Gaano Kahalaga?

89 19 35
                                    

Ilang taon na nga ba akong nabubuhay? Napaisip ako sandali. Napagtanto ko na hindi ko na rin pala maalala.

Hindi ko napigilan ang matawa lalo na nang tingnan ko ang aking sarili.

Walang ano-ano'y nanumbalik sa akin ang isang pangyayaring hindi ko inasahang maganap sa buhay ko.

Sadyang nakatambay lang ako sa isang tindahan kasama ang iba pang tulad ko rin, naghihintay ng mga taong darating at umaasang kanilang kukupkupin. Hanggang sa dumating ang isang magandang babae. Mahaba ang kanyang itim na buhok na malinis na nakatali sa isang bungkos. May suot siyang salamin sa mata at mayroon siyang maliliit na bakal sa ngipin. Nakabihis siya sa puting polo blouse na may itim na vertical stripes at tumerno ito sa kanyang jeans at itim na doll shoes.

Maamo ang kanyang hitsura na hindi. Mukha kasi siyang mataray pero mabait.

Noong araw na iyon, siya ang nag-iisang pumili sa akin at inampon ako.

Magkatabi kami sa loob ng sasakyan niya. Nasa driver's seat siya at nasa passenger seat naman ako. Hindi magkamayaw ang damdamin ko sa sobrang saya. Ito na 'yon. Ito na 'yong hinihintay ko matagal na. Ang magkaroon ng sariling pamilya. Ang maramdaman kung paano alagaan, kung paano ingatan.

Sa pagtira ko sa kanyang bahay na naging bahay ko na rin, nasubaybayan ko ang kanyang buhay. Kasama niya ang kanyang mga magulang na kahit may edad na ay malalakas pa rin. Napag-alaman kong isa pala siyang guro sa elementarya. Kaya pala ganoon na lamang ang suot niya noong una ko siyang makita.

Araw-araw niya akong pinapainom ng tubig. Hindi niya kinakalimutan iyon. Natutuwa ako sa concern na binibigay niya sa akin. Hindi ko rin naman kasi inasahan na mapabilang ako sa pamilyang ito. Iyon bang maalaga at mapagmalasakit.

Habang tumatagal ang pananatili ko dito kasama siya, marami akong natutunang bago.

Na dapat ang lahat ng bagay, pinapahalagahan. Maliit man ito o malaki. Maganda man ito o pangit. Kahit na hindi ito permanente dito sa mundo. Dahil ang isang bagay, nabubuo dahil sa isang layon.

Hanggang sa isang araw, isinama niya ako sa pinagtuturuan niyang paaralan. Napakalaki nito kahit hindi ko man personal na naikot. Napakapresko ng hangin na humahaplos sa aking katawan. Medyo malakas ang ingay na dulot ng mga mag-aaral dahil hindi pa nagsisimula ang mga klase. Mayroong iba na naghahabulan kahit na alas-syete pa lamang ng umaga. Mayroon din namang mga nagwawalis-walis sa labas. At halos ang iba ay nasa loob na ng kani-kanilang mga klase.

Pumasok kami sa isang silid-aralan at humina ang ingay sa loob noon. Nakita ko ang magagandang mukha ng iba't-ibang mag-aaral, lalaki man o babae, na nasa ikalimang baitang na. Pero wala namang pumansin sa akin. Pero ayos lang din iyon. Ang mahalaga, nagagalak ako sa mga bagong nakikita ko.

Tulad nang una kong makita ang babaeng kumupkop sa akin, may pagkastrikto pala talaga siya sa pagtuturo at mataimtim namang nakikinig ang lahat sa kanya. Talaga palang may disiplina siya sa sarili at nagawa niyang maibahagi iyon sa iba. Lalo akong humahanga sa kanya.

Pero hindi rin nawawala ang biruan sa kanyang klase. Oo nga naman at maiinip ang mga estudyante niya kung puro seryoso lagi ang pinag-uusapan. Naniniwala kasi siya na may limitasyon ang bawat bagay, bawat salita, bawat gawa.

Panandalian niya akong iniwan sa klaseng iyon dahil mukhang lumilipat ng kwarto ang mga guro sa bawat asignaturang kinukuha ng mga bata.

Nakatumbok lang ang aking atensyon sa mga mag-aaral. May iba sa kanila na nagbubulungan, may ilan na rin na mukhang natutulog. Napakagaling magtago ng mga batang ito. May namataan rin akong papel na pinagpapasa-pasahan nila sa tuwing nakatalikod ang guro at nagsusulat sa pisara na kanilang pag-aaralan. Pero syempre, mayroon ding mga bata na determinadong matuto dahil tutok na tutok sa sinasabi ng guro at abala sa pag-intindi ng mga tinuturo nito.

