BABALA: ang mga susunod na tagpo ay hindi angkop sa maseselan ang panlasa. reader's discretion is advised.
.
Chapter Four
"JERALDINA."
Napakamot sa ulo si Jeralden sa pagtawag ni Lola Aida. Hindi siya nayayamot sa isiping may iuutos ito. Napapasimangot siya dahil sa pangalang itinatawag nito sa kanya. Hindi naman kasi iyon ang totoo niyang pangalan kung bakit naman iniiba pa ng kanyang lola.
"Bakit po, 'La?" iniwan niya muna ang ginagawang assignment para alamin kung bakit tinawag siya ng nuno.
"Natapos ko na iyong pinalulupiang damit ni Fely. Mga damit yata ito noong anak niyang dalaga. Pakihatid mo na nga at baka nakalimutan na noong inutusan niyang kumuha. Ang sabi kasi sa akin ay ipakukuha niya ngayong hapon at gagamitin daw iyan bukas. Pang-opisina yata ang mga ito, eh."
"Sige po. Saan po ba banda 'yong bahay ni Aling Fely?"
"Malapit lang. Paglabas mo mula rito sa atin, baybayin mo 'yong dulong eskinita. May makikita kang bungalow style na bahay. Mapusyaw na brown at puti ang kulay ng pintura. May maliit na garahe sa harapan at may malaking puno ng kalachuchi sa tagiliran."
"Parang alam ko na ho, Lola. Nagawi na ako sa lugar na iyon nang magpa-print ako noong nakaraan. May malapit kasi roong computer shop."
"Ayun naman pala. Mabuti. Siya, sulong na at nang mabalikan mo na ang ginagawa mong homework. Malapit na ring mag-ala sais kaya maghahanda na ako ng ating hapunan."
Tumango siya at nakangiting inabot ang plastic bag na pinaglalagyan ng ihahatid na tahi.
Paglabas ng apartment ay awtomatikong gumala agad ang mga mata ni Jeralden sa paligid. Halos inaasahan na kasi niya ang pagsigaw ng 'Kulotsky' ni Scythe. Sa isip ay bumilang pa siya ng ilang segundo. Ngunit hanggang sa makalampas siya sa bahay nina Lola Dolores ay walang Scythe na tumawag sa kanya. Kapansin-pansin din na wala ang mga batang-kalye na kadalasang kalaro nito. Maging ang pamilyar na tanawing nag-uumpukan sa karinderya ni Aling Maring ay wala rin. Naisip niya na lang na siguro ay wala roon ang binata. Obvious kasi kapag naroroon ito. Parang buhay na buhay ang paligid. Ewan ba naman kung anong klaseng charm ang meron ito, lahat ay nagiging energetic at masaya.
Dumeretso na siya ng lakad sa pupuntahan niya. Pilit na itinataboy ang hindi magandang pakiramdam na ilang araw na niyang hindi naririnig ang pang-aasar ni Scythe. Marahil ay busy ito. Hindi siya sigurado kung ano ang pinagkakaabalahan nito sa buhay. Pero base na rin sa impormasyong nasagap niya sa kuwentuhan ng mga tsismosang tambay sa karinderya ni Aling Maring, tapos na ito ng kolehiyo. At hindi naman ito mukhang tamad para maging tambay habambuhay.
Naks, may pagtatanggol, tudyo ng isang munting tinig.
Napairap siya sa hangin.
Nang makarating sa harapan ng pakay na bahay ay agad na napansin ni Jeralden ang bukas na pinto. Hindi niya ugaling pumasok basta sa bahay nang may bahay. Kaya naman akmang kakatok na sana siya nang may maulinigang ingay mula sa loob.
"Ta--"
"Aah, sige pa, sige pa. Idiin mo pa. Aaang saraaap niyan, tangina."
Hindi kaagad siya nakakilos sa kinatatayuan at saglit pang nakiramdam.
Ano kaya 'yong masarap na 'yon at wagas makaungol si Ate? saloob-loob niya. Masahe?
Oo, masarap nga kapag minamasahe. Lalo na kapag nadidiinan sa tamang lugar ang masasakit na mga kalamnan. Makaungol-sarap nga.
"Ta--" ang akmang pagpapatao-po niya ay muling naudlot nang may marinig siyang isang boses ng lalaki mula sa loob. Boses na pamilyar na sa kanya dahil tila nakawilihan na niyon ang buskahin siya.

YOU ARE READING
The Untouchables Series Book 5 Scythe de Asis
AcciónSPG 18 Ang bawat ngiti niya ay nagkukubli ng mapait na nakaraan. At bawat halakhak niya ay pilit na pinagtatakpan ang malaking kawalan sa kanyang dibdib na hindi kailanman mapupunan.