Singing Contest Part 1

1.5K 160 17
                                    

Chapter Five

"UY, singing contest. Je, sali ka."

Napahinto sa paglalakad si Jeralden nang tumigil ang kaibigan niyang si Soraya. Tumigil ito sa tapat ng bulletin board na nasa may bungad lamang ng kanilang baranggay. Doon nakapaskil ang mga importanteng announcement o mga ganap sa kanilang lugar. Kahit may regular namang nag-a-anunsyo niyon ay nagpapaskil pa rin ang mga kawani ng baranggay sa bulletin board para sa mga karagdagang ditalye.

"Ang laki ng first prize, sis. Ten kiyaw."

"Ten thousand?" napatingin din si Jeralden sa binabasa ng kaibigan. 

Dinutdot pa ni Soraya ang halagang nakalagay. Namilog ang mga mata ni Jeralden at napasinghap. Ten thousand nga!

"Ano? Sali ka na. Tiyak panalo ka na riyan," puno ng tiwalang sabi ni Soraya.

"Sa laki ng prizes, ang dami tiyak sasali riyan," aniya.

"Eh, ano naman? Nasaan ang challenge ro'n kung isa lang ang makakalaban mo, aber?"

Matagal siyang napatitig sa announcement. May isang linggo pa naman bago ang contest. Parang preparasyon dalawang araw bago ang mismong kapistahan. Sa mismong araw naman ng piyesta ay ang Miss Gay Beauty Pageant. Na taun-taon daw na pinaghahandaan ng mga beki sa lugar na iyon. May isang tao raw kasi na parating nag-i-sponsor sa contest na iyon kaya naman halos lahat ng kabekihan sa bayan ng San Lucas ay sumasali. Kahit nga iyong hindi mga tagaroon ay dumadayo sa pagbabakasakaling masungkit ang pinakamalaking premyo sa patimpalak. Ina-allow naman daw iyon ng mga organizer.

"May ilang araw pa naman ako para pag-isipan." 

"Ano pa ang kailangang pag-isipan, sis? Pipili ka pa siyempre ng piyesa para sa kakantahin mo . Magpa-praktis ka pa. Dapat ngayon pa lang magpalista ka na. Tara, sasamahan kita."

"T-teka, teka," muntik pang malaglag ang mga kipit niyang libro at folder sa paghatak ni Soraya sa braso niya.

Undecided pa siya. Kahit hindi iyon ang unang pagkakataon na sasali siya sa ganoong contest ay may kaba factor pa rin sa kanyang dibdib. Normal lang naman siguro iyon. Kahit may talento siya sa pagkanta ay dinadaga pa rin ang dibdib niya kapag nasa stage na.

"Hi, Kap," bati ni Soraya sa Brgy. Captain nilang nakatambay sa labas ng baranggay hall. 

Kalbo iyon at bigotilyo. Medyo usli ang tiyan at hindi proportion ang laki ng mga braso at binti sa pangangatawan. Kung maliit na bata lamang ito ay mapagkakamalan itong malnourished. Nakasuot ito ng ng brown khaki pants, green Crocs clogs, at yellow polo shirt.

"Wow, ganda ng outfit natin ngayon, Kap. Puwede na kayong pitasin."

"Tsk," inayos pa ng Brgy. Captain ang kuwelyo ng suot na damit na parang proud pa sa sinabi ng kanyang kaibigan. "Ano ba ang atin, Soraya?"

"Magpapalista po, Kap."

"Magpapalista para saan? Tapos na ang bigayan ng ayuda."

"Ows, meron? Bakit hindi namin nabalitaan?"

"Eh, alam mo namang pili lamang ang inaabutan no'n. Kayo naman ay hindi masasabing hikahos sa buhay. Di ba't may abroad kayo?"

"Basta may abroad, mapera? Kayo talaga, Kap. May kinikilingan kayo. Dapat serbisyong totoo lang at walang kinikilingan."

Tinantang ni Jeralden ang braso ng kaibigan.

"Pero hindi naman talaga iyon ang ipinunta namin dito, Kap," mabilis na sabi ni Soraya sa Brgy. Captain na bahagya ng salubong ang mga kilay sa mga sinabi rito ng dalagita. "Naparito kami para magpalista sa gaganaping singing contest."

The Untouchables Series Book 5 Scythe de AsisWhere stories live. Discover now