UNA - Ang Iniwan

23 1 0
                                    

"Mahal kita." ang mga salitang binabanggit niya tuwing magkasama kami, at kahit paulit-ulit ko na iyang napapakinggan mula sa kanya, hindi ako nagsasawa.

Ganun nga yata kapag mahal mo ang isang tao. Hinding hindi ka dapat nagsasawa sa kanya, kasi kapag tunay mo siyang minamahal, ang pagsasawa ay kahit kailan 'di mo magagawa sa kanya.

Nagsimula kami sa pagiging magkaibigan. Classmate kami mula sa Grade seven hanggang sa umabot na kami ng Senior year.

Hindi kami ganoong magkalapit sa isa't isa. Ang trato namin sa isa't isa ay yung kadalasang makikita mo lang sa mga magkaklase.

"Ano ba... late na sila sa usapan ah?"

Iyan ang mga salita kung bakit kami nagkalapit sa isa't isa. May group project kami nun, at siya ang leader.

Naisipan niyang sa weekends at sa classroom lang namin gawin ang proyekto namin, nang sa gayon payagan ang ibang kagrupo namin na dumalo sa paggawa ng proyektong ito.

"Huminahon ka lang. Dadating din ang mga 'yun. May lakad ka ba?" tanong ko sa kanya. Nakaupo lang ako sa arm chair sa mga oras na iyon, at siya naman ay nakatayo sa gilid ng pintuan habang salitan ang pagtingin niya sa kanyang relos at sa paligid ng aming paaralan.

"Wala. Naiinis lang ako kasi hindi pa rin sila marunong sumunod sa tamang oras. Hindi yata pumapasok sa utak nila na malapit na silang maggraduate." wika niya habang pinipitik ang daliri sa pinto na parang sinusundan niya ang tunog ng orasan sa classroom namin.

Napangiti naman ako dahil sa pagiging seryoso niya sa mga ganitong bagay.

Bilib nga ako sa kanya kasi hindi siya nakilala sa angkin niyang kagwapohan--pero hindi naman siya kasing gwapo gaya ng mga artista o modelo--nakilala siya dahil sa katalinohan niya. At bawat patimpalak na kanyang sinasalihan, napapanalonan niya.

Sa mga oras ngang iyon, naisip ko na siguro dahil sa seryoso siyang tao, seryoso rin siya sa isang relasyon, kaya nga siguro narinig kong labis siyang naapektuhan noong iniwan siya ng kanyang kasintahan.

"Mabuti ka pa..." natigilan ako sa pag-iisip nang bigla siyang nagsalita at tumingin sa akin, "...sumusunod ka talaga sa usapan. Salamat." nginitian niya ako at naglakad siya tapos naupo sa mesa ng guro.

Huminga siya ng malalim, at pumikit. Tinitigan ko naman siya at pinagmasdan ang kanyang kaanyoan.

Nakasalamin siya, maputi, matangkad, normal ang pangangatawan, at maayos pumorma. May ilang tigyawat siyang sa mukha--isang katangian na normal lang naman sa mga kabataan--mapuputi ang kanyang ngipin, mapupula ang kanyang labi, katamtaman lang ang tangos ng kanyang ilong, at matang nakakalunod kapag tinititigan.

Nang idinilat niya ang kanyang mga mata, iyon na rin ang naging hudyat na dapat ko ilayo ang aking mga mata mula sa pagkakatitig sa kanya.

Tinitigan naman niya ako at nginitian ulit, "siguro nga kaya hindi ka tinatantanan na diskartehan ni Mikael kasi maganda ka at mabait. Bakit pala hindi mo pa siya sinasagot?" tanong niya.

Napatawa naman ako ng mahina sa tanong niyang iyon.

"Kasi po, hindi niya ako nililigawan. Playboy kaya 'yun, at kahit na matalino... o gwapo siya, hindi ko siya sasagotin."

"Bakit naman?" naiintriga niyang tanong.

May manliligaw kasi ako na sabihin na nating sikat sa paaralan namin. Isang gwapo, matalino pero antipatikong lalaki. Siya ang kadalasang nagugustuhan ng mga kababaehan dito, pero hindi ako yung tipo na nasisilaw sa kagwapohan.

"Bakit? ... kasi hindi ko siya mahal? Ang panget lang kasi pakinggan na ginawa kong kasintahan ang isang taong 'di ko naman napupusoan."

Natahimik naman siya sa sinagot ko. Napatingin siya sa labas ng pinto ng classroom at huminga ng malalim, "sana pala iyan ang ginawa ni Sarah noong pumayag siya na maging girlfriend ko siya. Ang tanga ko lang kasi, 'di ko man lang napansin na ginamit niya lang ako para tumaas ang grades niya."

Tumayo naman ako mula sa pagkakaupo ko at tinabihan siya sa lugar kung saan siya nakaupo.

"Ganyan kasi kapag nagmamahal. Nakakalimotan at hindi mo napapansin ang ilang bagay, kasi ang tibok lang ng puso mo ang napapansin mo."

"Hugot lang?"

Pinalo ko naman siya ng mahina sa balikat, "ito naman. Nagsiseryoso na nga ako di'ba?"

Hindi lang siya umimik kaya napili ko na lang na manahimik.

1:30 pm na. Tahimik ang paligid. Tanging mga naggagalawang dahon, huni ng ibon, tunog ng orasan, at ang bawat paghinga lang namin ang naririnig ko.

Nabigla naman ako nang bigla siyang tumayo at tinitigan ulit ako. "Paano kung sasabihin kong liligawan kita... papayag ka ba?"

Nanlaki ang mata ko at kumabog ng malakas ang puso ko dahil sa sinabi niya.

"T-Talaga?" kinakabahan kong tanong.

Nginitian naman niya ako sabay kamot sa ulo niya at tumango, "Pwede ba?"

At sa tanong na iyon, nagsimula ang kwento ng pag-iibigan namin... na nauwi din naman sa wala.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 12, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

WASAK ChroniclesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon