"Totoo Kuya! Nakita ko talaga," saad ng maliit na boses ng batang babae.
"Ano ka ba Violet? Hindi totoo ang mga legendary pokemon. Hindi sila nag-eexist. Kita mo nga. Wala pa kahit sino ang nakakahuli ng isa. Kaya 'wag ka nang makulit, okay?" mahinahong pagpapaliwanag ni Blue sa boses na malayo pa sa pagbibinata habang nakahawak sa mga balikat ng kanyang kapatid.
"Pewo Kuya!"
Matagal na tinitigan ni Blue ang nakanguso niyang kapatid. Hanggang dibdib lang niya ang tindig nito habang maikukumpara naman ang kanya sa taas ng dalawang katlo ng isang side-by-side na refrigerator.
Sobrang cute tingnan ng kanyang nakababatang kapatid kahit na nangingilid na ang luha nito sa mga mata. Takaw-pansin ang malalaking kulay lilang tainga ng oso sa pantaling umiipit sa buhok nito sa mataas na pigtail. Nagmukhang mataba ang maliit nitong katawan dahil sa istilo ng khaki shorts nitong parang may hangin sa loob. Habang ang pantaas nito ay humahawig sa hitsura ng isang dress.
Sa lahat pa naman din ng ayaw ni Blue ay ang makitang umiiyak ang kapatid. Mukhang hindi na naman niya ito matitiis. Paano niya tatanggihan ang tila kumikinang at nangungusap na mga mata nito?
Sandali siyang namaywang at pagkatapos ay nangamot ng ulo. Hindi man lang nagulo ang tayo-tayong buhok niya sa ginawang iyon.
Sa huli'y nakapagpasya rin siya. Matapos bumuntong-hininga ay ngumiti siya rito.
"Sige na nga."
Agad na nagliwang ang mukha ni Violet. Nagtatalon siya sa saya at pinaikutan ang kanyang kuya habang nakahawak sa saklit ng backpack niya.
Samantala, nag-iisip na si Blue kung paano tutunguhin ang kinalalagyan ng bihirang pokemon. Kagagaling lang nila sa isang pokemon center dahil nagkasakit ang alaga ni Violet na si Flupher at ipinagamot doon. Ngayon nama'y namamahinga sila sa ilalim ng isang puno sa gitna ng isang malawak na bukirin.
Luminga-linga siya sa paligid at saka tinanaw ang isang mataas na anyong lupa. Kung sa bundok ng Tayara nakita ng kanyang kapatid ang sinasabi nitong legendary pokemon, mukhang malayo-layo ang kanilang lalakbayin.
Kung bakit ba kasi marami siyang gawain kahapon kaya naman hindi niya ito nasamahan at nabantayan sa pagliliwaliw nito. Hindi na sana nila kailangang bumalik pa ngayon doon.
Kahit na may pagdududa sa mukha ni Blue, hindi rin naman iyon kayang talunin ng pagtitiwala niya sa kanyang kapatid.
Parehong mga pokemon trainer sina Blue at Violet. Aminado si Blue na kahit na mas bata sa kanya si Violet ay mas malakas ito sa kanya.
Dahil na rin siguro sa hilig ni Violet sa mga pokemon kaya lapitin ang mga ito sa kanya. Bibihira nga lang siyang gumamit ng incense at lures kaya madalas, binibigay na lang niya sa kanyang kuya ang mga nakokolekta. Mahirap lang talagang paniwalaan na pati ang isang legendary pokemon ay sisiw lang para sa kanyang palabasin.
Naisip tuloy ni Blue, kahanga-hanga at kamangha-mangha ang kakayahan ng kapatid niyang iyon. Pero wala man siyang ganoong kakayahan ay maswerte pa rin siya dahil nagagawa pa ring pumantay ng lakas niya dito.
Hindi rin naman niya kailanman inisip na mainggit dito bagkus ay lalo lang siyang nag-alala dahil paniguradong maraming mga pokemon trainer ang gustong kalabanin ang kapatid niya. Maraming beses nang nangyari iyon dahil gusto nilang nakawin ang matataas na level na pokemon na hawak nito. Para sa kanya, malakas man ito ay bata pa rin ito sa kanyang paningin na kailangan niyang protektahan.
Sa ngayon, mayroong hawak na limang pokemon si Blue na matagal-tagal niya nang ineensayo. Si Eagloo ang kauna-unahan niyang nahuli panahong Cheegle pa ito. Sa Alasas City, doon nahuli niya sina Pointesla sa isang malawak na hardin at Dizzghoul sa loob ng gubat. Pinakanahirapan siya sa pagbihag kay Rainblow dahil hindi madali ang naging paglalakbay niya noon sa Juanna lake. Samantalang si Crysterra naman ay nakita niya sa maliit na burol ng Vaygan.
![](https://img.wattpad.com/cover/351287642-288-k473339.jpg)
BINABASA MO ANG
Tipak
Historia CortaSa bawat hiwa ng mga salita'y kalakip ang isang silip Bahagi ng katauhan ang siyang makikita sa halip Iba't ibang dimensyong lumilipad-lipad sa isip Malimit, kung maranasan ang dibdib na sumisikip Minsan, kung nama'y naiinip Sa paraang ito...