KABANATA 1: Sa Ibabaw ng Kubyerta

36 3 0
                                    

Sic itur ad astra.

Isang umaga ng buwan ng Disyembre, ang bapor Tabo na naghahatid ng maraming manlalakbay na patungo sa lalawigan ng Laguna ay naghihirap sa pagsalunga sa mauli-uling agos ng ilog Pasig.

Ang bapor na ito ay may anyong mabigat, halos mabilog na parang tabo na pinaghanguan ng kanyang pangalan. Bagama't may karumihan ay ibig namang magpanggap na siya ay maputi, maharlika at pormal sa kanyang pagpupumilit na lumakad nang mabanayad.

Kahit na gayon ay tinitingnan siya sa pook na yaón nang may paglingap, sanhi marahil sa kanyang pangalang Tagalog o dili kaya'y sa kanyang pagtataglay ng pag-uugaling katutubò ng mga bagay-bagay na náuukol sa lupaing itó--na halos isáng tagumpay sa ibabaw ng pagkasulong.

Siya'y isáng bapór, subali't dî isáng ganap na bapór, isáng kabuuáng di nagbabago, may kakulangán nguni't dî matutuligsâ, at kapag nagnanais siyáng maging lalong maunlád ay nasisiyahan na nang buong pagmamataás sa minsang pagkukulapol ng pintura.

At ang mapalad na bapór ngang iyon ay katutubong pilipino! Kung lalakipan ng kaunting mabuting kalooban ay maituturing ang sasakyáng itó na Daóng ng Pámahalaán, at niyari sa ilalim ng pagsisiyasat ng mga Reverendos at Ilustrisimos!

Ligô sa liwanag ng araw sa umaga na nagpapakinang sa mga alún-alunan ng ilog at nagpapahaging sa hanging nagpapagalaw sa mga nahúhutok na kawayan na tumutubò sa magkabilang pampáng, ang maputing katawan ng bapór na ito ay nagwawasiwas doón ng makapál at maiitím na usok--and Daóng ng Pámahalaán, ayon sa sabi ng mga nagmamasid, ay umuusok din nang marami!...

Sa bawa't sandali'y tumutunóg ang sipol, paos, at animo'y isáng hari-hariang ibig mag-utos nang pabulyáw. Dahil dito, sa loob ng bapór ay hindi magkárinigan ang mga sakáy. Binabalaan ng sasakyáng itó ang lahát ng másalubong kung minsa'y parang ibig lansagín ang mga salambáw, mga kagamitan sa pangingisdáng di gaanong matatag na kung kumilos ay tila mga kalansáy ng mga higante na yumúyukód sa isang pagóng noong hindi pa nagdidilubyo.

Kung minsa'y nagtutumuling patungo sa mga káwayanán o kaya'y sa mga kárihang anfibio na nasa gitna ng mga gumamela at ibáng mga bulaklák, na waring nali-ligong uróng-sulong na nakalubóg ang mga paá sa tubig nguni't dî pa makapagpasiyáng sumisid...

Kung minsan naman, sa pagsunod sa animo'y landás na ibinubukás sa ilog ng mga punò ng kawayan, ang bapór ay naglalayag nang lubós-kasiyahan; nguni't walang anu-ano'y isang pagkábangga ang lumuglóg sa mga sakáy at nagpagiwang sa kanila.

Ang bapór ay sumayad sa isáng mababaw na putik na dî hinihinalà ng sínumán.

Kung ang pagwawangki ng Daóng ng Pámahalaán ay hindi pa lubós, ay masdán natin ang ayos ng mga manlalakbay. Sa ibaba ng kubyerta ay nagsungaw ang mga kayumangging mukha, mga maiitím na ulo, mga indiyo, mga insík, at mga mistiso na nangagsisiksikan sa pagitan ng mga kalakal at mga baúl.

Sa itaás namán ng kubyerta at sa ilalim ng habong na nagbibigay-lilim sa kanilá sa init ug araw, ay nangakaupo sa mga maginhawang silyón ang íláng manlalakbay na nangakasuót-europeo, mga praylé at mga kawani na ang bawa't isa'y humihitít ng tabako samantalang nagmamasid sa mga tánawin.

Sa pakiwari'y di hilá nápupuná ang mga pagsusumakit ng kapitán at mga marinero upang maiwasan ang mga balakid sa ilog.

Ang kapitán ay isáng taong may anyóng mabait, may kagulangan na, isáng datihang marinero na noóng kanyang kabataan ay napalaot sa malalawak na karagatan na lulan ng matutuling sasakyáng-dagat, at ngayóng siya'y matandâ na ay kailangang gumamit ng lalong masusing pakikialám, pag-iingat, at pagtatanod upang maiwasan ang káliít- liitang mga panganib...

El FilibusterismoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon