Magkakasamang naglalakad sina Lorenzo, Virgil, at Manolo patungo sa sikretong himpilan ng kanilang grupo. Sunod na napahinto ang dalawang huli nang mapansing hindi na sumasabay sa kanilang paglalakad ang una. Nilingon nila ito at nakitang tinitingnan ang palo sa may tabi ng eskwelahan.
Sa taas niyon ay makikita ang isang banyagang bandila na malayang nililipad ng hanging hindi makahinga sa sarili nitong bayan.
"Lorenzo," bulong-tawag ni Virgil sa kanya habang masinop na nagpalinga-linga sa paligid. "Baka may makakita sa 'yo. Tayo na! Umalis na tayo."
Isa, dalawa, tatlong segundo pang tinitigan ni Lorenzo ang banyagang bandila bago sumunod sa kanyang mga kasama.
* * *
Isang maliit na abandonadong bahay na gawa sa semento at paghihinalahang pinamumugaran ng mga ligaw na espiritu kung titingnan sa labas subalit sa loob niyon ay makikita ang isang maayos at maaliwalas na lugar.
Una itong nadiskubre ni Lorenzo sa isang nadisyertong palayan, at dito niya inimbitahan ang dalawang kaibigan sa tuwing kailangan nilang magpalipas ng oras na hindi inaabala o binabantayan ng iba. Dito rin sila nagpapalitan ng mga diskurso ukol sa mga nangyayari sa komunidad lalo na at parte ng isang lihim na grupo ng mga sundalong Pilipino sina Virgil at Manolo.
Nagsiupuan ang tatlo sa palibot ng isang tabla ng mesa. May iilang mga suplay ng pagkain ang nakahapag doon partikular na ang tinapay at tubig samantalang isang maliit na gasera ang umiilaw sa madilim na kuta nilang iyon.
"Lorenzo, kung gusto mo pang mabuhay, itigil mo na 'yang pagtatanim ng sama ng loob diyan sa mga Kano," payo ni Virgil sa kanya.
"O kaya naman, kung gusto mo nang mamatay, huwag mo kaming idamay, pwede ba?" panggagatong naman nitong si Manolo habang nilamutak ang isang piraso ng saging.
Ngumisi lamang si Lorenzo sa kanila. "Tingnan mo nga naman itong dalawang matapang kong kaibigan. Salamat sa pag-aalala mga ugok."
"Sira ulo," sabay sagot naman ng dalawa na sinundan ng tawanan nilang tatlo.
Matapos ay muling sumeryoso ang atmospera sa loob ng maliit na kuta.
"Kahit kailan, hindi ako yuyuko sa mga mananakop na iyan."
"Kung ganoon naman pala, bakit ayaw mong sumali sa amin?" usisa ni Virgil.
"Wala akong balak tulungan ang mga taong papalit-palit ng sinasamba. Nag-aaksaya lang kayo ng oras at pagod. Hindi kayo kailanman mananalo hangga't may mga traydor na nakakapit sa inyong mga likod. Hindi ninyo sila nakikita at hindi ninyo alam, tinutulak na nila kayo sa bangin ng kamatayan."
"Ano bang pinaglalaban mo, Lorenzo? Natural lang na ipagtanggol ng isang Pilipino ang hirang niyang Pilipinas."
Hindi naiwasang matawa ni Lorenzo sa tinuran ni Manolo. "Anong silbi ng pagtatanggol ng isang tao sa kanyang bansa kung ang kapwa niya mismo ang tumatakwil dito? May kapangyarihan tayo. Pero ang kapangyarihan natin, sa masamang balita, ay yumayakap sa mga dayuhan na iyon. Sila na dapat na magtanggol sa atin ay siyang una nating naging kalaban."
Natahimik ang dalawa. May punto si Lorenzo at tingin nila'y malabo nilang mahikayat ang kaibigan sa ngayon.
"Maalala ko pala. Sabi-sabi sa bayan, nakabalik na sina Barbara kaninang umaga. Hoy, Manolo. Tigilan mo nga kakasipa sa paa ko," basag ni Virgil sa katahimikan.
"Talaga?" Kakaiba ang pagliwanag ng mukha ni Lorenzo.
Ano pa nga ba't si Barbara ang nag-iisang tinitibok ng kanyang puso. Anak ng isang maharlika at may kapit sa may kapangyarihan.

BINABASA MO ANG
Tipak
Kısa HikayeSa bawat hiwa ng mga salita'y kalakip ang isang silip Bahagi ng katauhan ang siyang makikita sa halip Iba't ibang dimensyong lumilipad-lipad sa isip Malimit, kung maranasan ang dibdib na sumisikip Minsan, kung nama'y naiinip Sa paraang ito...