Respeto at Tagumpay

137 2 0
                                    

Ika-12 ng Hunyo 1898 nang idineklara ni Heneral Emilio Aguinaldo ang ating kalayaan kasabay ang pagtugtog ng ating pambansang awit at pagwagayway ng pambansang bandila sa balkonahe ng kanyang bahay sa Kawit, Cavite. Tanda na malaya na tayo sa mga kamay ng mananakop. Tanda na sa ilang daang taon ng pagkabilanggo ay nakamtan na rin natin ang inaasam na pag-asa. Wala nang mang-aapi, wala nang mangtatapak ng kapwa, at wala nang mang-aalipin. Ito ang Araw ng Kalayaan, simbolo ng pagnanais nating makatakas sa hirap, sakit at pighati.

Ito ang tagumpay na nasimulan noon.

Subalit sa panahon ngayon, naaayon pa ba ito? Malaya pa ba tayong mga Pilipino? Wala ng bang nang-aapi o nang-aalipin? Ang tagumpay sa pagbabagong nasimulan ay abot-kamay na ba ng bayan? O hanggang tingala na lang sa langit at maghihintay ng bagong umaga, mag-aasam na hindi maglaho sa karimlan ang ipinaglaban at ikinamatay ng ating mga bayani?

Siguro ang pagdiriwang na lang nito ay ikinatutuwa ng karamihan dahil walang pasok sa paaralan at trabaho, at hindi ang pag-alaala sa kung ano talaga ang kabuluhan ng araw na ito. Ni hindi naglagay ng watawat sa sasakyan, o kahit bumili man lang sa nagkalat sa kalye na nagbebenta nito. Nakakalungkot isipin na wala na ring respeto ang iba sa pambasang bandila at awit ng Pilipinas. Bakit? Nakakatamad ba talaga ang pagtayo, paghinto sa pagmamaniho, pagkuha sa sombrero sa ulo, at pagtigil sa paghawak sa kamay ng irog mo, sa paghahalukipkip o sa pamumulsa? Mahirap ba itigil yan? Hindi ba pwedeng ilagay ang kamay sa dibdib kahit saglit lang habang ipinapatugtog ang Lupang Hinirang?

Hindi yan isang ordinaryong awit lang. Hindi yan isang ordinaryong tela lang. Ang awit at ang bandilang yan ay ang mga piping saksi sa pangyayari noong unang araw ng ating kalayaan.

Kaya akyatin natin ang rurok ng mundo upang iwasiwas ang ating watawat, sapagkat ngayon ay araw ng kasarinlan. Araw na karapat-dapat ipagdiwang ng buong sambayanan. Lahat tayo ay magkaisa, at alalahanin ang dugo at pawis na inalay ng ating mga bayani upang makamit natin ang kalayaan, para sa kapanganakan ng ating bayan.

Ang tagumpay na namumutawi sa ating mga labi ay hindi pansarili lang, dapat ito ay pangkalahatan. Dapat pakaingatan dahil ito ay pinaghirapan. Hindi yung puro pulitika ang nasa isip, hindi yung kung sinong nasa itaas ay hihilahin pababa, hindi yung nang-aapi ng mahihirap, hindi yung ibabaon sa limot ang anino ng nakaraan, at hindi yung magsasawalang-bahala sa mga katiwalian sa bansa. Kahit hindi man natin makamit ang tagumpay, ang mahalaga, nandoon pa rin ang respeto sa isa't isa.

ATBP.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon