Six

1.6K 34 11
                                    

ILANG araw makalipas ang nangyari nang gabing iyon ay halos hindi nagkikita ang dalawa.

Kung magising si Julie sa umaga ay wala na si Ariel. At malimit ay gabing-gabi na kung umuwi ito. Minsan namang nagtagpo sila sa almusal ay iniiwasan ni Julie na magkasalubong ang mga mata nila.

Si Donya Consuelo naman ay lihim na nagtataka at nangingiti sa kanila.

Nang hapong iyon ay nasa terrace si Julie. Hinahalukay ang mga lupa sa paso. Nakasuot siya ng tight denims na may temnong puting cotton midriff.

Nakatalikod siya at nakadukwang sa mga halaman. Kitang-kita ang magandang hubog ng katawan sa suot niyang iyon.

Nagulat pa siya nang tumikhim si Ariel. Matagal nang nakatayo sa may pintuang salamin at pinanonood siya. 

"Hmm...I've never seen such perfect view from...behind."

Napalingon siyang bigla. Inunat ang katawan at inalis ng braso ang mga hibla ng buhok na nasa mukha.

"I-Ikaw pala...Maaga ka ngayon...." sagot niya habang inaalis ang guwantes na goma sa mga kamay. Naupo si Ariel sa isa sa mga upuang bakal.

"Join me. May mahalagang bagay tayong pag- uusapan." At inginuso ng binata ang upuan sa tapat. Nakapagitan sa kanila ang bilog na lamesang marmol.

Atubiling naupo si Julie. "Anong pag-uusapan natin?" 

Nagsindi ng sigarilyo si Ariel. Nagbuga ng usok paitaas.

"Anong plano mo sa buhay, Julie?"

Nabigla ang tinanong. Bakit nagtatanong si Ariel ng ganoon sa kanya? Dahil kaya sa nangyari? Iniisip kaya nito na hindi mabuting magkasama sila sa iisang bubong?

Sari-saring dahilan ang pumapasok sa isipan niya nang sumagot. "Anong ibig sabihin ng tanong mo, Ariel?" 

"Gusto kong sagutin mo ang tanong ko."

Sandaling tumingin sa malayo si Julie. Huminga ng malalim.

"S-sa ngayon....hindi ko pa alam. Pero ang tiyak, I'll find another job pagkapanganak ko." Tumingin siya ng diretso sa binata at muling nagsalita. "Bakit, Ariel?"

Sinalubong ng binata ang tingin niya. Matagal. Ganoon din si Julie na sa wari ay hinahanap sa mga mata nito ang sagot.

Si Ariel ang unang nagbaba ng tingin. Inilapag sa ashtray ang sigarilyo. "I am proposing marriage, Julie!" Malinaw at walanggatol na sinabi ng binata.

Napahawak sa armrest si Julie. Tama ba ang narinig niyang sinabi ng binata. "A-Anong sinabi mo?"

"Gusto kitang pakasalan." Ulit ng binata na hindi man lang kumukurap sa pagkakatitig sa kanya.

"Is this some kind of a joke, Ariel...?"

"Mukha ba akong nagbibiro? At isa pa, ang mga ganitong bagay ay hindi ginagawang biro..." Kalmanteng sagot ng binata.

Titig na titig si Julie sa kaharap. Inaarok ang sinabi nito.

"Hindi kita maintindihan...paano...bakit?" Pakiramdam ba niya ay nagkaroon siya ng maraming gatla sa noo.

"I want to marry you, hindi pa ba sapat na dahilan iyon." Ang marahan ngunit seryosong sagot ni Ariel.

Kumurap si Julie. Biglang pumasok sa isip ang nakaraan...sa apartment, nang sabihin sa kanya ni Greg iyon..."I want to marry you..." Si Ariel ang nasa harap niya at hindi si Greg subalit ang paraan ng pagkasabi ni Ariel ay tulad din ng kung paano ito sinabi sa kanya ni Greg. Buong pagmamahal....Pero mahal siya ni Greg Pero si Ariel...? O, she's imagining things...

Dugtungan Mo Ang Isang Magandang Alaala - A Novel By Martha CeciliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon