Jared Cruz
Quadrangle, Back Stage
July 22, 2002Okay. Ito na 'yon. Buwan ng Nutrisyon. Lusog-Kantahan. Bawat section may representative pero walang representative ang section namin. Sa last minute, magbibigay raw si Ma'am Salvacion–ang adviser namin, ng +2 sa first grading, manalo o matalo. Ayos. Palakol ako sa subject nya at kung makukuha ko yung +2 na yon, pwede na ako maghayahay, umabsent-absent kaunti at maglaro ng games. Evil laugh.
Napapaling ako ng tingin kay Lui. Lumalantak sya ng iskrambol.
"'Oy," irita kong turo sa kinakain nya. "Ano yan?"
"Iskrambol. Madalas to ilako dyan sa likod ng school, yelo, gatas at kaunting chocolate–"
"Bwisit ka. Alam ko kung ano yan. Ang ibig sabihin ko, bakit ka kumakain, e malapit na tayong tawagin? Baka makaapekto sa boses mo yan! Kinabisado mo na ba yung lyrics ng ginawa kong kanta? Nasaan na yung papel?"
Sumimangot sya. "Kaya nga ako kumakain, stress eating to! Kinakabahan ako. Tsaka, alam mo namang di ako kumakanta. Bakit ba kasi pinilit-pilit mo pa ako sumali rito?"
Inakbayan ko sya. "Kailangan ko ng kasama! Ayaw mo non, +2 tayo!"
"E, kinakabahan nga ako, di naman ako kumakanta, e."
"Ooookay lang yan, kaya nga may kodigo ka, e. San mo ba nilagay?"
Nilaklak nya yung iskrambol.
"Nakikinig ka ba sakin?! Tigilan mo na yan, kumain ka na nga binatog kanina!" gigil kong sabi.
"Ayoko!"
"Grr!"
Nag-agawan kami sa iskrambol.
"Section 16? Jared Cruz, Luisito Tungay? Tungay?"
Biglang kumabog yung dibdib ko. "Tayo na yon!" Itinaas ko ang kamay ko para makita ng mga student organizer. "Kami yun!"
Lumapit kami ni Lui sa dalawang babaeng estudyante na tumawag sa amin. Sandali akong natigilan nang masilayan ko ang isa sa kanila. Ngayon ko lang sya nakita. Malamang transferee sya.
"Hello?" Bati nya na nagpabalik sa lumilipad kong diwa.
"Jared Cruz," alok ko sa kamay ko habang tulalang nakatitig sa kanya.
Bigla akong kinamayan ng kasama nyang butanding. "Teresa. Student Organizer kami. Kayo na ang next na kakanta. Jared, at ikaw malamang si Luisito Sungay?"
"Tungay," simangot ni Lui habang nakasapo sa kanyang tiyan.
"Proceed na kayo don sa kanan, kayo na ang next," malambing na boses ng maganda nyang kasama bago sila naglakad palayo.
Sinundan ko lang sila ng tingin.
Siniko ako ni Lui. "Jared, di ko pa kabisado yung lyrics!"
Biglang bumalik ang diwa ko. Inirapan ko sya. "Kain ka kasi nang kain! San na yung papel?"
"—Section 16! Jared Cruz at Luisito Tungay!"
Palakpakan.
"Tayo na!"
Narinig ko ang ilang mga nakakabwiset na sigaw mula sa ilang mga estudyante, pero di na bago sakin to.
"Payat!"
"Wooo, kala ko ba Buwan ng Nutrisyon! Bakit may mal-nutrisyon?"
"Quiet, everyone," malumanay na saway ng host.
Naglakad kami ni Lui sa gitna ng entablado.
Dito na ako kinabahan. Nagkamali ba ako ng desisyon? Hala. Bakit nanginginig ang mga kamay ko. Sasablay rin ba ito? Hindi, kailangan kong ipakita sa kanila na may talent kami.
BINABASA MO ANG
Game Zoned (2023) Romcom
Short StoryHindi alam ni Alyson na ang now hunky-handsome boss nya pala ang lalaking binasted nya noong high school.