KABANATA 3: Mga Alamat

19 3 0
                                    

Ich weiss nicht was soll es bedeuten Dass ich so traurig bin!



Nang si Pari Florentino ay bumati sa pangkat na nasa itaas ng bapór, ang naging mainit na pagtatalo ay pawi na.


Marahil ay nakaakit sa kanila ang magagandáng tahanan sa bayan ng Pasig o kaya'y ang ilang kopa ng alak na herés na ininóm nilá upang humandá na sa nalalapit na tanghalian.



Kahi't alin ang naging sanhi, ang totoo'y nangagtatawanan at nangagbibiruán na sila pati ng payát na pransiskano. Bagaman hindi lubháng maingay, ay nangingiti na rin dátapwá't ang kanyang mga ngiti ay katulad ng mga ngiwi ng isang naghihingaló.



"Masamang panahon! Masamáng panahón!" ang patawang sabi ni Pari Sibyla.




"Lumabás kayó at huwag ninyong sabihin iyón, Vice Rector," ang tugon namán ng kanonigóng si Pari Irene, kasabay ang tulak sa silyang kináuupán noón.



"Sa Hong-kong ay tumatamà kayó sa mga kalakal, at ang mga ipinatátayóng bahay ay...
ha! ha!"




"Tunay nga!" ang pakli, "hindi ninyó nálalaman ang mga pinagkakagastahán, at ang mga namumuwisan sa aming mga asyenda ay nagsisimula nang tumutol."




"Tama na ang ganyang mga pagdaing at bakâ pa ako mápaiyák," ang pahalakhak na sagot ni Pari Camorra.



"Hindi kami dumaraing at ni wala kaming mga asyenda o mga bangko. Alamín ninyong ang mga indiyo ay unti-unti nang tumatawad at ibig nilang magkaroon na kami ng taripa."



"Akalain ba ninyong bumabanggit sa akin ng mga taripa ngayon, at dili ibá kaysá taripa ng arsobispong si Basilio Sancho, at para bagáng simulâ noón hangga ngayon ay hindi nagsitaás ang halagá ng mga bilihin. Ha! Ha! Ha!"



"Bakit ang bayad sa isáng binyág ay magiging maliit pa kaysa halagá ng isáng manók? Nguni't ako'y nagtataingang-lipyà na, naniningil kahit na lamang magkano ang masingil, hindi na akó dumaraing. Hindi naman kamí makamkám, anó hindi ba, Pari Salvi?"



Noong mga sandaling iyon ay siyang pagsungaw ng ulo ni Simoun sa hagdanan.



"Ano, saan ba kayo nagtatagò?" ang sigaw ni Don Custodio sa kanya, at nalimutan na ang kanilang pagkakatalo. "hindi ninyó nákita ang bahaging pinakamainam sa paglalakbay."




"Psé!" ang sagot ni Simoun nang mákaakyát na. Nakakita na ako ng maraming ilog at mga tanawin. Walâ nang may kabuluhan sa akin kundi ang mga nagpapagunita ng mga alamat."




"Kung sa mga alamát ay mayroon din ang Pasig," ang sabád ng kapitán, na ayaw pawalán ng kabuluhan ang ilog na kanyang nilalakbay at pinagkakakitaan ng ikabubuhay.



Náriyán ang Malapad-na-Bató batumbuháy na sagrado noon pa mang bago dumating dito ang mga kastilà at di-umano'y tinitirahán iyón ng mga ispiritu.



Nguni't nang mawala ang pamahiing iyon at tampalasanin ang batong buháy, ito'y naging pugad ng mga tulisan, na magmula sa ituktók ay nahaharang na madali ang mga kaawa-awang namamangka na nárarapat makipaglaban sa matuling agos at sa mga tao.



Pagkaraán noón, ay madalás márinig ang mga sabi-sabing tungkol sa pagkalubóg o pagkataob ng bangkâ at akó man marahil sa aking paglikô, ay nábarandál akó sa kanyang mga tabí kundî ko ginamit ang buô kong lakás.



May isá pang alamát, ang alamát ni Donya Gerónima na alám na alám ni Pari Florentino, kaya siyá na ang magbalità.




"Lahát na ng tao ay nakaáalám niyán!" ang tugón ni Pari Sibyla na tila ayaw malampasán.




El FilibusterismoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon