tanging nasabi ni Julie bago siya lumakad pabalik sa naghihintay na sasakyan. Napakabigat ng nakadagan sa dibdib niya.

Dugtungan Mo Ang Isang Magandang Alaala - A Novel By Martha CeciliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon