A Chest Full of Longing

2K 187 18
                                    

Chapter One

Ten years later...

"HI, Nanay kong mahal," inilapag ni Scythe ang ilang dosenang tali ng sampaguita sa ibabaw ng puntod ng ina. 

Paborito nitong bulaklak iyon. Kung ang karamihan ng mga babae ay rosas, ito ay sampaguita. Bukod sa napakabango niyon, sumisimbolo rin daw iyon ng pagiging busilak ng kalooban. 

In his eyes, his mother will always look pure despite the fact na nakiapid ito sa lalaking pamilyado na. Kung tutuusin ay wala namang kasalanan doon ang Nanay niya. Nilansi raw ito ng kanyang Papa Aris. Iyon ay base na rin sa salaysay ng sarili niyang ama. Gustung-gusto raw kasi nito ang Nanay niya kaya nagpanggap na binata para pumayag na makipagrelasyon dito ang kanyang ina. Sa maikling kuwento ay nagsama ang mga ito at ibinahay ng Papa Aris niya. Pero isang araw raw ay bigla na lang nag-alsa-balutan ang kanyang ina kahit halos kabuwanan na nito sa pagdadalantao sa kanya. Wala itong iniwang sulat o anupaman, basta't bigla na lamang daw itong naglahong parang bula.

Walang ideya ang kanyang ama kung ano ang nangyari. Ngunit naisip nito na siguro raw ay natuklasan ng Nanay niya ang panlolokong ginawa ng kanyang ama. Maprinsipyo raw kasi ang Nanay niya. At totoo naman iyon. Mismong ang kanyang Ankol Macoy ang nagkuwento sa kanya na ilang lalaki ang naglatag dito ng indecent proposal para guminhawa ang buhay nila. Pero mas pinili niyong masunog ang balat sa pakikigapas sa mga pataniman at magkandakuba sa iba't ibang trabaho masuportahan lang ang kanilang pangangailangan. Kaya matinding sama ng loob ang pumupuno sa dibdib niya sa tuwing maaalala kung paano itong pinatay ng mga dimonyong 'yon.

Nang madaling-araw na iyon na tumalilis silang magtiyo para takasan ang inaakala nilang masasamang loob, ang Papa Aris niya pala at ang mga tauhan nito ang dumating para sunduin silang mag-ina. Subalit huli na ang lahat. Hindi na nagkita ang kanyang mga magulang. At nagkasalisi rin silang mag-ama. Kaagad siya nitong ipinahanap sa mga tauhan base sa ilang pictures na natagpuan ng mga ito sa iniwan nilang kubo. Na kahit hindi tumawag si Lolo Panoy ay nakatakda na rin silang magkitang mag-ama dahil natunton ng mga ito ang sinakyan nilang bus. Sinabi ng konduktor kung saan sila bumabang magtiyo. At dahil madalas siyang sumama kay Lola Dolores sa pagtitinda ng balut, namukhaan siya ng isa sa mga sidewalk vendor at itinuro ang bahay ng matandang mag-asawang kumupkop sa kanila ng kanyang Ankol Macoy. Napabilis lang ng phone call ni Lolo Panoy ang pagkatunton ng mga iyon sa kanila sa ospital.

"Kumusta ka na, Nanay kong mahal?" masuyong pagkausap niya sa puntod ng ina.

Nang malaman ng Papa Aris niya ang nangyari sa Nanay niya ay ipinahukay nito ang mga labi ni Paloma at ipinalipat sa isang pribadong libingan sa lungsod. Kung saan ay madadalaw niya ito anumang oras niya gustuhin. Sa tuwing libre siya ay pinupuntahan niya ito. Kinakausap, kinukuwentuhan ng mga nangyayari sa kanyang buhay na para bang naroon lamang ito. Buhay at parating naghihintay sa pagdalaw niya.

 "Kung ako ang tatanungin niyo, katulad pa rin ng dati. Pinipilit maging masaya kahit sa paningin ng mga kaibigan ko ay isa akong siraulo na walang kakayahang magseryoso," pagpapatuloy niya. Nangingiti at napapailing nang maalala ang labing-isang kaibigan. "Kung meron mang magandang ibinigay sa akin ang training camp na 'yon, 'Nay, siguro ay ang mga kaibigan ko. Bukod kay Ate Victoria at Bettina, para akong nagkaroon ng mga karagdagang mga kapatid sa katauhan nila. Oo, madalas ko silang pinagti-trip-an. Pero mga masokista naman sila, 'Nay. Mas gusto nilang sinasadista."

Binuntutan niya iyon ng maikling tawa. No matter how sad and empty he felt, hindi niya pa rin kinakalimutan ang tumawa. Ayaw niya kasing malungkot ang Nanay niya. Natatandaan niya, tuwang-tuwa ito at parating may ngiti sa labi kahit gaano pa ito kapagod sa maghapong pagtatrabaho kapag sumalubong na siya rito na may malapad na ngiti. Kahit bungal ang ngipin niya sa itaas ay siya yata ang pinakapoging bata sa paningin nito. Ganoon yata talaga ang isang magulang.

The Untouchables Series Book 5 Scythe de AsisWhere stories live. Discover now