Saka pumasok sa isip ko, parang gusto ko ring mag-aral. Marami akong gustong matutunan. Pero ano nga bang magagawa ko kung ganito lamang ako? Pero sabi nga nila, makuntento ka kung ano ka. Maging masaya ka sa kung anong mayroon ka. 'Wag ka nang humanap ng iba pa kasi ang hindi mo alam, minsan, iyong nasa harap mo, iyon na pala ang pinakatuktok ng buhay mo.

Dumating ang tanghalian at hindi pa rin siya bumabalik. Masaya akong nakaupo sa ibabaw ng kanyang mesa at patuloy pa rin na pinagmamasdan ang mga mag-aaral sa klaseng ito. Ang iba sa kanila ay nananghalian na, ang iba nama'y nagkukuwentuhan, mayroon ding mga natutulog o nagpapahinga, may nagsusulat at nagbabasa, at ang iba pa ay naglalaro ng kung anu-ano. Pero nangingibabaw ang ingay ng mga naghahabulan sa loob ng kwarto. Nakakatuwang pagmasdan ang mga masasayang mukha nila. Halatang aliw na aliw sila sa kanilang ginagawa.

Pero sa mga oras na iyon, doon din muli nagbago ang takbo ng buhay ko.

"Hala kayo! Anong ginawa n'yo?"

"Uy! Hindi ako 'yon, a."

"'Pag 'yan nakita ni Ma'am, lagot kayo."

"Siya kaya 'yong nakatama."

"Hinahabol mo kasi ako tangek!"

"'Wag na nga kayong magsisihan. Ayusin n'yo na lang 'yan bago dumating si Ma'am."

"Uy! Sinong may tape sa inyo?"

Hindi ko alam kung anong dapat na maramdaman ko. Dapat ba akong magalit sa ginawa nila? Pero ano namang karapatan ko? At kung mayroon nga akong karapatan, paano ko naman mapaaabot sa kanila iyon?

Mag-aala-una na ng hapon at malapit nang magsimulang muli ang klase. Dumating na rin siya. Napakatahimik ng lahat. Medyo nagtagal bago niya napansin ang nangyari sa 'kin.

"Anong nangyari dito?"

Tahimik pa rin silang lahat. Nalulungkot ako dahil walang naglalakas-loob sa kanila na umamin. Lumigid ang mga mata niya sa harap. Naghihintay pa rin siya ng sagot sa kanila. Alam ko, hinahabaan niya pa ang pasensya niya.

"Naglalaro po kasi sila dito."

Sa wakas, may nagsalita na rin; nasa harap siya at nakaupo sa tapat mismo kung nasaan ako nakapuwesto: ang teacher's table.

"Bakit kayo naglalaro dito?"

Nararamdaman ko nang hindi na siya makapagtimpi dahil tumataas na ang tono ng kanyang boses. Tahimik pa rin ang buong kwarto.

"Anong kasalanan ng vase na 'yan sa inyo?" Mauulinigan sa boses niya ang panggigigil. "Nandiyan lang 'yan, walang ginagawa sa inyong masama, tapos kayo, ano? Hindi ginawa ang classroom na 'to para gawin n'yong playground!"

Tumingin siya sa'kin. Nakasalamin sa kanyang mata ang halo-halong inis, galit, awa, at sakit. Hanggang sa kinuha niya na ako at buong pwersang ibinato sa sahig. Tuluyan na akong nasira. Nagkapira-piraso. Hindi ko man nakita ang mga reaksyon ng mga bata pero siguradong nabigla silang lahat. Napakalakas ng kalansing na aking dinulot. Gustuhin ko mang umiyak pero hindi ko kayang gawin. Siguro naisip niya, hindi na ako maibabalik sa dati. Kahit na pinagdikit-dikit ng mga batang iyon ang katawan ko gamit ang adhesive tape, hindi pa rin ako buo. Naiintindihan ko siya. Siya na nag-alaga sa 'kin. Siya na nagbigay halaga sa 'kin.

Nagkaroon ako ng halaga sa mundo simula nang likhain ako ng isang manlililok, at nagtuloy na tumira sa tindahan para hintayin kung sino ang maaaring gumamit at makinabang sa akin. Lalong naging makabuluhan ang buhay ko nang bilhin niya ako. Nabigyan ko ng lulan ang magaganda at mababangong bulaklak na madalas niyang binibili. At sa tuwing nakikita niya ang mga bulaklak na 'yon, napapangiti siya. Hindi ko tuloy maiwasan na makaramdam din ng saya dahil may pakinabang ako sa mga ngiti niyang 'yon.

Hanggang sa pinakahuli kong misyon, ako ang naging instrumento niya para turuan ang mga batang iyon-ng asal, ng disiplina, at ng pagmamalasakit at pagbibigay halaga sa iba't-ibang mga bagay.

TipakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon