Chapter Two
"KULOT!"
"Pangit!"
Normal ng tanawin ang tagpong iyon sa tuwing makikita ni Scythe ang dalagitang si Jeralden kapag dumadalaw siya kina Lola Dolores at Lolo Panoy. Natutuwa siyang asarin ito dahil palaban. Hindi tulad ng ibang bata na umiiyak kapag inaasar. At isa pa ay napansin niyang parati itong mapag-isa. Lola lang ang kasama nito sa bahay. Na ayon kay Lola Dolores ay bago lamang nitong nakasama kaya naman pareho pang tila nangangapa ang mga ito sa ugali ng isa't isa.
"'Yong tatay naman ay parating wala. Sasampa yata ulit sa barko kaya naglalakad ng mga papeles," dagdag pang tsika ni Lola Dolores.
"Seaman?" aniya.
"Oo, parang gano'n. Tsipkok 'ata roon sa barkong para sa mayayaman ba?"
"Luxury ship?"
"Oo, 'yon. Bihira nga raw magkasama ang mag-amang 'yan dahil mas madalas na nasa biyahe. Nagkasama lang sila nang matagal-tagal noong maratay na sa malubhang sakit ang asawa. Matagal na gamutan daw kaya halos ubos ang lahat ng naipundar na kabuhayan noong mag-asawa. At ito ngang si Jeralden, eh, dine na muna kay Aida iiwan habang siya'y nasa biyahe. Dadalaw-dalaw na lang kapag dumaong ang barko."
"Ano ang ulam natin, mahal?" bungad na tanong ni Lolo Panoy mula sa likod-bahay.
May taniman ng gulay ang mga ito roon. At may ilang tinali rin itong panabong na tandang. Mula sa dating pangangalakal ng bote't diyaryo ay may sariling tindahan na ang mga ito na nasa gilid lang din ng bahay. Tindahan iyon ng mga sinangag na mani, banana chips, kasoy, binusang mais, at kung anu-ano pang local products na kutkutin. Sariling gawa iyon ng mga ito. At mabenta naman. Marami nga madalas ang order sa mga ito. Karamihan ay mga vendor din na itinitinda nang patingi o nakapakete ng tiglilimang piso.
"Kunin mo muna 'yong isa mong itinali ro'n sa likod. Itinola natin," seryosong tugon ni Lola Dolores sa tanong ng asawa.
Nganga ang pobreng si Lolo Panoy sa narinig. Tingin pa nga ni Scythe ay biglang tinakasan ng kulay ang buo nitong mukha.
"Mahal, pupuwede na sa akin ang tuyo. Di ba, Scythe? Masarap ang tuyo. Lalo na sa panahon ngayon na uulan-ulan. Samahan pa natin ng isang tsiken nodels na sinabawan ng isang litrong tubig, sows. Sarapen," siniko-siko pa siya ni Lolo Panoy na halatang nagpapakampi.
"Masarap nga 'yon, 'Lo. Pero balita ko mas masarap ang tinaling tandang na wala pang katalo-talo sa derby."
Nalukot ang mukha ni Lolo Panoy. Para itong burger patties na natutong at ipinalaman sa inaamag ng slice bread.
"Pinagkakampihan niyo akong dalawa palibhasa wala rito 'yong anak kong maganda," parang batang reklamo nito. "Bibili na lang ako ng lutong ulam sa labas. Masarap namang magluto 'yong si Maring."
"I'm home, people!" parang modelong iniluwa ng pinto ang naka-crop top na si Macy. Litaw ang makinis at may abs na tiyan na ang pusod ay merong diamond stud.
Sexy at very feminine talaga itong tingnan. Kahit may abs ay hindi mukhang barako ang pagkakaporma ng muscles. Marami itong bitbit na pinamili.
"Tatay Pangs, Nanay Dolly," bumeso ito sa dalawang matanda matapos na ipasa sa kanya ang mga dala-dala. "Ihain mo na ang mga 'yan habang mainit. Gosh, so traffic. Kanina pa dapat ako, eh. Nakaka-stress ang mga nakatiwangwang na road projects, huh? So, nakakalokah. Akala ko uugatan na ako sa kalsada at tutubuan ng dahon at mga sanga hanggang sa mamunga ng aratiles bago pa makarating dito."
Habang naglilitanya si Macy ay idiniretso na ni Scythe sa komedor ang mga dala-dala nito. Alam niyang darating ito at nabanggit na rin niya kay Lola Dolores kaya hindi iyon nag-intinding magluto ng ulam nila para sa pananghalian. Nagsabwatan lang sila nang pumasok si Lolo Panoy na alam nilang gutom na mula sa paghimas sa mga alagang tandang.

YOU ARE READING
The Untouchables Series Book 5 Scythe de Asis
AksiSPG 18 Ang bawat ngiti niya ay nagkukubli ng mapait na nakaraan. At bawat halakhak niya ay pilit na pinagtatakpan ang malaking kawalan sa kanyang dibdib na hindi kailanman mapupunan.