Madalas akong tumambay dito sa Booklandia, isang reading cafe na matatagpuan sa bayan ng San Fernando sa Pampanga. Dito lang kasi makikita ang mga librong nagtataglay ng mga kakaibang istorya. 'Yung tipong mapapasabi ka na lang ng, "Ano ba 'yan? Kahit anong piliin ko, walang patapon!"
Seryoso ako doon. Dahil ang totoo, hindi pangkaraniwan ang reading cafe na ito. Normal kung sa normal pagka titingnan sa labas pero pagpasok mo sa loob, gugulatin ka na lang ng mga lumulutang na libro na parang nakalagay sa mga bookshelves na hindi nakikita ng mata.
Idagdag mo pa na ang nagbabantay dito ay nasa anyong hindi katulad ng sa mga tao. Natatakpan ng puting buhok ang buong mukha ng lalaki na tanging ang makapal na kilay, bilog na ilong at maputlang labi lang nito ang makikita, walang bakas ng kahit anong nagpapakita ng kanyang balat. Doble naman sa bilang ang mga braso't kamay nito na nababalot ng mahahabang itim na gwantes.
Sa kabila no'n, magara naman itong tingnan sa mahabang cloak nitong kulay asul at pinalalamutian ng ginto at itim. Hindi naman masagwang tingnan bagkus ay nakakamangha pa nga dahil nagmukha itong royalty na nanggaling sa Inglatera.
"Abe Estong, pwede ko bang i-extend ng dalawang araw 'tong libro? Dadalhin ko kasi 'to pabalik sa Manila at baka sa Lunes pa ang luwas ko ulit dito," pakiusap ko matapos ilapag ang libro sa kanyang counter.
"Anong araw ba ngayon?" Tiningnan niya ang petsa sa malaki kalendaryo na nakasabit sa pader sa kanyang may likuran. "Miyerkules. Aba'y wala namang problema do'n. Suki na rin naman kita dito. Basta ang importante, iingatan mo ha?"
Agad ko siyang tinanguan habang pinunch niya na ang hiniram kong libro na dapat ay tatlong araw lang pwedeng ilabas.
Mabait talaga 'tong si Abe Estong. Palagi niya akong pinagbibigyan sa mga pabor ko. Magaling din naman kasi akong mag-alaga ng libro kaya hindi masasayang ang tiwala niya sa'kin.
"Teka! Mukhang nakalimutan mo na naman ata a." Binigyan niya ako ng isang nang-uusig na tingin.
Binabawi ko na pala ang sinabi ko kanina. Pasimple akong kumatos at sinapok ang noo ko. "Ay oo nga pala! Naiwan ko na naman sa bahay 'yung bookmark ko."
"Naku, Jijing! Palagi ko na lang sinasabi sa'yo na lagi mong dadalhin ang bookmark mo. Kapag nawala mo 'yon, hindi ka na makakabalik dito panigurado," pangaral niyang muli sa'king hindi na nadala.
"Abe Estong naman. Wala namang takutan. Saka hindi mawawala do'n 'yon. Safe na safe 'yon sa drawer ko." Tumango-tango pa 'ko sabay taas-taas pa ng kilay, kinukumbinsi siyang sumang-ayon sa'kin.
Pero pinamaywangan niya lang ako habang kinakamot rin ang kanyang ulo. "At sige nga, kaya mo bang tapusin ang librong 'yan ng isang upuan lang?"
"Oo naman po. Saka hindi naman ako nagbabasa 'pag nasa biyahe. Madali lang rin namang gumawa ng sariling bookmark. Hehehe!" Kung sa mga palusot rin lang, hinding-hindi ako mauubusan.
"Ay bahala ka nang bata ka. Hala sige! Ito na ang libro mo," iniabot niya sa'kin ang supot na may disenyong tinapay kung saan nakalagay ang libro.
"Salamat Abe Estong," masiglang sabi ko habang malapad na nakangiti at saka sunod na nagpaalam na rin. "Mauna na po 'ko. Sa Lunes na lang ulit!"
"Sige! Mag-iingat ka!"
Dama kong kitang-kita ang pagkasabik sa'king mukha pagkalabas ko ng Booklandia. May bagong istorya na naman akong mababasa.
Sandaling naagaw ng isang mag-ina ang atensyon ko. Papalapit sila sa direksyon ko at mukhang papasok rin sila sa Booklandia.
"Ma, gusto ko cheese bread saka Spanish bread," rinig kong sabi ng batang lalaki sa nanay na hinihila-hila pa ang laylayan ng blouse nito.
![](https://img.wattpad.com/cover/351287642-288-k473339.jpg)
BINABASA MO ANG
Tipak
Short StorySa bawat hiwa ng mga salita'y kalakip ang isang silip Bahagi ng katauhan ang siyang makikita sa halip Iba't ibang dimensyong lumilipad-lipad sa isip Malimit, kung maranasan ang dibdib na sumisikip Minsan, kung nama'y naiinip Sa paraang ito...