SUNUD-SUNOD na busina ang ginawa ni Ariel. Halos gusto nang bumaba para siya na mismo ang magbukas ng gate.
Mabilis namang may nagbukas ng gate. Paarangkada niyang ipinasok sa garahe ang Safari at malakas na nagrebolusyon. Sinasadya.
Eksaktong bumababa siya nang bumukas ang pinto. Iniluwa si Agnes Valdez na nagulat pagkakita sa kanya.
"Ariel! Napadalaw ka!"
Tuluy-tuloy sa loob ng bahay si Ariel kasunod ang nagtatakang si Agnes. Napahinto si Agnes nang mabilis na humarap rito ang binata.
"Bakit mo ginawa iyon, Tita Agnes? Patay na si Greg!" nag-aalsa-boses si Ariel.
Napaatras ng kaunti si Agnes. Takot ito kay Ariel at alam iyon ng binata. Pero kahit minsan ay hindi niya ito pinagtaasan ng boses. Ngayon lang. Mahinahon lagi kung kausapin niya ang madrasta.
"Linawin mo ang sinasabi mo, Ariel. At nawawalan ka na yata ng galang sa asawa ng ama mo!"
"Bakit kailangang palitawin mong hindi pinakasalan ni Greg si Julie? Anong buti ang magagawa noon sa iyo?" sumbat ng binata.
Nabigla si Agnes. Napatda.
"At bakit pinaniwala mo akong kasamang namatay ni Greg ang asawa niya?!" muling tumaas ang boses ni Ariel Inang banggitin ito. Pumasok sa isip ang pag-aakala niyang pagkawala ni Julie.
"P-papaano mong nalaman?" Kitang-kita sa mukha ni Agnes ang guilt.
"Hindi na mahalaga kung paano ko nalaman. Sagutin mo ang tanong ko!"
Nanlambot ang mga tuhod ni Agnes. Parang ng lakas. Marahan itong umupo.. nawalan
"I...I hate her! Kung hindi dahil sa kanya ay buhay pa sana ang aking...ang aking si Greg," gumagaralgal ang boses nito. Bakas ang pinipigil na pag-iyak.
Napapikit si Ariel. Tutop ang noong tumingala sa kisame. Pigil ang emosyon. Nauunawaan niya ang pamimighati ni Agnes sa pagkamatay ng anak. Hindi pa sila nakakaraos sa dalamhating dulot ng pagkawala ni Greg. Si Agnes...siya.. at si Julie. Lahat sila.
"Pero Tita Agnes...walang sinumang may kasalanan sa pagkamatay ni Greg! Aksidente ang nangyari!"
Nang hindi ito sumagot ay nagpatuloy siya. "At bakit kailangang sirain mo ang pagkatao ng kanyang asawa?"
Sa puntong ito ay biglang tumayo si Agnes. Galit.
"Ambisyosa ang babaeng iyon! Naghahanap ng mapapangasawang masalapi!"
Hinarap ni Ariel ang madrasta. "Ambisyosa, Tita Agnes?" wari ay nanlilibak ang tinig niya. "Naghahanap ng masalapi?" sarkastiko.
Bigla ang pagbalik ng hinahon sa tinig ni Agnes. "O, Ariel...hindi mo na ako kailangang insultuhin."
Huminga ng malalim si Ariel. Walang mangyayari sa pag-uusap nilang ito ng madrasta. Tinungo niya ang pinto subalit bago ito binuksan ay nag-iwan ng salita.
"Nasa bahay ko si Julie, Tita Agnes. And I don't think I'd like you to see her again," may himig babala iyon.
NAKATANAW sa hardin si Julie. Minamasdan ang tahimik at marangyang kapaligiran. Nang magawi ang paningin niya sa pool. Ilang araw na ba ang lumipas mula nang mag-usap sila ni Ariel?
Nakapagbitiw siya ng pangakong hindi aalis nang hindi nagpapaalam dito. At pansamantala ay mananatili siya sa mansion.
Halos hindi sila nagkikita ni Ariel nitong nagdaang dalawang araw. Ang sabi ni Donya Consuelo ay abala ito sa trabaho sa opisina.
Nang bigla ay naisip niyang tawagan ang kanyang landlady. Hindi nga pala siya nakapagbigay ng abiso rito. Dinampot niya ang telepono. Makalipas ang tatlong ring ay may sumagot sa kabilang linya. Nabosesan niya agad ang kanyang landlady.
BINABASA MO ANG
Dugtungan Mo Ang Isang Magandang Alaala - A Novel By Martha Cecilia
Romance"Pag-ibig din ang magdurugtong sa magagandang alaala ng isang lumipas na pag-ibig.." Maligaya si Julie sa piling ng kasintahang si Greg. Subalit tuwina ay wala itong bukambibig kundi ang nakatatandang kapatid na si Ariel. Nang makilala niya ang mist...