Pag-iral

40 18 47
                                    

Nakahahapo ngunit nakamamanghang nakakaadik din ang halimuyak ng mga librong sumalubong sa akin sa bukana ng pintuan ng club room. Wala pang tao kaya sinulit ko na ang pagtingin sa loob habang hinihintay ang mga ka-myembro ko para sa isang maliit na pagpupulong.

Puno ang tatlong magkakahanay na makikitid na istante ng aklat na nakapuwesto sa kanang bahagi ng kuwarto. Gustuhin ko mang tumingin ng isa o iilan ay minabuti ko na munang magtimpi.  Lumapit na lang ako sa mahabang lamesa na nasa gitna, na siguro'y sapat para sa sampung katao. Umupo ako doon nang maayos, hindi nangungrus ng binti o nanghahalukipkip. Saglit akong tumingin sa relo. Napaaga pala talaga ako ng limang minuto.

Nilibot ko na lang muli ang aking paningin para patayin ang oras. Sa kaliwang pader ng silid ay nakasandal ang mukhang antigong mga mesang kabinet. Maayos na nakalagay dito ang ibang mga librong marahil ay hindi na nagkasya sa mga istante. May iilan ring panulat na nakalagay doon sa isang kulay itim na baso.

Nahinuha kong mahilig rin silang magkape dahil sa nag-iisang maliit na mesang malapit naman sa bintana kung saan nakaupo ang isang thermos katabi ang mga nakataob na iba't ibang mga tasa sa bandeha, at dalawang garapon. 

Presko rin sa paningin ang tanawin sa labas ng bintana. Bumabati agad ang mga malalabong at mababangong bulaklak ng yellow bell na nakapirme sa 'di kalayuan.

Napangiti ako nang hindi ko namamalayan sa pag-iisip na magiging madalas na ang pamamalagi ko rito. Kinakabahan man ay sobrang tuwa at pananabik pa rin ang bumubukal sa loob ko.

Bagong salta pa lamang kasi ako sa writing club na ito. Hilig ko ang pagbabasa at pagsusulat kaya walang pag-aalinlangan akong sumali rito. Pangarap ko rin na maging isang magaling na manunulat at magandang daan ito para mas lalong mahasa ang aking pagsulat.

Mayamaya pa'y nakarinig ako ng mga nangungusap na taong papalapit sa silid gawa na rin na nakalimutan kong isara ang pinto. Saka sabay-sabay na nagsilitawan ang mga hinihintay ko.

"Oh, Genie! Ang aga mo naman," pabirong bati sa akin ng isang lalaking may pagka-chubby ang pangangatawan; siya si Kuya Samuel, ang presidente ng club namin.

Isang maliit na tawanan ang sumunod sa kanyang sinabi. Ginatungan naman ito ng isa pang lalaking may suot na salamin sa mata: si Kuya Nikko, ang bise presidente ng club.

"Syempre! Gano'n talaga. Nagpapa-good shot sa'tin. 'Di ba?" Bumaling siya sa akin at tila kinukumbinsi akong sumang-ayon sa kanyang tinuran. Sa halip, sinagot ko na lamang siya ng isang maliit na tawa.

"Oh siya, siya. Magsimula na tayo at nang matapos na ito," ani Ate Katy sabay ngiti sa akin. Siya naman ang sekretarya ng club at ang pinakamalapit sa'kin dito.

Una ko siyang nakilala sa isang patimpalak na idinaos sa isang sikat na online writing site noong mga panahong nasa hayskul pa ako. Nagkataon na pareho kaming nasa iisang siyudad at sumakto pang ang napili kong kolehiyo ay siyang kasalukuyan niyang pinapasukan. Naging katulong ko siya sa paghasa ng aking kakayahan sa larangan ng pagsusulat.

Nagsimula na ang aming pulong nang makaupo ang lahat. Naging sentro ng usapan ang pagpapakilala sa dalawang bagong myembro ng club: ako at si Jessa.

Masigla ang aura ni Jessa at makikinita ang pagiging positibo niya sa kanyang mga kilos.

Inilantad rin ang mga aktibidades na ginagawa sa club partikular ang writing workshop na ginaganap linggo-linggo tuwing Miyerkules ng hapon. Ipinaliwanag rin ang mga toka ng bawat myembro sa paglilinis at pag-aayos ng club.

Matapos ang pormal na pagpupulong ay nauwi na sa kuwentuhan ang lahat.

Mabilis naman akong naging malapit sa kanila lalo na sa kasama kong bagong salta. Masayang kasama si Jessa. Dadalhin at dadalhin niya ang kondisyon ng usapan hanggang sa maramdaman mo ang magaan niyang pakikisama.

TipakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon