"Sobrang nag-alala ako sa 'yo, alam mo ba 'yon? Kung saan-saan kita hinanap. Inabot na ko ng gabi kakatanong sa mga taong maaaring makapagturo sa akin kung nasaan ka. Tapos napadpad pa ako sa Municipal Jail dahil may nakapagsabi sa aking kaklase mo sinundo ka raw dito ng hindi nila kilalang tao dahil may problema sa tatay mo na nasa kulungan. Sino ba 'yon? Bakit wala ka sa kulungan noong pumunta ako? Alam mo nakakapagtampo ka na kasi may cellphone ka naman pero hindi mo ko naisipang i-text o tawagan man lang para sabihan kung umaano ka o nasaan ka!"
Tinadtad ako ni kuya Damian ng mga tanong niya. Pinagsasandok niya ako ngayon ng bagong luto na kanin sa plato at napaka-kalmado niya lang din magsalita. Ni hindi ko magawang alisin ang tingin sa kaniya dahil kahit na galit siya'y napakagwapo pa rin. Para siyang tatay ko na pinagagalitan ako dahil ginabi na ng uwi. Kung sana ganyan kabait si tatay sa akin ay baka mas naging masaya ang buhay ko ngayon. Kaso hindi, e.
Nang malagyan ako ng kanin na akala mo ay huling kain ko na dahil gabundok ang nilagay niya. Nalibang yata si Kuya Damian kakasermon sa akin at nakalimutan niyang maliit lang ang bituka ko. Paano ko naman kaya uubusin ang tinambak niya sa plato ko?
Kinuha niya ang mangkok kung saan nakalagay ang niluto niya ring buttered-shrimp at saka ako nilagyan sa plato ko.
Naglagay din siya sa kaniya saka niya ibinalik sa dating kinalalagyan ang mangkok ng ulam saka ako tiningnan nang may malungkot na ekspresiyon sa mukha.
"Pasensiya ka na kung sine-sermonan kita ngayon, ayaw ko lang na masira ako sa nanay mo oras na may mangyaring masama sa 'yo. Baka hindi ko rin mapatawad ang sarili ko kung may mangyayari ulit na hindi maganda sa 'yo," bagsak ang balikat na sambit sa akin ni Kuya Damian.
Ngumiti ako nang tipid at saka siya nginusuan. Nakita kong nagulat siya sa naging reaksiyon ko kaya naman ay tinawanan ko lang siya.
"Sorry na," mapang-asar kong sambit at saka siya dinilaan sa pagkakataong ito. "Saka bakit naman ako mag-uupdate sa 'yo? Boyfriend ba kita?" dagdag ko pa.
Napansin kong nahinto siya kaya agad akong nahinto sa pagtawa. Hindi niya yata nagustuhan ang banat ko.
"Boyfriend mo man ako o hindi, seguridad mo ang isa sa prioridad ko." Nakatitig siya sa akin habang binabanggit ang bawat salitang nagpabaliw sa puso ko. Hindi ko alam kung naririnig niya ba ngayon ang aking dibdib dahil sa lakas ng kabog nito.
Sa isang banda sa puso ko, may hindi maawat na saya dahil hindi ko inaasahan na ganito pala ang pakiramdam na may nag-aalala sa 'yo, na may isang tao na ayaw kang mawala at mapahamak. Sa tanang buhay ko, ngayon ko lang naramdaman ang hindi maipaliwanag na saya. Sa tanang buhay ko, ngayon ko lang naranasang maging totoo sa nararamdaman ko.
Ngumiti ako sa kaniya. Kung hindi lang siya nasa kabilang parte ng hapag-kainan ay baka nayakap ko na siya. Baka magpakulong na naman ako sa malalaki niyang braso at hayaanh malusaw ang sarili dahil sa kagwapuhan at katikasan ni Kuya Damian.
Pinagsaluhan naming dalawa ang pagkain na siya mismo ang nagluto. Paulit-ulit ko siyang pinuri dahil sa sarap ng luto niya, parang siya. Char.
Kahit na anong gawin kong pag-iiba ng topic ay naisisingit niya pa rin ang sermon sa akin. Ni hindi ko na nga nagawang ligpitan ang mga pinagkainan namin dahil siya na mismo ang gumawa no'n habang pinagagalitan pa rin ako. Well, hindi ko naman talaga alam kung nagagalit nga siya dahil puro paalala ang sinasabi niya sa akin. Ayaw niya talagang mapahamak ako kaya ayaw niya nang maulit pa ang nangyari na ito. Buti na lang pala ay naisipan niyang puntahan ang bahay talaga namin dahil kung hindi, baka namatay na rin ako sa bangungot ko noon.
Napawi tuloy ang ngiti sa labi ko nang maalala ang masamang panaginip kanina. Sabi ng iba ay kabaligtaran naman daw ang nangyayari sa panaginip kaya hindi naman ako dapat mag-alala. Saka isa pa, nasa kulungan pa rin si tatay ngayon kaya napakalabong makapunta siya rito at saktan si Kuya Damian. Napakalabo mangyari no'n.
BINABASA MO ANG
SEKYU 1 (BL)
General FictionAlam ni Keifer na malaki ang posibilidad niyang matalo sa laro ng pag-ibig oras na pasukin niya ang buhay ni Damian, isang sekyu sa katabi nilang subdibisiyon. Sadiyang makulit siya at hinayaan niya pa rin ang pusong mahulog ng husto sa mga ipinapak...
