August 22, 2022
5:30 ng umaga, sa Kalye 1159, Barangay Gandang Gising...
Sa lahat ng ayaw ni Ginoong Tino ay ang hindi matinong kapaligiran. Kaya nang lumabas siya, sabi niya, "Ay! Parang tanga!"
Sari-sari ang kulay ng sampung malalaking supot ng basura na nakapaidpid sa basurahan niya. Ang isa sa mga supot na dilaw ay kinalkal pa ng pusa. May isa pang bote ng beer na nakapatong sa takip ng basurahan niya.
Nang lumapit si Ginoong Tino, nagkagulatan sila ng pusang nagkakalkal at pumulas ito palayo.
"Ay! Parang tanga!"
Dinampot niya ang bote at binuksan ang basurahan para itapon ito.
"Bakit ba kasi hindi mabuksan ang basurahan? Wala bang kamay?" busa ni Ginoong Tino habang itinatapon ang bote ng beer sa walang lamang basurahan. "Wala namang laman kung magsipagtapon ay parang punong-puno na!"
Pinulot ni Ginoong Tino isa isa ang mga supot para itapon. Nang damputin ang huling supot, bumigay ito sa sobrang bigat at sumambilat ang mga laman. Nagkalat sa kalye ang mga piyesa ng kung ano; salbabidang parang may butas; mga pinagsimian ng isda; at, mumo na may bagoong at kamatis.
"Ay! Naging tanga na nga!" Nagtakip ng ilong si Ginoong Tino at pumasok sandali para kumuha ng walis tingting, dustpan, at malaking supot ng basura.
Hindi alam ni Ginoong Tino na inip na inip na si Aling Usga dahil mga limang minuto na itong naghihintay na pumasok siya ng bahay.
"Magnus, mamaya ka na magbubusa. Ang aga-aga mo. Ang dami ko pang gagawin!" gigil na bulong ni Aling Usga habang pinapanuod si Ginoong Tino.
Tumunog ang rice cooker ni Aling Usga at kasabay nito, naubos na ang pasensya niya. "Magnus, luto na yung sinaing ko! Hay naku, dali pumasok ka na! Sampung taon ka na dyan!"
Nang makita ni Aling Usga na si Ginoong Tino ay pumasok sandali ng bahay, dali dali siyang lumabas para makitapon.
"Hoy! Naririnig kita! Alam kong nakikitapon ka na naman! Naririnig ko iyung ginagawa mo!" sigaw ni Ginoong Tino habang kinukuha ang dustpan sa loob ng kanyang bakuran. "Ayan na ako! Hintayin mo ako! Titikitan kita!"
Paglabas ni Ginoong Tino, wala siyang inabutan sa kalye. Natanaw niya na may nagsara ng gate ng mga Usga. Paglingon niya, may dalawang bagong supot ng basura sa tabi ng basurahan niyang hindi naman puno.
Namulsa si Ginoong Tino at nangangaykay na sinulatan ang takip ng booklet ng violation, "Pa-milyang Usga!" bago lumakad ito papunta sa harap ng bahay ng mga Usga. "Akala ninyo makalulusot kayo? Heto! Isang booklet ng ticket ang sa inyo!" Pilit na isiniksik ni Ginoong Tino ang booklet sa siit ng mailbox ng mga Usga.
Itinapon ni Ginoong Tino ang dalawang supot na asul sa basurahan; winalis ang kalye; maayos na isinupot ang natapong basura; at, gigil na gigil na kumuha ng hose para linisin ang malagkit na kalye.
Mula pa noong bagong taon, e, August na, siya ay naglilinis ng mga plastic na dilaw na tuwing umaga na lang ay nakapaidpid sa harap ng basurahan niyang wala namang laman. "Magsisiyam na buwan na akong may kalbaryo dahil sa mga supot na dilaw mo! Kapag nahuli kita, hindi lang ticket ang aabutin mo! Bastos!"
Napalingon si Ginoong Tino sa bahay ni Darren nang marinig ang sipol nito.
Si Darren ay naka-earphone at relax na relax na lumabas ng gate niya. Wala siyang napansin maliban sa music at baso ng kikiam na hawak niya. Isinumpak niya ang huling kikiam, pinipi ang baso, at ibinalibag ito para ma-shoot sa basurahan ni Ginoong Tino. "Three points for Demayos- ay!"
YOU ARE READING
Ay! Parang Tanga! (w/ podcast)
Short StoryAno ang "Parang Tanga?" Iyon bang may pumitik ng kulangot na pagkalaki-laki tapos tumapal sa talukap ng mata mo. Iyon bang nagshu-shoot ka ng piping baso ng pinagkikiaman sa basurahan ng masungit mong titser, kaso humarang iyung ulo niya. May podcas...