Final Chapter

2.8K 54 4
                                    

LUMILIPAS ang mga araw na punung-puno ng insekyuridad para kay Julie. Inakala ni Ariel na ang malimit niyang pagsasawalang kibo ay dahil nahihirapan na siya sa lumalaking tiyan.

Higit na naging maalalahanin at pasensyoso si Ariel sa asawa. At sa lahat ng mga ito ay lihim na nasasaktan si Julie. Matatapos lahat ang mga pakita ni Ariel sa kanya sa sandaling makapanganak siya!

"Due ka na next month and that small bundle of joy will soon come out," si Mariz habang ini-internal examination siya.

Nakatitig lang sa ilaw si Julie. Gusto niyang mag- confide kay Mariz pero hindi niya tiyak kung hanggang saan ang alam nito sa relasyon nila ni Ariel.

"She's fine at nasa puwesto," anito na inalis ang guwantes at tinulungan ang nurse na itayo siya.

"Nakakatuwa ang kalagayan natin. Doktor at pasyente, buntis!" si Mariz na sinabayan ng tawa Halatang tuwang-tuwa sa dinadala. 

Medyo nag-alala si Julie. "C-can you make it? I mean...gusto ko, ikaw ang magpaanak sa akin, pero malaki na rin halos ang tiyan mo." 

"No sweat, darling. Mag-a-assist si Eduardo. Huwag kang mag-alala."

Tama. Nasa kamay siya ng mahuhusay na mga doktor at mga kaibigan pa. Pero may iba siyang ipinag-aalala...

Pag-uwi niya, nakaparada sa tapat ng mansion ang kulay pulang kotse. Kilala niya ang may-ari nito. Bahagya siyang kinabahan.

Nasa loob ito at kausap si Donya Consuelo.

"Hinihintay ka niya, hija. Gusto kang makausap," bungad ng matanda. Humalik si Julie sa donya at tumingin kay Agnes. Babala naman ang kahulugan ng tinging ipinukol ni Donya Consuelo kay Agnes bago ito tumayo upang iwan silang dalawa.

Tila nagbabara ang lalamunan ni Agnes nang magsalita. 

"N-noon ko pa gustong magpunta dito," muling tumikhim. "Hindi ako makapag-ipon ng  lakas ng loob." 

Hindi pa rin sumasagot si Julie. Hindi mahulaan ang sadya ng kaharap.

"Alam kong...wala akong karapatang kausapin ka, Julie. Malaking pagkakamali ang nagawa ko sa iyo...mapapatawad mo ba ako?"

Hindi makapaniwala si Julie sa narinig. 

"Mapapatawad mo ba ako, Julie?" gumagaralgal na ulit si Agnes.

Huminga ng malalim si Julie. "Nakalimutan ko na iyon, Mrs. Valdez." At totoo ang sinabi niya. Wala siyang makapang galit o hinanakit dito.

"S-salamat, Julie...salamat..." anito sa sinserong tinig. Sandaling katahimikan ang lumipas. Si Agnes ang unang nagsalita.

"Ang...ang dinadala mo, Julie...anak ba ninyo ni...Greg? A-apo ko ba iyan?"

Gustong magalit ni Julie pero ayaw ng puso niya. Tumingin siya sa malayo. Heto pa ang isa na kaya biglang- bigla ay nagpakumbaba ay dahilan sa nasa tiyan niya.

Bigla...parang gusto niyang mabagot sa lahat ng ito.

"P-please, Julie...gusto kong marinig mula sa iyo ang totoo," halos nagmamakaawa ang boses nito. Marahang tumango si Julie. Sandaling nagliwanag ang mukha ni Agnes pero madali ding naglaho.

"Pahihintulutan mo ba akong...makita...at madalaw siya? Mahahawakan ko ba ang apo ko, Julie?"

Hindi alam ni Julie ang isasagot.

'W-wala na si Greg, Julie. Nag-iisa na lang ako at matanda na," ani Agnes na nangingislap ang mga mata sa namumuong luhang pilit na pinipigil bumagsak.

Sa tingin ni Julie ay biglang tumanda si Mrs. Valdez ng maraming taon. Nakadama siya ng habag dito. "B- binibigay ko ang karapatan ninyo sa apo ninyo, Mrs. Valdez." 

Dugtungan Mo Ang Isang Magandang Alaala - A Novel By Martha CeciliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon