11 - Interview

429 12 0
                                    

PUMASOK si Meika sa isa sa mga tent sa evacuation center. Nadatnan niya rito si Trina kasama ang tatay nitong si Karl. Abala sa pagsasalansan ng mga gamit ang mag-ama. Tsinetsek nila kung alin sa mga ito ang maayos pa at alin ang dapat dispatsahin dahil nasira na ng sunog. Mula nang maapula ang sunog sa kapitbahayanan nina Trina, nakailang balik na sa bahay nila ang lesbiyana para isalba ang naiwan pang mga gamit.

Inilapag ni Meika ang isang styro cup ng tsokolate sa tabi ng pintuan ng tent at tinabihan ito para hindi matapon. Sa kaniyang posisyon ay nakaharang siya sa pintuan ng tent.

“Ito na lang ba ang mga natirang gamit?” angat ni Karl ng tingin sa anak nito na nakaupo lang din sa loob ng tent. Nagkalat sa palibot nito at sa kandungan ang ilang mga gamit. Pamilyar si Meika na ang karamihan sa mga ito ay gamit sa parlor katulad ng ilang spray bottle, gunting, at iba’t ibang klase ng suklay.

“Nakailang balik na ako, Mami,” sagot ni Trina na patalikod ang pagkakasuot ng shorpet o cap sa ulo. “Iyan na lang talaga ang natira. Hindi naman ako puwedeng mangalkal nang mangalkal doon. Baka makita ako ng mga bumbero’t pulis at paalisin.”

Napailing lang ang matandang lalaki na balingkinitan ang katawan at mapilantik ang mga daliri at pino kung kumilos. “Naunahan na tayo ng mga kawatan. At inuna pa talaga nilang tirahin ang mga blow dryer ko.”

Trina shrugged hee shoulders. “Makababawi ka rin, Mami. Kapag napaayos na natin ang bahay, mag-barbershop ka lang muna. Tamang gupit lang ng buhok. Gano’n.”

Malungkot na tiningnan lang ni Karl ang anak. “Haircut lang? Boring! Titingnan ko na lang sa ipon natin kung kakasya pambili ng mga bagong gamit. At saka pangkulay na rin ng buhok. Magpa-parlor pa rin tayo pagkaalis natin dito.”

Napailing na lang si Trina. “Siguradong mamayang gabi, mag-aalisan na rin ang mga pulis at bumbero doon. Pupuntahan ko uli ang bahay natin. Baka may mga gamit pa roon na naiwan, na puwedeng isalba.”

“Sasamahan na kita—”

“Huwag na, Mami. Walang magbabantay sa mga gamit natin dito sa evacuation.”

“E, ’di si Meika!”

“Hindi puwede, no? Hahanapin na ’yan sa bahay nila kapag inabot ng gabi sa labas!” Pagkatapos ay nilingon siya ni Trina. “Iyong chocolate ko?”

Meika took the hot cup. She held it by the lid while carefully handing it over to Trina. Nang makuha ang styro cup ay dahan-dahang uminom ng tsokolate ang kaniyang kaibigan.

“Mami,” baling ni Meika sa bakla na tatay ni Trina. “Sigurado po kayo na ayaw n’yong makitira muna sa amin? Oo, medyo masikip do’n, pero mas makakakilos naman kayo ro’n nang maayos. Wala kayong kaagaw sa tubig, kuryente. Hindi kayo pipila para sa pagkain. Kung nahihiya kayo matulog sa bahay mismo, puwede po ninyong tulugan ang karinderya pagsara namin n’on tuwing alas-onse.”

“Naku, huwag na, Meika,” kumpas ni Mami Karl ng isang kamay. Pagkatapos ay kinolekta na nito ang mga gamit na itatabi sa isang malaking plastic bag. “Nakakahiya na kay Mikaela,” banggit nito sa pangalan ng kaniyang nanay. “Mag-isa na nga lang niya kayong tinataguyod na magkapatid, dadagdag pa kami ni Trina.”

“E, saglit lang naman po kayo roon, Mami. Mahihirapan kayong ayusin uli ang bahay ninyo kung hindi ninyo pagtutulungan ni Trina. Kung mananatili kayo rito,.sino ang maiiwan dito at magbabantay sa mga gamit ninyo habang inaayos ninyo ang bahay n’yo?”

Napatingin sa kaniya si Mami Karl.

“Puwede naman ako. Kaya lang, alam n’yo naman po na tumutulong ako sa karinderya.” At may naisip pang ideya si Meika. “Isa pa, makakapag-ipon pa kayo ng pampaayos sa bahay o pambili ng mga gamit sa parlor kung tutulong si Trina sa karinderya. Kikita siya ro’n.”

ScoopTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon