Isang babaeng kolehiyala ang huling bumaba mula sa bus ng Victory Liner. Bitbit ang isang travel bag liban pa sa maliit na backpack na nakasukbit sa isa niyang balikat, kanyang inilibot ang paningin sa paligid.
Dinig niya ang halo-halong ingay na nagmumula sa mga taong kasabayan maging sa mga sasakyang dumadaan sa kahabaan ng Rizal Ave. Extension. Sandali niyang ipinahinga ang titig sa iilang mga tao, animo'y sinusuri ang bawat isa sa mga ito.
Walang nakakaalam kung hanggang saan itataas ang pagkasakim ng mga tao. Marami silang mga hiling na hindi naman talaga nila kailangan. Marami silang kagustuhan sa buhay. Madalas ay iyong imposible pa ang ninanais nilang matamasa. Nagagawa nila ang mga iyon marahil siguro sa kanilang sitwayon. O sa mga tao. O sa kanilang sariling mga emosyon.
Hindi maubos ang mga palaisipang gumugulo sa isip ni Bon habang naglalakad sa gitna ng dagat na mga tao sa loob ng Victory Mall. Patungo siya sa terminal ng dyip na may rutang papunta sa Malabon.
Hindi ako naiiba sa mga tao. Naghangad ako ng mga bagay na babago sa mga nangyari sa buhay ko. Marami akong pinagsisisihan. Lalo na sa parte ng buhay pag-aaral ko. Madalas kong isipin na kung sana, pinagbutihan ko pa ang pag-aaral ko, na kung sana hindi ako tinamad na magbasa ng mga libro, marahil tapos na ako ngayon tulad ng mga dating kaklase kong ngayo'y may sari-sarili ng trabaho. Marahil isa akong college scholar at hindi malayong nakakuha ako ng latin honor.
Isang tipid at dismayadong ngiti ang kumawala sa kanyang mga labi habang hinihintay umusad ang pila ng dyip pa-Malabon.
Sandali siyang tumingin sa kanyang orasan. Alas-singko na ng hapon. Inabot siya ng tatlong oras sa buong biyahe gayong isang oras at kalahati lang ang normal na haba ng biyahe mula sa kanilang probinsya.
Isang biglaang aksidente sa NLEX ang naging dahilan nito. Kinaladkad ng isang malaking trak ang isang vintage na Chevrolet. Hindi man lang niya ikinabahalang makita na ipinapasok sa ambulansya ang dalawang taong sakay ng magarang sasakyan.
Kung sabagay, sanay na siyang makakita ng mga ganoong klaseng pangyayari. Hindi na bago sa kanya ang makakita ng taong namamatay sa bawat araw na lumilipas. Sapagkat siya mismo, araw-araw na namamatay. Araw-araw niyang nalalaman kung paano siya mamamatay. Sa pagmulat pa lang ng kanyang mga mata, ang oras, lugar, at kung paano siya babawian ng buhay ang siyang nakatatak na sa kanyang isipan.
Nakakatakot na pangitain para sa isang tao ngunit para kay Bon ay isa na lamang itong normal na parte ng kanyang pamumuhay. Maglilimang buwan na niyang nararanasan ang ganitong katayuan, magsimula noong araw ng kanyang kaarawan.
Mula sa isang cake patungo sa isang kandila, isang hiling ang kanyang idinalangin. Iyon ay ang makita ang kanyang hinaharap.
Mga dahilang gustong malaman kung ano ang magiging lagay ng panahon. Mga dahilang gustong makita kung ano ang kalalabasan ng mga tanong at sagot sa mga eksamen. Mga dahilang gustong makuha ang magiging resulta ng lotto. Mga dahilang gustong gawing perpekto ang buhay. Isang hiling na nagkatotoo ngunit hindi ayon sa kanyang gusto.
Pumuwesto si Bon sa upuang malapit sa bukana ng dyip. Swerteng mabilis naman itong napuno.
"Bayad ho! Isang Acacia."
