Behind the Smile of a Clown

2.2K 193 29
                                    


Prologue

TAGAKTAK ang pawis, halo ang luha at sipon ng siyam na taong gulang na si Scythe. Mahigpit siyang yakap mula sa likuran ng tiyuhing si Macoy. Tutop nito ang bibig niya at halos pangapusan na siya ng hininga habang hindi makaalpas ang mga sigaw ng pagtawag sa ina. Bawat haplit ng latigo sa katawan nito ay mistulang mga patalim na bumabaon sa musmos at marupok na puso ng batang si Scythe. Kita niyang halos tigmak na ng dugo ang suot na puting bestida ng kanyang Nanay. Nakakagat-labi ito. At sa tuwing hinahaplit ito ng latigo ay dumidiin ang kagat nito sa pang-ibabang labi, dahilan para magdugo na rin iyon.

Sa murang isip ay alam niyang kaya pinipigilan ng Nanay niya ang dumaing o umiyak ay dahil iniisip nitong mag-aalala siya.

Smile lang lagi, 'nak, iyon ang madalas nitong sabihin sa kanya.

Ang Nanay niya ang pinaka-cool at pinakamabait na nanay sa buong mundo. Kaya hindi niya maintindihan kung bakit nangyayari ang lahat ng iyon. Kung bakit sobra-sobra naman yata ang parusang ibinibigay rito ng mga taong iyon. Sino ba ang mga ito? Ang mga kalalakihang 'yon ay panay mga bagong mukha. Hindi pa niya kailanman nakita ang mga iyon sa lugar nila. Iyong isa na tila siyang nag-uutos sa mga ito ay hindi niya kita ang mukha. Naka-maskara ito at nakasuot ng mga kasuotang kapares niyong mga haciendero at haciendera sa kanilang lugar. Ngunit masyadong mataas ang suot niyong bota, kaytulis ng ilalim na kung makaaapak ng paa ay tiyak niyang makatutusok. May hawak-hawak din iyong tila manipis na patpat. O iyong nakikita niyang ipinanghahampas sa kabayo para tumakbo nang mabilis. At nang ihampas nito iyon sa pisngi ng kanyang ina ay malakas siyang napahiyaw. Pero dahil tutop ng tiyuhin ang bibig niya ay hindi iyon nakaalpas. Tanging ang masaganang pagbukal ng kanyang luha lamang ang malayang dumaloy sa kanyang mga mata.

Dinig niya ang tahimik na pagtangis ng kanyang tiyuhin. Ramdam niya rin ang pangangatal ng buo nitong katawan. Ngunit tulad niya ay wala itong magawa. Pareho silang walang kalaban-laban sa mga kalalakihang iyon. Na bukod sa mga naglalakihan ang mga pangangatawan ay pare-pareho pang may mga de-kalibreng baril.

Ilang ulit pang hinampas ng nakamaskara ang mukha ng kanyang ina. Tila gigil na gigil iyon. Paulit-ulit hanggang sa maging duguan na rin at matadtad na ng hindi mabilang na latay. Napasigok siya. Pilit siyang nagpupumiglas para sana takbuhin ang Nanay niya. Wala na siyang pakialam anuman ang gawin sa kanya ng mga taong iyon. Ngunit wala siyang laban sa lakas ng kanyang tiyuhin. Nadadapaan siya nito habang siya ay nakasubsob sa matigas na lupa ng makapal na tubuhan. Doon sila pinagtago ng kanyang Nanay nang dumating ang mga taong 'yon lulan ng dalawang sasakyan. Mahigpit nitong binilinan ang kanyang tiyuhin na kahit ano ang mangyari ay huwag na huwag silang lalabas.

Naisuntok niya ang dalawang kamay sa matigas na lupa. Tinangka pa niyang kagatin ang kamay ng tiyuhin para pakawalan siya. Pero wala ring nangyari. Ang tanging nagawa niya ay umiyak nang umiyak habang patuloy na sinasaktan ang kanyang ina. Hanggang sa makita niya itong bigla na lamang napaluhod. Marahas itong sinabunutan ng nakamaskara at binatak ang buhok hanggang sa mapatingala. May kung anong ibinulong dito iyon. Sa kabila ng duguang mukha ay nakita niyang ngumiti ang kanyang ina sabay dura sa taong iyon.

Nang bitiwan niyon ang buhok ng Nanay niya at dahan-dahang tumuwid ng tayo ay tila may malamig na hanging dumakot sa kanyang sikmura. Bumiling ang mukha ng Nanay niya nang sampalin ito ng nakamaskara. Daig pa niya ang tinadyakan sa sikmura. Marahang itinuwid ng kanyang ina ang ulo at tumingin sa direksyong pinagtataguan nila ng tiyuhing si Macoy. Pumikit ito. Ilang ulit.

"Pumikit ka," garalgal ang tinig na bulong ng tiyuhin sa kanya. "Ipikit mo ang mga mata mo, Scythe. Huwag mo ng panoorin ang nangyayari kay Ate."

Ngunit parang wala siyang narinig. Sinenyasan ng nakamaskara ang mga tauhan nito. May sinabi iyon sa mga lalaki. Ang sumunod na nasaksihan niya ay halos magpawala ng kanyang katinuaan. Hinubaran ng mga iyon ang Nanay niya saka magkasamang tinalian ang dalawang kamay. Pagkatapos ay saka itinali sa puwetan ng sasakyan ang dulo ng lubid at ipinakaladkad ito nang hubo't hubad.

The Untouchables Series Book 5 Scythe de AsisWhere stories live. Discover now