Tanghaling tapat subalit nababalot ang buong kapaligiran ng kadiliman. Walang balita sa tv na nagbigay babala na may hatid na sama ang panahon.
Makikitang balisa ang mukha ni Jana at pabalik-balik siyang naglalakad sa loob ng bakanteng opisina ng kanyang boss na nakapwesto sa ikapitong palapag ng building. Bawat sampung segundo ay napapasilip siya sa labas ng pinto, tinitingnan kung mayroon mang paparating na tao.
Dahil sa takot at kaba ay halos mapudpod na ang kuko ng kanyang hinlalaki dahil sa kakakagat dito. Bumaling siya sa labas ng salaming bintana at nasaksihan ang mabagal na pagbuo ng dambuhalang whirlpool sa langit.
Hindi niya inasahan na ganito ang mangyayari. Kung alam lang niya ay mas nagpursigi pa sana siyang pigilan si Vanessa.
Labinlimang minuto ang nakaraan nang makita ni Jana ang kaibigang si Vanessa sa may lobby ng kanilang opisina patungo sa elevator. Wala siyang maisip na dahilan kung bakit ito nandoon gayong hindi naman ito doon nagtatrabaho at sa labas sila kung magkita at mag-usap. Maliban na lang sa isa. Kaya naman walang anu-ano'y sinundan niya ito.
Nagsimulang mabuo ang kaba niya sa dibdib nang makumpirma niya ang kanyang hinala. Tinawag niya ang pangalan nito pero hindi ito tumigil. Mabilis tumakbo ang kaibigan niya kaya naabutan niya na lang ito nang huminto ito sa loob ng opisina ng boss niya. Tahimik at agaran niyang isinara ang pintuan ng kuwarto.
"Ness, anong ginagawa mo dito?" natatarantang tanong ni Jana sa mahinang boses, iniiwasang may makahuli sa kanila.
"Alam mo kung bakit ako nandito," seryosong tugon ng kanyang kaibigan saka bumaling sa painting na nakasabit doon.
"Alam mong hindi maganda 'yang gagawin mo."
"At alam mo ring may dahilan kung bakit natin nalaman ang tungkol dito." Muling tiningnan ni Vanessa si Jana. "Maliligtas na natin si Benj."
Muntik nang bumigay si Jana sa pangungumbinsi ng kaibigan. Nakasalamin ang desperasyon sa mga mata nito. Pareho lang naman silang nahihirapan dahil ang matalik nilang kaibigang si Benjamin ay kasalukuyang nakahimlay sa ospital dahil sa isang aksidente. Brain dead ang diagnosis ng doctor dito pero hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga kamag-anak ng binata. Gayundin naman silang dalawa ni Vanessa.
Higit sa lahat, naiintindihan ni Jana si Vanessa dahil may pagtingin ito kay Benjamin. Pero labas na sa usapan nila ang sumugal sa isang bagay na gawa-gawa lamang at wala namang kasiguraduhan.
Isa kasing mananaliksik si Vanessa. Sentro ng mga pag-aaral nito ang mga alamat na umusbong noong panahon ng Mediebal. Madalas nitong maibahagi kay Jana ang mga nadidiskubre. Kaya nang sabihin niya dito na may isang replica ng painting ni Prester John sa opisina ng boss niya ay nabuhayan ito ng loob para sa lagay ng lalaking minamahal.
Hindi naman akalain ni Jana na nagpapaniwala pala ito sa mga alamat. O maaaring dala rin ito ng trabaho ng kanyang kaibigan.
Kaya kahit na hindi mapakali ay hinayaan niya lang na gawin ang naisin nito dahil tiwala siya na walang saysay ang gustong mangyari ni Vanessa. Subalit sa pagbigkas lang nito sa iilang hindi naiintindihan na salita ay unti-unting nagliwanag ang painting na nakasabit doon.
Napatunganga na lang si Jana sa kanyang kinatatayuan hanggang sa makita niyang higupin ng painting ang kaibigan niya nang ipasok nito ang isang kamay doon.
Sumunod na nanghina ang kanyang mga tuhod dahilan upang mapasalsal siya sa sahig. Pakiramdam niya'y nasa loob siya ng isang panaginip. Pero masyadong malinaw at detalyado ang nakikita niya sa paligid para masabing hindi totoo ang mga nangyari. Idagdag pang nakaramdam siya ng sakit nang kurutin niya ang kanyang braso.
Malaking misteryo sa kanya kung paano nalaman ni Vanessa ang tungkol sa mga binigkas na salita. Duda rin siya kung sa umpisa pa lang ba ay sigurado na ang kaibigan niya na uubra ang ginawa nito.
BINABASA MO ANG
Tipak
Historia CortaSa bawat hiwa ng mga salita'y kalakip ang isang silip Bahagi ng katauhan ang siyang makikita sa halip Iba't ibang dimensyong lumilipad-lipad sa isip Malimit, kung maranasan ang dibdib na sumisikip Minsan, kung nama'y naiinip Sa paraang ito...