Agad namang pinagpasa-pasahan ng mga pasahero ang kanyang saktong bayad patungo sa kinaroroonan ng tsuper. Maya-maya lang ay nagsimula na silang umusad. Kasabay niyon ay ang pagtingin ni Bon sa malayo habang siya'y tinatangay ng sariling mga ideya sa malalim na parte ng kanyang isip, inaalala ang mga nakaimprintang senaryo ng kanyang mga naging kamatayan.
Madali para sa kanyang iwasan ang mga iyon. Kinailangan lang niyang palipasin ang nakatakdang oras at iwasan ang lugar ng pangyayarihan.
Subalit kakaiba ang pangitaing bumulaga sa kanyang paggising kanina na siya namang kinababagabag ng kanyang kalooban.
Walang oras.
Walang lugar.
Ngunit tiyak kung sino ang taong kikitil sa kanyang buhay. Kanyang tiningnan ang sariling repleksyon sa screen ng kanyang cellphone.
Tama nga bang iniwasan ko ang sarili kong kapalaran? Hindi ba't binigay sa'kin ang swerteng ito para maingatan ang sarili ko? Pero bakit sinasabi sa'kin na ako mismo ang tatapos sa buhay na 'to?
Pagkalito ang umiral sa kalooban ni Bon. Pakiramdam niya'y tuluyan nang naging sumpa ang kakaibang kakayahan niyang iyon.
Isa-isa niyang pinagmasdan ang mukha ng mga kasama niyang pasahero, pilit binabasa ang mga buhay sa likod ng mga katauhang nakikita ng kanyang mga mata. Nagbabaka-sakaling naroon ang sagot na hinahanap niya.
Anong klaseng hiling kaya ang mga hiningi nila? Sa akin lang ba nangyayari ang mga ito?
Mariing napapikit si Bon kasabay ng kanyang pagyuko. Hindi biro ang kabang lumulukso-lukso sa kanyang dibdib. Habang tumatagal ay hindi siya mapakali dahilan ng napipinto niyang paglisan sa mundo. Hindi niya mawari kung bakit ganoon na lang ang kinalabasan ng mga pangyayari, na parang ipinasok siya sa loob ng isang bugtong.
Hanggang sa mapabalikwas siya ng upo ngunit sabay na napasandig paharap nang pumreno ang sinasakyang dyip. Dumoble ang kanyang nerbiyos nang dahil doon at mabilis na kinuhang muli ang nawalang balanse. Pagkatapos ay idineretso niya ang tingin sa may pwesto ng drayber.
"Acacia! Meron ho bang Acacia diyan?"
Sandali pang natigilan si Bon, tila hinihintay na rumehistro ang lahat sa kanya. Nang makarating sa kanyang ulirat ang mga bulong na reklamo ng mga pasahero ay nauutal na sumagot siya ng "opo".
Nang mahimasmasan ay agad rin siyang bumaba at nagtungo sa may tapat ng panaderya sa kanto, katabi ng terminal ng mga traysikel.
Dahil sa pagkamangha, hindi niya naialis ang mga titig sa dyip na pinagbabaan niya hanggang sa mawala ito.
Buhay ako! Buhay pa 'ko!
Masayang sigaw ng kanyang damdamin. Ngunit nanumbalik rin agad ang kanyang pangamba dahil hindi pa tapos ang araw at wala pa siya sa kanyang huling destinasyon. Siguro'y kulang sa tatlong kilometro pa ang layo ng tinitirhan niyang apartment.
Muli siyang napaisip, ginagalugad ang mga posibleng dahilan kung bakit siya ang tatapos sa sariling buhay. Subalit sa pinakahuli, balintuna mang maituturing, tangi at tanging sa sarili niya lang makikita ang hinahanap niyang kasagutan.

BINABASA MO ANG
Tipak
Cerita PendekSa bawat hiwa ng mga salita'y kalakip ang isang silip Bahagi ng katauhan ang siyang makikita sa halip Iba't ibang dimensyong lumilipad-lipad sa isip Malimit, kung maranasan ang dibdib na sumisikip Minsan, kung nama'y naiinip Sa paraang ito...