KEIFER
Bitbit ang sarili, nagtungo ako sa guard house ng Beverly Heights at doon ko nakita si Kuya Damian na abala sa pagsasalansan ng mga logbook sa gilid. Huminto siya nang makita ako. Agad ding nabura ang matingkad na ngiti sa labi niya nang mapansin ang aking kalagayan.
"Anong nangyari sa 'yo?" Ramdam ko ang labis na pag-aalala sa boses niya. "Tatay mo na naman ba ang may gawa nito, Keifer?" tanong niya pa.
Hindi ako sumagot sa kaniya. Nanatili akong tikom ang bibig. Ayaw kong magsabi ng kahit anong bagay patungkol kay Tatay. Gusto ko munang alisin siya sa isip ko kahit saglit lang.
"Alam mo? Dapat sa Tatay mo ay inirereport na sa kinauukulan. Sobra-sobra na ito—"
"Isama mo na ako sa 'yo Kuya Damian." Nahinto siya nang marinig ang sinabi ko.
"Anong sinabi mo?" tanong niya kaya humarap ako sa kaniya nang tuluyan.
Tumango-tango ako. "Payag na po akong tumira kasama ka, kung p'wede pa."
Dahil doon ay umusbong ang munting ngiti sa labi niya. Hindi ito naabot ang kaniyang mga mata at kitang-kita ko kung gaano kalungkot ang ngiti na iyon pero kahit na ganoon ay nagawa ko pa ring ngumiti pabalik sa kaniya para ipakitang masaya ako.
"Hindi ako hinayaan ni Tatay na kuhanin ang mga gamit at damit ko kaya wala akong nadala kahit na ano ngayon," paliwanag ko sa kaniya.
"Pinalayas ka niya?" tanong niya sa akin.
Dahan-dahan akong tumango at saka sinabing, "May nangyari kasi sa bahay, Kuya Damian. Hindi ko gustong iwan siya mag-isa ro'n pero mukhang mas magiging masaya siya kung wala ako sa paligid niya. Noong sinabi kong aalis ako, hindi niya ako pinigilan at siya pa mismo ang nagtulak sa akin palabas. Wala na akong naiisip na lapitan kundi ikaw na lang, Kuya Damian."
Tumango-tango siya nang mayari ako magpaliwanag. Kumunot din bigla ang noo niya pagkaraan. "Nasaan ang nanay mo?"
Oo nga pala, hindi ko pa nasabi sa kaniya.
Umiling ako bilang sagot sa kaniya. "Simula noong araw na nagwala si Tatay dito, iyon din ang araw na hindi na bumalik si nanay mula sa paalam niyang may lalakarin lang. Wala na po akong ideya kung nasaan siya ngayon. Hindi niya po ako sinabihan kung saan siya pupunta. Iniwan niya na kami ni Tatay."
Saglit na natahimik si Kuya Damian, nag-iisip. Pagkaraan ay tumango-tango siya saka ako binalingan nang tingin.
"Sige. Bukas na bukas pagkayari ng duty ko ay isasama na kita sa apartment. Pahihiramin na lang muna kita ng mga damit ko dahil malayo pa ang sahod ko. Saka na lang tayo bumili ng ilang piraso ng damit kapag may pera na. Okay ba 'yon?" nakangiti niyang tanong sa akin.
Hindi ko alam kung bakit hindi ako nakasagot agad sa kaniya. Nakatitig lang ako ng ilang segundo sa maamo niyang mukha at nang maramdaman ang luhang nagbabadiyang pumatak ay tila ba may nagtulak sa akin na yakapin siya. Hinayaan ko ang mga braso na ibalot ang lalaking handang kupkupin ako kahit na hindi pa naman niya ako ganoon kalubos nak ilala. Nang mayakap siya ay tuluyan nang pumatak ang mga luha ko. Sa unang pagkakataon, umiiyak ako dahil sa saya at hindi dahil sa sobrang takot mula sa pang-aabuso ni Tatay.
Hindi ko inaakalang ang ibang tao pa ang handang kumupkop at magmalasakit sa akin. Kung sino pa ang hindi ko kadugo, sila pa ang handang magbigay ng tulong. Ganoon ba talaga ang reyalidad ng buhay ngayon?
"Kumain ka na ba?" tanong niya. Sobrang lambing ng boses niya na tila ba nag-iingat sa mga salitang kaniyang balak bitawan.
Tumango ako kahit na sa totoo lang ay hindi ko pa nauubos ang kinakain ko kanina dahil sa ginawa ni tatay. Kumakalam ang sikmura ko dahil nakakatatlong subo pa lang ako ng kanin noong pumasok siya at sinaktan ako. Wala na rin naman akong gana kumain kaya ayos lang.
BINABASA MO ANG
SEKYU 1 (BL)
General FictionAlam ni Keifer na malaki ang posibilidad niyang matalo sa laro ng pag-ibig oras na pasukin niya ang buhay ni Damian, isang sekyu sa katabi nilang subdibisiyon. Sadiyang makulit siya at hinayaan niya pa rin ang pusong mahulog ng husto sa mga ipinapak...
